Epilogue 3

61 8 0
                                    

****

"Shao!" Mula sa pag iihaw ng barbecue ay napalingon si Shao sa dalampasigan kung saan kakaahon lang ni Matteo mula sa pagligo.

Ikinaway nya ang kamay na may hawak na tong at ngumiti habang sinusundan ito ng tingin. Para itong model ng sabon dahil kumikintab ang katawan nito sa sinag ng araw. Maputi at namumula dahil sa init.

"Hindi ka pa ba tapos? Nagugutom na'ko." Nakangusong sabi nito pagkarating sa tabi nya, ikinawit nito ang mga braso sa braso nya at ipinatong ang baba sa balikat nya. Kumuha ito ng isang stick sa mga naluto nya at isinubo.

"Masarap?" Tanong nya saka pinunasan ang sauce na naiwan sa gilid ng labi nito at sinuklay papunta sa likod ang buhok nito sa noo.

"Hm." Tumatango tango nitong sabi habang nginunguya ang barbecue, inilapit sa bibig nya ang stick na hawak at matapos nyang kumagat sa barbecue ay sabay silang napangiti at bahagyang natawa.

Isang buwan na rin silang nasa Batangas.
At wala na syang ibang hahanapin pa dahil nandoon na ang lahat.

Ang suporta ng mga magulang nila, ng mga kaibigan nila, kapatid, at si Matteo.

"Matt, may nasabi ba sa mama mo si Portia?" Tanong nya.

Hindi diretsang binigay ng mga magulang nito ang pagtanggap sakanya, pero nang pumunta ang mga ito doon para dalawin si Matteo ay hinayaan sya ng mga ito na magmano at aminin nya man o hindi, masaya na sya dun dahil malaking bagay na yun para sakanya.

Umiling ito, "Wala. Bakit?"

"May nabanggit kasi sya kahapon. Sabi nya, hindi pa raw nakakalimutan ng mama mo yung sinabi nya tungkol sa isang kaso."

"Kaso?" Kumunot ang noo nito, "Anong kaso?"

Napakamot sya sa kilay, "Sabi nya kasi sinabi nya na nakapatay daw sya kaya kailangan mag stay ng mama mo para hawakan ang kaso nya."

Natigil ito sa pagpaypay sa baga, "Nakapatay? Si Portia? Yung kapatid mong babae?"

Natawa sya sa naguguluhan nitong boses.

"See? Handa silang pumatay para satin." Humilig sya sa ulo nito at mabilis itong hinalikan sa sentido. Dumikit na doon ang amoy ng barbecue at konti pa ay baka ito na ang gawin nyang hapunan.

Puno ng kuryosidad na umayos ito ng tayo at tumingin sakanya, "Seryoso ka ba?"

Tumango sya, "Yun lang kasi ang naisip na paraan ng magaling kong kapatid para pigilan ang mama mo na umuwi ng Australia kasama ka. Hindi mo ba napansin? Sunod sunod ang kasong hinahawakan nya." Kaswal nyang sabi saka isinalang ang sunod na sticks ng mga barbecue.

Pinigilan sya nito sa balikat, "Nakapatay ba talaga si Portia?"

"Siguro? Hindi ko sigurado. Baka hindi, pero baka oo." Kibit balikat nya.

Tumagilid ang ulo nito at pinaningkitan sya ng mga mata kaya natawa sya at pinitik ito sa noo. "Syempre hindi. Binibiro nya lang si Mrs. DeMarco."

Pero pwede rin hindi.

Kumalma ang mukha nito at napabuntong hininga. "Tsk, tsk. Iba talaga mag isip ang mga kapatid mo." Naiiling nitong sabi saka nagsimulang magbilang sa daliri. "Yung isa, sinumbong tayo noong unang beses tayong naglayas. Yung isa naman, binigyan tayo ng kotse, pinapadalhan tayo linggo linggo ng allowance at binigay pa lahat ng susi ng resthouse. Kulang nalang ibigay satin pati ang titulo ng lupa. Habang yung isa naman, halos kunin na ang lahat ng pwedeng isampang kaso ng pamilya nyo at ipahawak kay mama, hinarang ang lahat ng flight schedules at papatay pa yata ng tao para lang hindi ako makaalis. Ibang klase."

TACHYCARDIA ( Book 2 & 3 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon