KISAPMATA XXXI

5 3 5
                                    

[Kabanata 31 - Mahal Kita]

ANG buong sandali sa simbahan ay tila naging isang buong araw dahil sa tagal. Ang isang linyang binibitawan ng padre ay tila matatapos lamang sa loob ng isang oras. Tila nabunot ang malaking tinik sa dibdib ko nang sa wakas ay makatayo na at diretsong naglakad palabas ng simbahan.

Kailangan ko nang umalis dito. Nang mahagip ng mga mata ko ang bukal sa tapat ng simbahan kung saan lahat ay nagsimula ay agad din akong umiwas ng tingin matapos mamataan doon si Rafael na tila may hinahanap sa lahat ng taong isa-isa ngayong lumalabas sa simbahan ng Santa Prinsesa.

Agad akong pumihit patalikod at wala sa sariling naglakad papunta sa likod na parte ng simbahan. Hindi puwede na makita ko siya, hindi rin maaaring mag-usap kami dahil hindi ko alam at maintindihan kung bakit kailangang mangyari pa iyon.

Pero isang tawag lang ang nagpatigil sa akin.

"Kiara, sandali..." wika ni Rafael mula sa likod ko. Napapikit ako at wala sa sariling tumigil din.

Naramdaman ko ang malamig na ihip ng hangin. Nang idilat ko ang mata ko ay bumungad sa akin si Rafael katulad ng inaasahan. Maaliwalas ngayon ang hitsura niya, mabuti naman.

Bumalik sa akin ang nangyari kagabi, noong sinabi niya sa akin ang lahat at nawalan ng malay. Dinala ko muna si Rafael sa sala at pinunasan sa kanape, pinagmasdan sandali at matapos no'n ay pinahatid na rin sa hindi kilala na kutsero sa terminal ng Santa Prinsesa dahil kung si Mang Selio ang uutusan ko ay malalaman ng pamilya Rosales na sa akin nanggaling si Rafael.

Tinignan ko si Rafael at kasabay noon ay ang pagbalik sa akin ng nakaraang nalimot na at hindi na rin muli pang magbabalik. Nagtama ang mga mata namin, umihip ang sariwang hangin.

Asahan mong hindi na raw mauulit pero matapos ang dalawang taon ay lasing na naman.

"Aking natatandaan na sa 'yo ako nagtungo kagabi..." panimula niya.

"Ano naman ngayon?" tanong ko, iniiwasan na malaman niya ang katotohanang buong magdamag talagang nasa isip ko iyon.

"Patawad kung may nasabi o nagawa man ako kagabi. Lasing ako. Ano ang nangyari? May nasabi ba ako, Kiara?" tanong niya.

Sandaling nanatili ang tingin ko sa kaniya. Kung sasabihin ko man ang lahat ng nangyari at sinabi niya sa amin kagabi, wala pa rin namang magbabago. Kung ako pa rin, hindi naman mababago na may iba nang nakalaan para sa kaniya.

Wala rin.

"Wala naman. Lasing ka kaya nasabi mo rin marahil ang lahat ng hinanakit mo sa akin." Nagpakawala ako ng isa na namang mapagkunwaring ngiti.

Napatulala siya sa kawalan, tila may iniisip. "Ganoon ba..." wala sa sariling sambit niya.

Nang muli niya akong tignan, nanikip ang dibdib ko nang bumalik na rin sa dati ang lahat. Malamig nang muli ang paraan ng pagtingin niya sa akin, tila isa na naman akong estranghera kung tumingin siya ngayon sa akin.

"Kung gayon, maaari ka nang mauna sa pag-alis..." paalam niya at ngumiti nang mapagkunwari. "Dahil doon ka naman magaling." Tinignan niya ako nang diretso, "ang mang-iwan."

Masakit, iyon lang ang naramdaman ko habang nakatingin sa kaniya nang walang kahit anong pagmamahal na pumapagitna sa amin. Pinili ko nang umatras at sinubukan siyang ngitian bago tuluyang tumalikod at maglakad na palayo tulad ng nais niya.

Kasabay ng aking pagtalikod ay ang pamumuo ng luha sa mata ko dahil wala na akong maintindihan pa. Sa walang katapusang pagkakataon ay pinili naming tumalikod sa isa't isa, humakbang palayo at hindi na muli pang lumingon upang balikan ang mapait na nakaraan.

KisapmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon