KISAPMATA II

34 4 0
                                    

[Kabanata 2 - Muli]

"P-PAUMANHIN..." mahinang sambit ni Rafael at hinubad ang suot niyang sumbrelo para itapat 'yon sa dibdib niya. Bakas sa mukha niya ang labis na pagkabigla dahil sa ginawa.

Humigpit ang hawak niya sa kaniyang sumbrelo na nakatapat sa dibdib niya bago tumingin sa magkabilang gilid ng payapang kalsada, bakas sa mukha niya ang kaba dahil pinagpapawisan na siya ngayon.

Nilingon ko si Latina at maging siya ay mukhang siniklaban na rin ngayon ng kaba. Lumingon siya sa panciteria na ngayon ay nakasara na dahil baka lumabas ang nanay niya. Nagbalik ako ng tingin kay Rafael at suot niya pa rin ang tuxedo na suot niya kanina noong nagkita kami sa daungan.

Naghari ang katahimikan sa pagitan naming tatlo, hindi ko akalaing iniisip niyang sinalubong ko siya sa daungan kahit na ang totoo ay napadaan lang naman ako roon dahil maraming tao ang naghihintay sa kaniya. Bakit nga pala siya dinurumog ng karamihan kanina? Bakit, artista ba siya?

"Ako ay lilisan na rito, mga Binibini. P-patawad muli at paalam." Natauhan ako nang magpaalam na si Rafael sa amin. Bumalik ang tingin ko sa kaniya at nagtama ang paningin namin.

Agad siyang umiwas ng tingin, bigla ko tuloy naramdaman ang yakap niya sa akin. Umihip ang hangin na siyang sumabay sa nakakailang na sandali sa pagitan naming tatlo. Sinuot muna ni Rafael ang sumbrelo niya at tinignan ako saglit bago tuluyang umalis sa harapan namin.

KINABUKASAN, sinag ng araw ang sumalubong sa akin matapos kong magising sa kuwarto kung saan ako hinatid ni Latina bago siya tuluyang bumalik sa kuwarto niya. Maliit lang ang kuwarto na 'to kumpara sa totoo kong silid pero puwede na rin.

Naligo na ako at nagbihis ng damit na ipinahiram din sa akin ni Latina bago bumaba na, nasa ikalawang palapag kasi ang mga silid at tinanggal ko na rin ang bendahe ko sa noo matapos kong maligo. Bumungad sa akin si Latina na noon ay nakaupo sa isang upuang may katapat na lamesa para sa mga parokyano at nasa tapat niya rin si Aling Pasencia na mukhang hindi maganda ang araw.

"Ngunit sino nga itong naaninag kong lalaki mula sa aking silid na naglakad paalis galing dito sa ating panciteria?" kunot noong tanong ni Aling Pasencia at pumamewang, napayuko naman si Latina dahil mukhang hindi niya na kayang magsinungaling pa.

Kaya naman humakbang ako palapit sa kanila at tumikhim kaya nabaling sa akin ang atensyon nila. Linagay ko sa likod ang kamay ko at sinimulan nang mag-imbento ng kuwento.

"Pasensya na po, Aling Pasencia. Ang totoo po niyan, ang lalaking natanaw niyo mula sa inyong silid ay walang iba kung hindi... ang aking... kababata. Opo, tama po. Sorry po kung hindi ko agad nasabi," pagsisinungaling ko.

Nagpalipat-lipat ang tingin sa amin ni Aling Pasencia habang may hawak na mahiwagang patpat, hindi ko akalaing mahigpit pala siyang ina. Si Latina ay nagtaka dahil sa sinabi ko pero alam kong hinihiling niya rin na hindi na maghinala pa ang nanay niya.

"Sori?" pag-uulit ni Aling Pasencia sa katagang ginamit ko bilang paghingi ng tawad.

Saglit akong natahimik dahil hindi ko alam kung anong dapat kong isagot sa kaniya. Hindi ba nila alam ang ibang language tulad ng English? Pero kung sa bagay, iba na rin pala ang panahon na kinaroroonan ko ngayon, ang lahat ay matagalog sa pananalita. Hindi ko nga alam kung binabangungot na ba ako dahil nandito pa rin ako.

"Ah, Inay. Iyon po ang... salita na ginagamit naming dalawa..." Tinuro ni Latina ang mga sarili namin, ang bagal ng pagsasalita niya dahil wala rin siyang maisip na palusot. "Bilang tawagan namin--este, paghingi po ng tawad. Iyon po." Ako na ang tumuloy sa pagsisinungaling namin.

Sandali kaming tinignan ni Aling Pasencia, mukhang naghihinala pa siya pero sa huli napahinga na lang siya nang malalim at tinanguhan ang palusot namin dahil batid niyang wala na siyang malalaman pa.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon