Chapter 6: Needle

527 41 15
                                    

Chapter 6: Needle


Mahigpit ang pagkakahawak ng kaliwa kong kamay sa cellphone ko na nakatapat sa tenga ko habang ang kabila naman ay nakahawak din nang mahigpit sa strap ng bag ko.

"Hello. Angelo, pauwi na ako. Nasaan ako? Nasa school pa. Bakit ba?" malakas at tapang-tapangang sabi ko na para bang ipinaparinig ang pag uusap namin kuno ng kapatid ko.

Sa totoo lang, wala naman talaga akong kausap sa kabilang linya. Mukhang nainip na sa kahihintay ang kapatid ko kanina, kaya bago ko pa na-click ang phone ko sa answer ay binabaan na niya ako. Ngunit dahil sa pakiramdam ko na may matang nakadikit sa akin magmula nang nakalabas ako ng clinic kanina hanggang sa pag uusap namin ni Hanna na tila ba pinagmamasdan ang mga ginagawa ko--namin ay nagkunyari ako na kausap si Angelo sa cellphone.

Ang diretso kong tingin habang nakahawak ng phone ay ibinaba ko muna sa huling baitang na tatapakan ko pababa ng hagdan papuntang quadrangle. Tahimik na ang buong lugar at ideyang kakaunti na lang ang taong nananatili sa school ay nakadagdag pa lalo sa takot at kabang na aking nararamdaman.

Patuloy akong umarte na may kausap sa phone habang naglalakad hanggang sa may nakasalubong akong hindi inaasahang tao.

"Para kang tanga dyan ate. Itigil mo na nga 'yan," aniya sabay hablot ng cellphone ko. Umamba naman ako ng batok kaso nailagan niya at dinilaan pa ako ha. Bwisit talaga.

"Ano bang ginagawa mo rito?" asar na sabi ko sa kanya habang nakalagay ang dalawang nakaekis na braso sa tapat ng dibdib.

"Malamang susunduin ka. Hindi mo sinagot ang tawag ko e."

"Ang OA ha. Nakakaisang tawag ka pa lang naman tapos pupuntahan mo na ako kaagad dito," sarkastikong sabi ko na hindi pa rin inaalis ang pagkakaekis ng braso ko.

"May tumawag sa akin kanina. Ang sabi niya, sunduin daw kita dahil hindi maganda ang pakiramdam mo." Magsasalita sana ako pero tinakpan niya ang bibig ko atsaka bumulong, "Shhh. Wag ka munang maingay"

Nagtataka man ay sinunod ko na lang siya at marahas na tinanggal ang kamay niya mula sa pagkakatakip nito. Pinagmasdan ko siyang humakbang habang mukhang tangang linggon nang linggon sa paligid. Matapos ang ilang segundo ay kinuha niya ang bag ko mula sa akin at nagsimula nang lumakad ng walang pasabi. Patakbo naman akong lumapit sa kanya.

"May nagmamasid sa'tin," pasimpleng saad niya na pumukaw ng atensyon ko. Kaagad ko namang nilibot ang paningin ko upang makita ang taong sinasabi ni Angelo, pero wala naman akong ibang makita kundi mga gusaling karamihan ay patay na ang ilaw. "Nasa 3rd floor. Sa building na pinanggalingan mo."

Napatigil ako sa paglalakad at ibinaling kaagad ang tingin sa science building ngunit tulad kanina wala akong nakitang kahina-hinala kaya ipinagpatuloy ko na lang ang paglakad.

"Buti pinapasok ka ni kuyang guard," manghang wika ko sa kanya matapos mapansin ang suot niya. Naka puting sando lang kasi siya tapos yung pangbaba naman niya slacks at nakasapatos pa siya. Kung hindi lang siguro niya ako ate, napagkamalan kong kakauwi lang niya mula sa school, pero malas niya dahil alam kong alas-kwatro ang uwi nila. Di hamak na mas nauuna silang umuwi nang isang oras kaysa sa amin.

Luminggon siya sa pwesto ko at pilyong ngumiti. "Yung pinagmamalaki niyo bang panot niyong sekyu, ayun o, mahimbing na natutulog," aniya sabay turo sa pwesto kung saan namamalagi si kuyang guard na nasa tapat na pala namin.

Halata namang tulog ito base sa pwesto niyang nakayuko't mukhang hirap na hirap sa maliit na espasyo ng kanyang inuupuan subalit may kung ano sa akin na gusto siyang lapitan kaya naman hindi na ako napigilan pa ni Angelo na lumapit dito.

"Angelo, tama ka. Ngayon ko lang napansin, panot pala siya," pigil tawang sabi ko, pero ang asungot na kasama ko, hindi na napigilan pa. Habang malakas na humagalakhak ng tawa ang kapatid ko ay may napansin akong isang manipis na karayom sa leeg nung guard kaya naman kinuha ko ito at pasimpleng binalot sa puting panyo ko.

"Manahimik ka nga. Mamaya magising siya."

"Huwag kang mag-alala kapatid, siguro akong hindi 'yan magigising," wika niya at inakbayan pa ako. Napataas naman ako ng kilay sa sinabi niya.

"At paano nakakasigurado, aber?" nakapameywang kong wika.

"Secret," muli, isang pilyong ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Tara na." hinawakan niya ang kamay ko't hinila papalabas nang nakasalubong namin si Carla na pawis na pawis.

"Bakit nandito ka pa? Tsaka, bakit bigla kang nawala kanina?" sunod-sunod na tanong niya pagkalapit niya sa'min sa pagitan ng paghahabol niya ng hininga habang ako naman ay sinusuri ang suot niyang school uniform.

"Nawala? Nasa clinic ako ah. Di ba nga, nahimatay ako tapos dinala mo akong clinic" Kumunot ang noo niya sa sinabi ko at sarkastikong tumawa.

Napansin ko namang bahagyang lumayo si Angelo sa amin. Siguro para bigyan kami ng privacy o pwede rin namang dahil alam niyang hindi naman siya makaka-relate.

"Nahimatay? Nasa Clinic? Have you lost your mind, huh? Almost two days nang hindi 'yon binubuksan dahil na-ospital yung school doctor. At isa pa, hindi ko alam na nahimatay ka kanina."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "Pero, may nurse na nag-assist sa'kin kanina. Ang sabi pa nga niya, pinapasok ka raw niya sa muna sa klase natin..." Hindi ko na naituloy pa ang sasabihin sapagkat parang puzzle na nabuo ang isang kwento sa isipan ko.

"Apple, think about it. Noong tumalon sa building si Nica tapos na ang klase natin. At alam mo namang walang nakakatagal na nurse dito sa school di ba?" seryoso niyang sabi na nagdulot ng munting kilabot sa buo kong katawan at nagbigay ng maraming tanong sa aking isip.

"Teka, paanong hindi mo alam na nahimatay ako kanina e sa'yo nga ako kumapit noong nagkakagulo na ang lahat."

"Para namang hindi mo ako kilala. Alam mo namang basta tsimis hindi ko pinapalampas—Gusto ko, ako ang laging nangunguna," pabirong sabi niya habang nakangisi. "Mauuna na ako. May naiwan kasi akong importanteng gamit sa locker ko." Tumango ako at saka kumaway sa kanya bago tumalikod at hinarap ang nababato kong kapatid.

Ngumiti ako sa kanya pero kaagad ding nawala sa sinabi niya. "Huhulaan ko, iniisip mo kung sino 'yung nurse tama?" Tumango ako sa kanya bilang pag-amin. Ginulo-gulo naman niya ang buhok ko. "Wag mo ng isipin 'yon. Sige ka, mas lalo kang papangit niyan." Asar na binatukan ko siya ngunit parang wala lang sa kanya dahil ang timang kong kapatid, tumawa-tawa pa.

Inakbayan niya ako ulit at nagsimula na siyang maglakad papuntang gate kaya naman pati ako e sumunod na rin. Bago tuluyang makalabas ay sinulyapan ko muna ang lugar na sinabi ni Angelo kung saan daw niya nakita ang taong nagmamasid sa amin.

Malayo man at madilim na ang buong 3rd floor, ay kitang-kita ko pa rin ang pigura nito. Inisip ko na baka si Hanna iyon dahil hindi ko pa siya nakitang bumaba mula rooftop, pero pwede ring hindi.

Muli ko tuloy naalala ang kakaibang tali na nakita ko kanina. Gayon din ang nurse na naka-usap ko, idagdag mo pa ang karayom sa leeg ni kuyang guard.

Nagkataon lang ba na nakita ko ang dalawang kakaibang bagay na iyon? Konektado ba ito sa lumang libro? Napakaraming tanong ang mga nabuo sa aking isip. Tanong na alam kong hindi masasagot kung tutunganga lang ako.

Ibinulsa ko na ang kanina ko pang hawak na panyo na naglalaman ng karayom na nakuha ko. Bahagya akong napangiti sa aking naisip.

Kailangan may gawin. Kailangan kong humanap ng paraan.


------------------- ------- ------------------


A/n: This chapter is dedicated to Maryuzcarrera. Hello po sa'yo! Maraming salamat sa pag-comment mo sa prev chap. Sana di ka magsawang basahin ito (Kahit na mala-snail ang pag-update ko). 

And sorry guys, hindi ko na mapahaba pa ang chapter na 'to. Hanggang dun lang talaga ang limit ng magulo kong utak ngayon, pero yun nga. Sana di kayo magsawang basahin. Love lots~

-AzileMadriaga

The Unnamed BookTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon