Chapter 14: Doubt
Halos magwala ang cellphone ko nang buksan ko ito. Maraming mensahe at tawag ang rumehistro rito. Ang dalawang text message at isang tawag ay galing kay Ma’am Ching, may apat na text message naman na galing sa mga officer ng klase namin at ang natitirang benteng mensahe at labing anim na tawag ay mula sa iisang tao na gusto ko munang iwasan sa ngayon— kay Carla.Eksaktong isang linggo ngayon matapos kong marinig ang pag-uusap nila Carla at ng babaeng nagpakilala sa’king school nurse namin. Mula no’ng gabing iyon ay iniwasan ko na si Carla. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko, pero sa tingin ko ito ang mas makakabuti sa’min. Ang manatili muna sa ganitong sitwasyon. Wala rin naman akong lakas ng loob para komprontahin at tanungin siya tungkol doon. Humihiling na lang ako na sana, sana mali ang pagkakaunawa ko sa takbo pinagusapan nila.
“Ate Mans…” mahinang pagtatawag ni Angelo. Sinulyapan ko siya at nakita kong nakadukwang ang mukha nito sa pinto na para bang nagdadalawang isip kung papasok ba sa kwarto ko o hindi.
“Pumasok ka na. Kunyaring nahihiya ka pa sa’kin, eh wala ka namang hiya.”
“Grabe ka sa’kin, ate.” Nagtatampong aniya. Mahina akong natawa sa reaksyon niya. May pagpadyak pa kasing nalalaman ang loko.
Umupo siya sa dulo ng kama ko at saglit na tinapunan ng tingin ang parihabang bagay na nasa gitna nito na kanina ko pa tinititigan.
“Hanggang kailan mo gustong magkulong dito?”
Nagkibit balikat lang ako. Narinig ko siyang bumuga ng hangin.
“Di ko na talaga alam ang dapat sabihin sa’yo, Ate Mans.” Umiiling niyang panimula. “Isang linggo ka nang ‘di pumapasok sa eskwelahan mo. Gusto mo ba talagang bumagsak? Sinasayang mo lang ang perang pinangbabayad sa tuition fee mo. Maraming iba diyan na gustong magkapag-aral at makapasok sa isang sikat na paaralan. May iba pa ngang nagsasariling sikap para masustentuhan ang pag-aaral nila, pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Hindi mo ba alam kung gaano kahirap ‘yon? Pero heto ka, kinukulong ang sarili at pangarap sa apat na sulok ng kwartong ito. Sinasayang mo lang ang tyansang makapag-aral. Tandaan mo, kasabay mong tumatanda si Papa. Hindi habang buhay may susustento sa’yo Ate Mans, kaya umayos ka nga.” Sunod-sunod na sabi niya.
Napalunok ang ng laway bago nagsalita, “A-Angelo…” basag ang boses na pagtatawag ko sa kaniya. "One week lang naman akong 'di pumasok," pagdadahilan ko. Takte. Talo ko pa ang pinapagalitan ng nakakatandang kapatid ngayon.
Teka, sino ba talaga mas matanda sa’min? 14 years old siya samantalang 16 years old naman ako. Mas matanda ako ng dalawang taon sa kaniya pero bakit palagi na lang niya akong napapagalitan?
“Wala sa bilang ng araw ang basehan ng pag-aaksaya sa edukasyon. Ang simpleng ‘di pagpasok sa eskwelahan, ang hindi pagkikinig sa klase habang nagtuturo ang guro o ang ‘di paggawa ng mga requirements at assignment ay kabilang do'n. Tsaka hindi lang naman sa paaralan makukuha ang edukasyon, Ate Mans. Maging sa paligid natin. Sa pag-oobserba natin sa ginagawa ng ibang tao. Sa pakikisalamuha natin sa kanila. Vicarious learning ang tawag d'on. Di mo alam, ‘no? Kaya nga nagagalit ako sa’yo dahil tine-take guaranteed mo lang ang opportunity na matuto.”
“Kahit na wala tayong binabayad sa tuition fee ko gets ko ang point mo. Promise, mag-aaral na akong mabuti!” sabi ko na nakataas pa ang kanang kamay na tila ba nanunumpa.
Tumango-tango naman siya saglit, tinapik-tapik ang ulo ko atsaka tumayo. Akala ko lalabas na siya at tapos na sa paninermon pero hindi pa pala.
“At isa pa, hanggang kailan mo iiwasan si Ate Carla? Di ka na naawa sa tao. Halos araw-araw siyang pumupunta rito para itanong kung kamusta ang kalagayan mo dahil ang alam niya, may sakit ka. Kung nagkaroon man kayo ng ‘di pagkakaunawaan, mag-usap kayo. Sa ginagawa mong ‘yan mas lalo mo lang pinapalabo ang pagkakaibigan niyo. Hindi solusyon sa problema ang pag-iwas kundi ang pagharap dito.”
BINABASA MO ANG
The Unnamed Book
Детектив / ТриллерIsang kakaibang libro ang kaniyang napulot na nagpagulo sa kaniyang tahimik na mundo. Hanggang saan siya dadalhin ng kaniyang kuriyosidad?