KISAPMATA XVI

7 4 0
                                    

[Kabanata 16 - Paglubog ng Araw]

LIHIM kong sinulyapan si Rafael na ngayon ay nasa tabi ko. Papalubog na ang araw, matapos kong tanggapin sa kaniya ang kumpol ng rosas ay dito kami sunod na nagpunta. Nakita ko na ang lilang rosas na ito sa mansyon ng mga Rosales dati at iniisip ko pa lang na pinitas ito ni Rafael para sa akin ay napapangiti na ako.

"Ke?" pagtawag sa akin ni Rafael na ikinatingin ko sa kaniya. Parehong nakakapit ang mga kamay namin sa hawakan ng maigsing tulay ng Santa Prinsesa. Nagtama ang mata namin.

"Bakit?" Hindi ako sigurado kung tama ba ang tinugon ko sa kaniya matapos niya akong bigyan ng bagay na hawak ko pa rin ngayon.

Tumalikod siya at sumandal din sa baranda ng tulay kaya humarap na siya sa akin. Umihip ang malamig na hangin, hindi ko alam kung bakit ang sandaling ito habang papalubog ang araw sa langit ay parang pamilyar sa akin. Lahat naman yata.

"Iyong nakikilala ba si Luis Delos Reyes?" tanong niya na ikinatigil ko, hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon ko matapos marinig ang pangalan ng taong hindi ko pa rin nakikita hanggang ngayon dahil sa nakakahiyang pangyayari na kung puwede lang ipatupok sa araw ay matagal ko nang ginawa.

Tinignan ko si Rafael, napatingin siya sa reaksyon ko. Naalala ko tuloy no'ng pinuntahan niya ako sa panciteria at madilim ang mga mata matapos kong makatagpo si Luis. Pasensya na talaga, Luis! Sa totoo lang ay ayoko na siyang pumasok sa isipan ko dahil sa tuwing nangyayari 'yon ay bumabalik din sa akin ang kahihiyan ko.

"May hindi ba magandang nangyari sa inyo?" tanong niya na ikinatigil ko ulit dahil sa diretso niyang tingin sa akin ngayon.

"W-wala naman, bakit?" tanong ko rin, piniling magsinungaling.

Napakurap siya nang dalawang beses habang nakatingin pa rin sa akin bago dahan-dahang tumango at ngumiti na nang kaonti. Mukhang buo ang tiwala sa akin ng lalaking 'to, bigla tuloy ako ritong nakunsesya.

"Nais ko lang sanang ibahagi sa 'yo na nagpagawa si Luis ng tahanan sa akin, nitong mga nakaraang araw lamang," sambit niya habang pinagmamasdan ako, iyon na lang yata ang nais niyang gawin hanggang sa tuluyang lumisan ang araw sa langit.

"May nabuo na akong plano ukol sa kaniyang mansyon, para sa akin ay sapat na iyon. Pupuntahan ko siya bukas, ibig mo bang sumama dahil tila sa aking gunita ay magkaibigan naman kayo?" nakangiting tanong niya na muling nagpatigil na naman sa akin. Napatingin ako sa kaniya at doon ko rin napagtanto na hinuhuli niya lang ako nang palihim.

"M-maganda ba 'yung design ng bahay niya?" out of nowhere na tanong ko sa kaniya para lang iwasan ang alok niya na samahan siyang pumunta kay Luis bukas. Hindi obvious ang reaksyon na lumalabas sa mukha niya sa sinasabi ko dahil kalmado lang siya.

"Marahil, para sa kaniyang magiging asawa ang tahanang aking gagawin dahil ayon na rin sa sinabi ni Doktor Luis ay gusto niya ng pangbabaeng disenyo. Kung sasagutin naman ang iyong katanungan ay hindi ko alam. Nais kong makita mo iyon sa oras na matapos na dahil ang iyong opinyon lang ang tanging mahalaga sa akin," salaysay niya bago tumingin nang diretso sa mga mata ko.

Nagulat naman ako, hindi ko alam kung bakit ganiyan siya sumagot sa akin. Hindi ako sigurado kung galit ang pagkakasabi niya noon? O hindi kaya'y talagang nagseselos lang.

"O-okay ka lang?" concerned na tanong ko.

Napatigil siya, mukhang napagtanto niya na ang dire-diretso niyang salita sa akin. Tumikhim siya bago piniling ngumiti para balewalain ang sandali na ginawa niya. "Paumanhin. Ngunit totoo ang aking sinabi, ang salita mo lamang ang tanging mahalaga... s-sa akin," buong tapang na wika niya.

Napatingin ako sa kaniya. Siya lang din naman ang tanging mahalaga sa akin kaya napahinga muna ako nang malalim bago sinimulang ibahagi sa kaniya ang katotohanan kung bakit ayokong makita si Luis.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon