Chapter 5: Rope and Hope

553 42 12
                                    

Chapter 5: Rope and Hope


Habang nakatulala sa kay Nica na nakabulagta sa sahig at puno ng dugo ay para bang isa-isang nananariwa sa akin ang isang malagim na nakaraan na pilit kong ibinaon sa limot.

Ang magiliw at abot tenga niyang ngiti noong huli ko siyang nakausap, ang pagtatanggol niya sa'kin dati at higit sa lahat, ang katawan niyang natagpuan na wala ng buhay sa dalampasigan. Akala ko nakalimutan ko na, pero hindi pa rin pala.

Sa gitna ng tulakan ng mga estudyante patungo kay Nica, unti unting humina ang sistema ng katawan ko. Nanikip ang dibdib ko at tila ba kinakapos ako ng hininga. Napakapit ako bigla sa braso ni Carla upang maging pangsuporta sa nanghihina kong katawan na kasalukuyang nakatingin sa likod. Sinulyapan ko kung ano o sino ang tinitingnan niya subalit talagang nanlalabo na ang mga mata ko hanggang sa tuluyan na nga itong bumagsak.

Pagkamulat ko sa aking mga mata ay bumungad sa akin ang isang magandang babae na mukhang nasa mid 20's na nakaputing uniporme. Kinusot ko ang aking mga mata upang makita siya nang maayos sa pag aakalang mababago nito ang pakiramdam ko na tila ba nakita ko na dati ang taong nasa harapan ko ngayon, ngunit wala pa ring nagbago.

Magiliw itong ngumiti sa akin habang lumalapit. "Kamusta na ang pakiramdam mo? Nahihilo ka pa rin ba?" Umiling ako bilang sagot sa tanong niya. Nilibot ko ang aking mga mata sa paligid. "Hinahanap mo ba ang kaibigan mo? Wala siya ngayon, pinapasok ko muna sa klase niyo"

"Ah, gano'n po ba," wala sa sariling sabi ko. Tiningnan ko ang wristwatch ko at pagkakita ko sa oras ay agad akong napabangon. Naku, 6:30 na pala. Kailangan ko nang makauwi. "Marami pong salamat sa pagbantay sa'kin. Hindi na po ako magtatagal pa dito," mabilis na pagwiwika ko kasabay ng pagkuha sa bag ko na nasa tabi ko lamang at naglakad na papunta sa pinto.

Huminto ako't hinarap siya. Isang ngiti ang muling sumilay sa kanyang mukha na nagpasingkit lalo sa kanyang mga mata. "Oo nga pala, may dumating din ditong isang lalaki. Mukhang alalang alala siya sa'yo. Boyfriend mo ba 'yon iha?"

"Naka uniporme po ba 'yon na taga- Mary Claire Academy?" balik na tanong ko habang mahigpit na nakahawak sa strap ng bag ko.

Sa Mary Claire Academy nag-aaral si Angelo at si Daniel. Nagtataka nga ako kay Angelo kung bakit ayaw niyang mag-aral dito e 'di hamak naman na mas malapit ang school na 'to kaysa sa pinapasukan niya. Katwiran niya, ayaw niya raw na iisa lang ang school namin dahil lagi na nga niya akong nakikita sa bahay pati ba naman raw sa school makikita pa niya ako. Hay naku, ayaw lang niyang malaman ko ang mga kalokohang pinaggagawa niya e.

"Hindi. Dito rin siya nag aaral." Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Hindi taga Mary Claire? Ibig sabihin, hindi si Angelo ang pumunta dito. Kung gano'n, sino?

"Ay, hindi po. Kaibigan ko lang 'yon. Sige po alis na ko," saad ko bago humakbang papalayo sa clinic.

Nagsinungaling ako. Hindi ko kaibigan yung sinasabi ng nurse. Ni wala nga akong kaide-ideya kung sino ang tinutukoy niya.

Malalaki ang bawat hakbang ko sa paglakad kakamadali. Kakaunti na lang ang mga estudyanteng nakakasalubong ko, palibhasa anong oras na rin naman.

Kinuha ko ang cellphone na nasa blazer ko upang tawagan sana si Carla kaso natigilan ako sa isang munting papel na nahulog. Pinulot ko ito at tinitigang mabuti. Napataas ang kilay ko nang binasa ko ang nakasulat dito.

"Be careful," pag uulit ko matapos itong mabasa.

Sino naman kayang mabuting nilalang ang naglagay nito sa blazer ko?

Tinupi ko ito at isinuksok sa bulsa ng bag ko saka muling itinuon ang atensyon sa cellphone habang naglalakad. Nakakailang beses na akong nag-dial kaso hindi niya sinasagot kaya itinigil ko na.

Napahinto ako sa paglakad at napaangat ang tingin sa isang building kung saan tumalon si Nica. Para namang may sariling pag iisip ang mga paa ko't dinala ako sa isang lugar na ipinagbabawal sa mga estudyante dito-ang rooftop ng science building.

Mabuti na lang naiwan nilang bukas ito dahil sa pagkakaalam ko, mga teacher at staff ng school lang ang tanging may access para makapasok dito. Nakakapasok din sila Nica dahil may duplicate siya sa susi ng Papa niya.

Madilim na ang kalangitan at ang buong paligid kaya kinuha ko ang phone ko upang magsilbing ilaw. Humakbang ako papalapit sa pinagpwestuhan ni Nica kanina bago siya nahulog, pero hindi ko inaasahanang nangyari.

Napatid ako't nabitawan ko ang cellphone ko. Mabuti na lang, agad akong napakapit sa isang bakal na nagsisilbing harang. Hindi ako makapaniwala. Kamuntikan na akong mahulog. Napaupo ako sa sobrang takot at kaba. Ilang segundo rin ang pinalipas ko para mapakalma ang sarili.

Nang kumalma na ako ay agad kong hinanap ang phone ko na nasa isang sulok, hindi kalayuan sa pinagpwestuhan ko kanina. Lumapit ako rito't akma ng kukunin nang may napansin akong kakaibang bagay.

Itinapat ko ang cellphone ko rito para makita ng maayos. Marahan ko itong hinawakan at sinundan kung saan ito nakakabit. Napakunot ang noo ko ng malaman na nakakabit ito sa magkabilang pader na may pako.

Para saan ito? Bakit may ganito?

Sunod-sunod ang pagbuo ng mga katanungan sa aking isip kasabay nito ang pagkuha ko ng gunting mula sa bag ko. Akma ko ng puputulin ang tali nang may narinig akong isang malakas na kalampag mula sa pinto ng rooftop.

"A-anong ginagawa mo rito?" Humahangos na sabi ni Hanna, isa sa mga kaibigan ni Nica at ang bukod tanging naglakas ng loob na umakyat dito para pigilan ang kaibigan niya sa pagtangkang tumalon.

Napangiwi naman ako sa kanya. Ano bang isasagot ko? Na pumunta ako dito dahil gusto kong patunayan sa sarili ko na nagkakatotoo ang isinusulat ko sa isang lumang libro? Paniguradong iisipin niyang nababaliw na ako kung iyon ang isasagot ko kaya naman pinili ko na lang ang manahimik.

Lumapit siya sa pwesto ko at katulad ko, ginamit din niya ang cellphone niya para maging ilaw. "Ano ba 'yang hawak mo?" pagtatanong niya ulit.

"Hindi ko alam kung anong tawag dito, pero tingan mo, baka alam mo kung ano ito." Ipinakita ko naman sa kanya ang lubid na sa unang tingin ay hindi mo agad makikita. Para kasi itong transparent.

Itinapat niya ang ilaw ng cellphone niya sa bagay na hanggang ngayon ay hawak ko pa rin. Pagkakita niya dito ay agad na nanlaki ang mga mata niya. Nagulat ako nang bigla siyang pumagitna, dahilan para mapaatras ako bahagya papalayo sa bagay na iyon.

"S-sa tingin ko, mas maganda kung uuwi ka na," aniya habang nakangiti, pero hindi umabot sa kanyang mga mata-- para kasing pilit ito at tila ba kinakabahan siya. Hindi ko nagawang tumugon sa sinabi niya dahil sa pagtataka. "Sige na. Umuwi ka na. Ako na ang bahala dito," muli niyang saad bago luminggon sa bagay na nasa likuran niya.

Magtatanong sana ako sa kanya kaso biglang nag-ring ang cellphone ko at nakita kong si Angelo ang tumatawag. Tumango ako sa kanya at nagpaalam na aalis na. Ngiti lang ang ibinigay niya sa akin. Kasabay ng paglabas ko sa pinto ng rooftop ay nasulyapan ko pa siyang tinatanggal ang kakaibang tali na iyon mula sa pinagkakapitan nitong pako.

Nakaramdam ako ng takot nang nahagip ng mga mata ko ang isang partikyular na lugar. Ngayon ko lang napansin, may isang pwesto kung saan sira ang bakal na harang. Muli, isang masamang ideya ang bumagabag sa akin. Saglit akong napapikit at sa pagdilat ko ay nagsimula nang maglakad pababa ng hagdan.

Sana, hindi tama ang hinala ko.

------------- ------ ------------

A/n: This chapter is dedicated to MisterNathan. Hello po! Thank you po sa comment, pagreply sa'kin at sa pag add ng story na 'to sa RL niyo. :) 

Pasensya na kung maikli lang itong update.. Sana kahit papaano e nagustuhan niyo. Arigato :) 

-AzileMadriaga


The Unnamed BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon