Chapter 11: Sticky Note

375 18 1
                                    

Chapter 11: Sticky Note

Mula sa second floor ay nakasunod lang ako sa kanya na nagpatiunang lumakad. Walang naglakas loob na magbukas ng konbersasyon sa ‘min kaya’t nang nadaanan namin ang hallway ay rinig na rinig ko ang malakas bulungan ng mga estudyanteng para bang sinasadyang iparinig sa amin ang kanilang pag uusap. Napakibit balikat na lamang ako habang nilampasan ang pwesto nila katulad ng kanina ko pa ginagawa magmula no’ng pumasok ako.

Sino ba kasing kutong lupang nagkalat na ako ang pumatay kay Lance? At itong mga walang magawang nilalang na ‘to, sinasayang lang ang mga laway nila sa pagkakalat ng mga balita na wala namang katotohanan. Ganyan ba talaga sila kabilis manghusga ng tao? Ni hindi man lang nila inalam ang totoo sa hindi. Basta may mapagtsismisan lang, ayos na. Bahala na si Batman kung sinong tao ang masasagasaan.

Okay. Kumalma ka, Apple. Wala kang mapapala kung papatulan mo sila. Ang importante ngayon ay ang mapatunayan mong inosente ka sa akusasyong ibinabato sa ‘yo.

Bumuntong hininga ako nang malalim bago paulit ulit na kinausap ang sarili na kumalma.

Sa masikip at pang isahan o dalawahang hagdanan kami dumaan. May karatula pang nakapaskil doon, bagama’t luma na ito, kinakalawang, at basag na ang ilaw sa gilid ay nababasa ko pa rin ang “Fire Exit” na nakasulat.

Bahagya akong napangiti nang naalala ko na ito ang lugar kung saan ko kinausap noon si Carla tungkol sa mga hinala ko sa pagkamatay ni Nica, at siya ring lugar kung saan ko nakita si Kate kahapon ilang oras bago namin nabalitaan na pinatay si Harvey, na siya namang kaibigan nitong si Vincent, na kasama kong napagbintangan na pumatay kay Lance, na pareho naming alam na hindi totoo.

Teka. Anong sabi ko? Parang wala ata akong maintindihan bukod sa salitang “na”.

Napailing iling na lang ako. Ilang segundo pa ang lumipas bago ko napagtanto ang lahat.

Hindi kaya…

Napahinto ako sa ika-apat na baytang pababa habang pinagmamasdan ang aking kasama na bumababa.

Hindi, Apple. Baka masyado ka lang na pa-paranoid kaya't naisip mo na maaaring konektado ang lahat ng nangyayari rito.

Napansin niya yatang hindi ko na siya sinusundan kaya naman huminto siya’t tinapunan ako ng tingin.

Patuloy pa rin ang pag iling ko kaya naman linapitan na niya ako, huminto sa ikaanim na baytang para maging magka-level ng height kami at malakas akong na inalog.

Walanghiya. Hindi ko inaasahan ‘yon kaya ‘di ako nakapaghanda. Geez, nahilo tuloy ako sa ginawa niya.

“Pasensya na. Iniisip ko lang kasi kung saan tayo papunta,” pagsisinungaling ko.

Nagpakawala siya ng mahinang buntong hininga bago tumingin sa ibaba. Ako naman ang nagtaka sa reaksyon niya. May parte rin sa akin na naiilang sa pwesto namin ngayon. Nakakahiya. Baka may makakita sa amin at akalain pang magkasintahan kami na nagkaroon ng lovers’ quarrel.

“Let’s go.”

Hindi na ako nakaalma pa no’ng hinawakan niya ang kanang kamay ko at hinila pababa. Mabuti na nga lang hindi ako natisod sa bilis nang pagkaladkad niya.

Tuloy tuloy lang siya sa paglakad na naging pagkaladkad para sa akin pababa hanggang sa sumalubong sa amin ang preskong simoy ng hangin. Katamtaman ang init na ibinibigay ng araw sa ganitong oras kaya’t napakasarap tumambay sa ibaba ng nag-iisang malaking acacia tree rito na naging trademark na rin ng Morrison Academy.

The Unnamed BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon