[Kabanata 11 - Dahilan]
SANDALING namutawi ang gulat sa mukha ni Milagros bago nanumbalik ang katarayan sa mukha niya. Linabas niya ang mamahalin niyang abaniko at kinumpas iyon bago kami walang takot na tinignan ni Rafael.
"Sinasabi ko nga ba..." saad niya at nagtaas ng kilay. Nagulat ako nang maglakad siya papalapit sa akin at tignan ako mula ulo hanggang paa. Tingin pa lang ay parang hinusgahan niya na ang buong pagkatao ko.
"Tama ang hinala ni Ina sa iyo, kuya Rafael." Ngumisi si Milagros nang sulyapan ang kapatid. Ganito siya katapang ngayon dahil may sikreto siyang natuklasan na maaari niya pang panghawakan.
Binalingan niya ulit ako. "Tinatanan ka ba ng aking Kuya?" tanong niya na ikinagulat ko. Tinignan ko si Rafael para humingi ng tulong.
"Milagros, tama na. Walang kahit anong namamagitan sa amin ni Kiara. Iyong iwaksi kung ano mang bagay ang tumatakbo ngayon sa iyong isip. Wala kaming ginagawang masama," pagtatanggol ni Rafael sa amin.
"Wala raw ngunit magkasama sa iisang kuwarto. Mananagot ka talaga kay Ina sa oras na malaman niyang nagdadalang-tao ang binibining ito," taas kilay na saad ni Milagros na ikinagulat ko.
"H-ha? Hindi..." nabibiglang tanggi ko. Sumayaw lang naman kami ni Rafael tapos mapagbibintangan pa akong buntis? Ayoko na!
"Milagros, huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Puwede kang humiling sa akin ng kahit ano basta't huwag mo lang sasabihin kahit kanino kung ano man ang natuklasan mo rito. Maaari ba? Aking napakagandang kapatid..." malambing na pakiusap ni Rafael at hinawakan ang balikat ni Milagros para ilayo sa akin.
Napahinga nang malalim si Rafael. Mukhang ngayon pa lang ay alam ko nang may mapagsasabihan mamaya dahil nakapasok nang diretso rito si Milagros. Malalim akong napalunok habang nakatingin pa rin sa kanila. Hanggang ngayon ay kinikilabutan ako sa pinagsasasabi ni Milagros.
Nagliwanag ang mukha nito. "Talaga? Maaari bang ikaw na ang makiusap sa ating napakahigpit na mga magulang na huwag na akong ipagpilitan pang ipasok sa kumbento?" tanong nito na walang ibang nagpagawa kay Rafael kung hindi ang tumango na lang.
"Kung gayon, asahan mong magiging lihim ang natuklasan kong ito tungkol sa inyong dalawa ng iyong katipan," masayang sabi ni Milagros bago ako sinulyapan, nagulat na naman ako.
Napatulala na lang si Rafael kaya malayang nakapaglakad si Milagros papalapit sa akin. Mukhang hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari, na nahuli lang kami ng kapatid niya at mukhang magiging alipin siya ni Milagros sa loob ng napakahabang panahon dahil sa sikretong ito.
Kumapit si Milagros sa braso ko. "Ako nga pala si Milagros, Binibining Kiara! Masaya akong makilala ka. Ilang taon ka na ba? Ako ay labing-walong taong gulang na ngunit mukha pa rin akong bata, 'no?" ngiti niya.
Hinaplos niya si Kira nang magising ito at lumapit sa kaniya. Sa sandaling iyon ay nagkatinginan kami ni Rafael at alam kong sa pagkakataong ito ay wala na kaming takas pa.
TULALA akong naglalakad ngayon pauwi. Madali lang akong nakaalis sa aklatan kahit na maraming mamimili dahil ngayon hindi lang si Rafael ang tumulong sa akin kung hindi maging si Milagros din. Kakaiba talaga ang babaeng 'yon, ang dali lang kausap.
Hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat ng nangyari ngayong araw na ito at maging sa lahat ng nalaman ko tungkol kay Rafael. Tila kinabukas ay matatanggal na ako sa trabaho dahil palagi na lang akong wala. Hindi ko rin naman kayang umalis na lang sa Panciteria de Pasencia.
Hapon na, naghahari ngayon ng ulap sa langit. Naisip kong magpunta muna sa tulay para magpahangin. Kailangan kong mag-isip ngayon ng valid reason para hindi ako matanggal sa trabaho, hindi maaaring mawala sa panciteria ang isang babaeng kagaya kong hindi alam kung saan ang daan pabalik sa totoo kong buhay at mundo.
BINABASA MO ANG
Kisapmata
Historical Fictionkisapmata // historical fiction story Matapos ang aksidenteng nakaharap, si Kiara na nagmula sa isang malaking pamilya ay nawalan ng ala-ala sa isipan at nakalimutan ang kaniyang totoong mundo. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nahagip ng ka...