Chapter 13: Hospital

341 14 7
                                        

Chapter 13: Hospital

Sa bawat hakbang na aking ginagawa mas lalo akong kinakapusan ng hininga. Naramdaman kong napigtas ang tsinelas na suot ko. Saglit akong huminto upang tanggalin ang isa pang kapareha nito bago muling tumakbo. Damang dama ko ang malambot na lupa at malapot na putik na dumikit sa aking mga paa. May mga putol na sanga rin akong natapakan na nakadagdag sa sakit na iniinda ko. Ang kanina’y puti kong hospital gown ay halos nagkulay abo na. Pagod na pagod na ako kakatakbo. Gusto ko mang huminto upang makapagpahinga ay alam kong buhay ko naman ang magiging kapalit.

Patuloy pa akong tumakbo hanggang sa nakarating na ako malapit sa bangin. Tumingin muna ako sa kalangitan. Parang kanina lang tanaw ko pa ang mga bituin at bilugang buwan, ngayon ay tinatakpan na ito ng makakapal na ulap. Dinama ko ang paghampas ng malakas na bugso ng hangin kasama ng malalaking patak ng ulan sa mukha ko’t buong katawan. Hinayaan kong tangayin nito ang mahaba kong buhok at suot na hospital gown. Halos humalo na rin dito ang dugo mula sa aking sugat na walang tigil sa pag-agos.

Sana katulad ng bituin, mawala man ako, mananatili pa rin ang mga alaala ko sa mga taong mahalaga sa‘kin. Sana hindi nila makalimutan na may isang taong tulad ko na nabuhay sa mundong ito.

Mama, papunta na po ako sa inyo. Sa wakas, magkakasama na tayong muli. 

**

Tutok ang mga mata ko sa monitor ng laptop ng aking kapatid. May mga nakapaskil ditong mga salita na kamailang ulit ko nang binasa ngayong araw. Ang kaninang blangkong pahina ay sa wakas nalapatan na ng sulat. Grabe. Ang hirap talagang ma-writers’ block.  Mabuti na lang may naalala akong pangyayari kaya nagkaroon ako ng ideya kung ano ang sunod na isusulat. Hindi ko napansin na medyo matagal-tagal na rin pala bago ko ulit ito nadugtungan. Maraming kasing nangyari sa school nitong nagdaang araw kaya hindi ko na ito naasikaso pa.

Kahapon, matapos ng pag-uusap namin ni Sheryl ay agad na nagpatawag si Ate Joy at Kuya Dave ng psychiatrist para ma-check ang kalagayan ni Sheryl.

Gusto ko sanang sumama sa kanila kaya lang hinarang ako ng grupo ng mga estudyanteng base sa kulay orange na ID lace na nakasabit sa kanilang leeg ay mga taga-journalism club. Maraming silang tinanong tungkol sa nangyaring kaso, mas marami pa yatang silang tinanong sa ‘kin kaysa kay Kuya Dave at halos karamihan ng mga tanong nila ay paulit-ulit at nakakaurat sagutin.

Pagkalinggon ko sa pwesto ni Vincent, wala na siya. Nakakainis! Talagang iniwan niya ako mag-isa rito. Sisigaw na sana ako sa inis kundi lang dumating si Carla at kinausap sila. Ewan ko kung anong magic word ang ginamit ni Carla para mapaalis sila.

Ah, nakalimutan ko nga palang siya si Carla Cali. Ang nag-iisang pambato ng Morrison Academy pagdating sa mga beauty pageant. Napapailing na lang ako sa tuwing napapatanong ako sa aking sarili na: Bakit sa dinami-rami ng taong kakilala niya o kilala siya ay ako pa ang kinaibigan niya at palagi niyang kasama? Kung iisipin, ang swerte ko dahil ang isang Carla Cali ay naging bestfriend ko.

“Ateeee~”

Naputol ang pag-iisip ko nang narinig ko ang malambing na boses ng kapatid ko. Kaagad na bumaling ang paningin ko sa naiwan kong bukas na pinto. Nakita ko roon ang kapatid kong perteng nakasandal sa gilid nito at nakangiting abot tenga. Ang kaliwang kamay niya ay nakapamulsa habang ang kanan naman ay may hawak na pulang mansanas. Walang paalam siyang pumasok sa kwarto ko na hanggang ngayon ay nakangiti pa rin na parang model na toothpaste.

Teka. Malambing na boses plus, mansanas plus, ngiting abot tenga? Kapag ang kapatid ko ang nagsama ng tatlong salitang ‘yan isa lang ang ibig sabihin niyan: Hihingi ‘yan ng pabor.

Umupo siya sa tabi ko. Kinuha niya ang kamay ko’t inilagay doon ang hawak niyang pulang mansanas.

“Sabihin mo na kung anong kailangan mo. Kahit ano, basta ‘wag pera.”

The Unnamed BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon