Chapter 2: Warning

1K 69 29
                                        

Chapter 2: Warning

Simula pagkauwi kahapon ay inintriga ako ni Angelo ngunit ilag ako sa pagsagot. Ayaw kong maalala ang nangyari kahapon. Dahil kada iisipin ko iyon, hindi ko maiwasang balikan ang sinabi sa'kin ng lalaking nakita ko, ang kilabot na naramdaman ko sa ospital pati na ang itsura ni Jasmine.

"Heeeeello? Apple, are you still with me?" Inis na sambit ni Carla habang ikinakampay ang kamay niyang may hawak ng pamaypay sa harapan ko na nagpanumbalik sa akin sa reyalidad.

Mabilis akong napakurap. "Sorry. Ano bang sabi mo?" tanong ko sabay higop ng juice.

Inirapan naman niya ako atsaka pumameywang. Ganyan talaga 'yan, sanayan na lang siguro.

Ito na ang pinakahuling taon namin bilang high school student at sa loob ng dalawang taon, kaklase ko siya at matalik na kaibigan.

"Walang ulitan sa lutang," sabi niya bago tumayo at kinuha ang order namin.

Ilang sandali pa'y bumalik na siya dala ang dalawang tray. "Ano nga palang nangyari sa'yo noong absent ako?" may pag aalalang wika niya habang umuupo.

Alam niya kasing wala na akong ibang kaibigan sa school maliban sa kanya. Sa totoo lang, ilang beses na niya akong pinagsabihan tungkol dito. Ang sabi niya, dapat daw matuto akong makipagkaibigan, hindi 'yong gumagawa ako ng harang para mapalayo ako sa iba.

Kinuha ko ang tinidor na nakapatong sa tray niya at hinalo ang carbonara na inorder ko.

"As usual, boring," kibit-balikat kong sagot bago pinaikot ang tinidor sa noodles.

Akmang magsasalita na dapat siya nang natuon ang atensyon namin sa tilian ng isang grupo ng kababaihan na nakalupon sa tapat mismo ng pinto ng canteen.

"Baka may artista," iritang sabi ko at napa-irap pa ako nang di oras. Nakakarindi kasi ang tilian nila. 

"Mayro'n nga, si Vince."

'Ayan na naman 'yang Vince na 'yan. Halos araw-araw kong naririnig ang pangalan niya pero ni minsan hindi ko pa siya nakita dito sa school.

"Saan?" tanong ko bigla. Tinginan naman ako ni Carla na tila ba may mali akong nasabi atsaka ngumiti ng nakapanloloko.

Hindi ko na lang siya pinansin sa halip ay nilibot ko ang aking paningin hanggang sa nabaling ang pansin ko sa isang babaeng nakasuot ng uniporme katulad ng sa akin.

Malalago at mahaba ang kanyang buhok na umabot sa kanyang bewang. Nakasuot siya ng eyeglass na bilog ang frame at medyo makapal ang lens. Kapansin-pansin ang isang bagay na yapos-yapos niya na tila ba napaka importanteng bagay sa kaya kaya't di niya magawang ilapag—isang libro.

Nasa pinakadulong bahagi siya ng canteen kung saan hindi masyadong inuukupahan ng mga estudyante.
Nakatingin siya sa akin at nakangiti. Pansin kong bumuka ang bibig niya bahagya na parang may sinasabi, subalit dahil sa kalayuan at ingay ng paligid ay hindi ko ito narinig.

May napadaan na estudyante sa tapat niya at ilang segundo lang ang nakalipas, wala na siya sa pwesto niya. Luminga-linga ako sa paligid ngunit hindi ko na siya nakita pa.

**

"Sigurado ka ba sa nakita mo?" paulit-ulit na tanong sa akin ni Carla matapos kong i-kuwento ang babaeng nakita ko kanina sa canteen.
Noong una ay hindi siya naniniwala sa nakita ko pero nang napansin niya ang pagiging seryoso ko ay naniwala na siya.

Tumango ulit ako sa kaniya katulad ng ginawa ko kanina pa bilang sagot. Dahil paulit-ulit lang ang tanong niya syempre, paulit-ulit lang din ang isasagot ko.

The Unnamed BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon