Malaki ang pasasalamat ko kay Merielle at sir Damian na palihim kaming tinulungang maglipat ng bahay nang mabilisan. Nagawa naming mag-impake at kunin lahat ng importanteng gamit ng isang buong gabi at ilipat sa bahay ni Merielle sa Rizal bago sumapit ang umaga.
Lahat ng ginawa namin, in secret lang. Ayaw naming mapahamak maski pamilya nila Merielle kaya nagkasundo kaming hindi na lang ipaalam maski sa mga tauhan sa steak house ang nangyari.
For sure, hahanapin ako ni Miller, o kaya mamanmanan na ako ng mga tauhan ni Mr. Soliman bukas. Kaya maganda nang nakalayo na kami kaagad. Buti pumayag rin si Merielle na hindi muna ako pumasok.
Hindi ko sinabi sa kanya ang lahat, mas okay na 'yon. Ang alam niya lang, may kailangan lang kaming pagtaguan. Noong una, parang alangan pa si sir Damian na ipagamit ang dream house ni Merielle, pero sa huli pumayag siya.
May dalawang security personnel pa nga siyang pinagbantay sa bahay eh.
Iba talaga ang nagagawa ng pera.
"Ako na ang bahala sa mga kasamahan natin sa steak house. Mag-iingat kayo, ha." Bilin ni Merielle bago niya ibaba ang tawag. Napaharap ako sa pamilya kong gising na gising pa rin kahit madaling araw na.
"Ate, hanggang kailan tayo dito?" Tanong ni Junnie habang humihikab. Nakonsensya ako lalo. Nadamay rin pati siya. Masasakripisyo ang ilang araw, linggo, o buwan ng pagaaral niya.
"Hindi ko pa alam, Junnie." Nilalabanan ko ang luha ko habang nakatingin sa kanya. "Basta dito muna tayo. Okay?"
"Mabuti pang matulog muna tayong lahat." Tumayo si Mama sa sofa at naglakat papunta sa malaking bag na dala niya. "Bukas natin pag-usapan ang lahat ng 'to."
Naiwan kaming dalawa ni Papa na nakatingin lang sa sahig.
Ganitong-ganito ang pakiramdam natin siyam na taon na ang nagdaan. Magulo ang isip. Takot na takot. Hindi mapakali, hindi makatulog.
Walang kasiguraduhan.
"Pa, sorry." Tumulo na ang luha ko. "Dapat hindi na lang ako sumama sa party na 'yon noon."
"Wala kang kasalanan, Salvacion." Mahinang sagot sa akin ni Papa na hanggang ngayon alam kong hindi pa rin makapaniwala sa nangyayari. "Hindi mo hawak ang kapalaran ni Trina nung gabing 'yon."
BINABASA MO ANG
Little Incidents (Flavors of Love #3)
RomanceSa umaga, serbidora. Sa gabi siya'y lukaret na raketera. Lumaking all-around hustler si Salvacion 'Sally' Pineda at pinapasok ang kung anu-anong diskarte sa ngalan ng kwarta. Siya ay bungangera, pakielamera, at chismosa by nature na palaging naghaha...