KISAPMATA V

25 3 0
                                    

[Kabanata 5 - Pamilyar]

BAGO pa tuluyang bumukas ang pinto ay mabilis nang hinawakan ni Rafael ang kamay ko para isama papunta sa palikurang nandito lang din sa loob ng silid. "Dito ka lamang," bulong niya sa akin at tinignan ako bago tuluyang isinara ang pinto ng palikuran.

Saktong pagsara niya sa pinto ay ang siyang pagbukas din ng pinto ng silid. Narinig ko ang malalim na paghinga ni Rafael bago humakbang papalayo sa akin. Napahawak ako sa tapat ng puso kong kumakabog ngayon dahil sa kaba bago idinikit ang tainga ko sa pinto para pakinggan sila.

"Ano itong aking narinig na may sunog raw?" tanong ng matanda, napakagat ako sa labi ko matapos mapagtantong kasalanan ko pala.

"W-wala po iyon, Manang Coralia." Tumanggi agad si Rafael. Manang Coralia pala ang pangalan ng strict nilang mayor doma.

"At tila... boses ng babae? May tao ba rito, Rafael?" usisa ni Manang Coralia kaya napapikit ako nang mariin dahil sa sobrang kaba. Hawak ko na ngayon ang pinto para kung sakaling itulak ng ninuman ay buong puso pa rin akong makikipaglaban.

"Marahil ay mga binibini lamang sa ibaba ang inyong narinig malapit sa aking silid. Ako lang po ang tao rito." Nakipagmatigasan pa rin si Rafael.

Sandaling naghari ang katahimikan sa buong kapaligiran, tanging hangin na lang ang naririnig ng tainga ko. Sa huli ay bumuntong-hininga na lang si Manang Coralia bilang pagsuko.

"O'siya, ako'y lilisan na. Anong nais mong lutuin ko ngayong hapunan?" tanong ni Manang Coralia at narinig ko na ang paghakbang nila.

"Kahit ano na lang po." Hindi naman pala ganoong kaarte si Rafael.

Hindi rin nagtagal ay narinig ko na ang pagbukas at pagkandado ng pinto matapos nitong sumara ulit. Lumipas ang ilang segundo at bubukas ko na rin sana ang pinto ng palikuran pero may nagbukas na niyon para sa akin.

"Wala na." Si Rafael.

Sandali ko siyang tinignan bago hinawakan ang manggas ng damit niya para hatakin papasok dito sa loob ng palikuran. Mukhang nagulat siya dahil sa ginawa ko pero ginawa ko lang naman 'yon para mauna sa pagkalabas ng pinto. Siya nga, ilang beses akong hinawakan kanina, e.

"Bakit mo ba kasi ako pinapunta rito?" panimula ko nang makalabas siya sa palikuran. Ewan ko ba kung bakit dito pa kami sa kuwarto niya nag-uusap.

"Ang libro, nasaan?" tanong niya na ikinatigil ko. Sandaling nanatili ang mata ko sa kahel na langit bago siya muling liningon. Pinipindot-pindot niya ngayon ang piano niya.

"Nasa kuwarto ko. Huwag mo muna bawiin, please? Babasahin ko pa lang kasi..." Napatingin siya sa akin.

"Mahilig kang magbasa?" tanong niya.

"Malamang. Kaya ko nga kinuha 'yung libro sa 'yo, 'di ba?" pabalang na sagot ko, matunog lang siyang napangiti.

"Kung gayon, maraming salamat sa iyong oras, Binibining Kiara..." ngiti niya at akmang pupunta na sa kama niya pero hinarangan ko siya.

"Hep! Sandali, iyon lang? 'Yon lang ang sasabihin mo para papuntahin pa ako rito? Pati pangatlong beses ko na ring itatanong sa 'yo 'to, ah? Paano mo nalaman kung anong pangalan ko?" kunot noong tanong ko. Kanina pa talaga ako nanggigigil sa kaniya pero mabuti na lang at mabait ako.

"Dahil sa liham ni Latina," sagot niya at nagpatuloy na sa paghakbang.

Hinabol ko pa rin siya hanggang sa kama. "Nagpapasahan pa rin pala kayo ng liham, 'no?" habol ko kaya napatigil siya. Nagtataka niya akong tinignan, doon ko lang na-realize na mukha pala akong nagseselos kaya dinagdagan ko. "Para ka na ring two timer ngayon kasi ibang babae ang dinadala mo sa kuwarto mo."

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon