KISAPMATA XXVII

9 3 0
                                    

[Kabanata 27 - Luha]

PAPASAPIT na ang dilim, tulala akong naglakad papunta sa kung saan. Hindi ko alam kung bakit maging sa kalsada ay nagpapakita pa rin sa akin si Rafael dahil ang kalsadang linalakaran ko ay ginawa niya mismo. Nakakainis!

Hapon pa lang naman pero kulimlim ang patuloy na naghahari ngayon sa langit; madilim na mga ulap.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang lahat ng sinabi sa akin ni Rafael. Ang paraan ng pagtingin niya sa akin, ang pagsasalita niya, at ang lahat na. Wala na akong makitang pag-ibig pa.

Alam ko naman na magagalit siya sa akin, pero hindi ko pa rin mapigilan na masaktan. Sa tuwing iniisip ko ang masayang nakaraan namin ay parang nilalamig ang puso ko dahil kumpara ngayon ay napakalayo na ng nakaraan sa kasalukuyan naming dalawa.

Hinawi ko ang namumuong luha sa mga mata ko at pinigilan na iyon sa muling pagpatak. Mabuti na lang at wala masyadong tao sa kalsadang ito kaya malaya rin akong nakakaiyak.

Inayos ko na rin ang sarili ko bago mahigpit na hinawakan ang hawak kong abaniko. Bibilisan ko na sana ang paglalakad ko para mabilis ding makapunta sa patutunguhan nang biglang may pamilyar na boses na tumawag sa pangalan ko.

"Ke..." tawag sa akin ni Rafael. Sandali akong hindi nakagalaw dahil sa gulat, sinisiguro kung tama ba ang boses na narinig ko.

Ang boses na iyon... ay walang iba kung hindi sa kaniya.

Dahan-dahan na akong lumingon sa likod at napatingin ako nang diretso sa mga mata ni Rafael na ilang lakad na lang ang layo sa akin. Nakatingin din siya nang diretso sa akin ngayon, nangungusap ang mga mata niyang alam kong may ikinukubli.

"Kiara," tawag niya naman sa mismong pangalan ko.

Hindi ko alam kung sino ba ang dapat lumapit sa amin. Mukhang hindi niya rin alam ang dapat gawin at maging desisyon pero sa huli ay ginawa niya na ang limang hakbang papalapit sa akin. Tulad ng dati ay naramdaman ko ang pagkabog ng aking puso.... sa tuwing papalapit kami sa isa't isa.

Ngunit sa pagkakataon lang na ito ay may hinanakit akong nararamdaman din para sa kaniya.

"Bakit, Ginoo? May nakalimutan ka bang sabihin?" may diing tanong ko nang tuluyan siyang makalapit.

Hindi ko alam kung bakit kusa ko na lang iyong nasabi dahil nasasaktan pa rin ako sa ginawa niya.

"Ke..." malumanay na sambit niya habang seryoso ang tingin sa akin.

"Binibining Kiara. Maaari naman tayong maging pormal, ganoon ang mga taong hindi malapit sa isa't isa. Hindi ba, Ginoo?" pagbabalik ko sa tanong niya sa akin sa aklatan.

Sandali siyang hindi nakapagsalita, naghari ang katahimikan sa aming dalawa. Walang sino man sa amin ni Rafael ang nakakilos o nakapagsalita dahil sa nakaraan namin na hindi nagtapos nang malinaw.

Sa huli ay pinili niyang tumikhim upang basagin ang katahimikan sa pagitan namin. "Saan ka patungo?" tanong niya at tinignan ako.

Tumingin din ako sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit nandito siya ngayon at ganito na lang ako kausapin hindi gaya ng naging una naming pag-uusap nang kaming dalawa lang. Ngunit isa lang ang malinaw sa akin, ibig ko siya ngayong makasama kahit sandali.

"Kay Luis..." sagot ko.

Sandaling nanatili ang tingin niya sa akin bago kumurap na at umiwas ng tingin. "Sumabay ka na sa akin," saad niya na ikinatigil ko.

Tama ba ang narinig ko? Ayos lang sa kaniyang sabay na kaming magtungo kay ngayon kay Luis?!

"Ngunit kung hindi maaari ay huwag na lamang," dagdag ni Rafael habang nakatingin sa kung saan-saan.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon