Kapitulo 22

1.6K 42 13
                                        

Tama ang hinala ko no'ng nakaraan—umutang nga si Mama para mabuno ang renta ng bahay. Kay tiya Alessandra niya inutang. Mabuti na lang at natanggap ako sa McDo, tutulungan ko na si Mama sa pagbabayad ng renta. Kaya naman na siguro ng kita ni Mama ang koryente at tubig. Talagang kinapos lang sila ni Papa ngayong buwan dahil nga hindi na binayaran si Papa para sa huli niyang trabaho. Kung kulanging man para sa koryente at tubig, maaari kong hatiin ang ibibigay ni tiya Alessandra na allowance.

Lahat 'yan, nalaman at naisip ko kanina lang, no'ng dumating ako sa bahay ni tiya Perla. May salo-salo kasi ulit dito para sa kaarawan ni tiyo Manuel. Ngayon, nagkukuwentuhan na ang mga matatanda sa sala. Ako ay nasa tabi lang ni Papa at Mama, nakikinig.

"May kilala akong kailangan ng drayber, Tony. Baka ro'n, puwede ka," sabi ni tiyo Jess pagkatapos malaman ang nangyari sa trabaho ni Papa.

"Expired na yata ang lisensya ko, e, susubukan kong i-renew kapag nagkapera ako. Pero may in-apply-an naman na akong kompanya, hinihintay ko na lang ang resulta. Medyo matagal nga lang dahil ang dami naming nag-apply." Paliwanag ni Papa.

"Grabe 'yang kompanya mo, 'no? Sino ba'ng boss mo riyan at hinayaang mangyari 'yan?" si tiya Karen. Ngumiti ng bahagya si Papa. "Walang pakialam 'yong mga bossing." Sagot ni Papa.

"Hayop 'yang mga 'yan," si tiya Perla. "Hindi ba puwedeng magsampa ng kaso? Bawal 'yong hindi nila kayo sinuwelduhan." Tanong ni tiyo Manuel.

"May nagsampa na, tapos pumirma ako sa petisyong bayaran kami. Hindi ko pa alam ano'ng kinalabasan, e." Tumango si tiyo Manuel sa winika ni Papa.

"Mahirap 'yan. Baka 'yang pinirmahan mo hindi tungkol sa suweldo n'yo, madawit ka pa sa kung ano." Kumento ni tiya Alessandra.

Humigop ng kape si Mama at bumuntong hininga. Kitang-kita ko ang pagod sa mukha niya. Mayro'n pa siyang sugat sa palad niyang nanggaling sa paghihiwa ng binibenta niya sa palengke, ayon sa kaniya. Siguro habang naghihiwa'y iniisip niya paano kumita ng mas malaking pera at hindi niya napansing kamay niya na ang dinapuan ng kutsilyo.

"Hindi naman, binasa ko naman," sagot ni Papa. Tumitig si tiya Alessandra kay Papa saka sa 'kin. "Basta sigurado kang hindi ka mapapahamak." Ani Tiya. "Marami nang nababansagang palag sa mga pulis na trabahador dahil sumali sa ganiyan."

Sa aking isipan, nangangatuwiran ako sa sinabi ni Tiya. Dahil inamin ko na sa sarili kong walang masama sa mga nagpoprotesta, hindi ko maiwasang mainis sa sinabi ni Tiya. May negatibong ideya na kasama ang salitang palag sa pulis. Although, yes, pumapalag nga si Papa sa naging desisyon ng kompanya niya, hindi naman ibig sabihin no'n masama na ang ginagawa niya. Pinaglalaban niya lang naman ang karapatan niya. Ang negatibong ideyang kasama ng palag ay tungkol sa pagiging pasaway ng isang tao sa harap ng batas. Pero hindi gano'n si Papa.

I scratched my thought away as the conversation continued.

"Sana matanggap ka na riyan sa trabahong sinubukan mo, ang laki na ng nakukuha ng pamilya mo sa 'kin, Tony." Tumungo ako sa narinig. "Bibigyan ko pa uli 'yang panganay mo ng allowance this month. Kaya, humanap ka na agad ng trabaho kung hindi ka man kunin diyan sa sinubukan mo."

Hinawakan ni Mama ang kamay ko bigla. Tinignan ko siya at nakita kong nakatungo rin siya.

She was hurting.

Dahil sa sinasabi ni tiya Alessandra.

"Alessandra," pigil ni tiya Karen sa kapatid. "Oh? Bakit? May mali na naman ba sa sinabi ko?" maangas na pagkuwestiyon ni tiya Alessandra.

Hindi na nakasagot si tiya Karen. Umangas na ang tono, e. Wala na ring nangahas sumabat. Alam naman naming kapag sinagot si tiya Alessandra, mauuwi lang sa pag-ignora niya sa amin ng ilang araw, e. Tapos, ang magso-sorry pa ay 'yong sumagot.

Beginnings Beyond Comfort (Erudite Series #4)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon