Chapter 2: Goals

328 15 0
                                    

(𝘔𝘢𝘳𝘪𝘤𝘦𝘭)

Pangalawang araw ko ngayon sa bahay ng mga Beltran kaya dapat na mas pagbutihin ko ang aking trabaho. Nang matapos sa pagligo ay nagtali na ako ng buhok, saka dumampot ng simpleng sando roon na inihanda sa akin ni Ma'am Tina. Ayaw daw ng kaniyang kapatid ang aking suot at mas magandang presko ako sa paggalaw. Imbis na mag-umagahan ay nagpunta muna ako sa silid ni Lorna. Bandang alas-cuatro na noon at gusto ko siyang sanayin na gumising nang maaga at kung maaari ay pag-ehersisyohin.

"Lorna..." pagtawag ko sa kaniya para maalerto itong naroon na ako. Pagpunta ko sa kuwarto ay nakita kong wala ito sa kama. Narinig ko naman ang pintuan sa banyo kaya tumungo ako roon. Pagbukas noon ay nakita ko agad siya na nakatapis na ng tuwalya. Nabigla ito sa aking pagdating at iniwasan ako. "Mas maaga ka pa yatang nagising sa akin. Halika, mag-play muna tayo or initin natin ang turon mo kahapon. Gusto ko na mas makilala mo ako. Friends kasi tayo, 'di ba?"

"Hindi!" bulyaw niya agad sa akin. Medyo napaatras ako nang sigawan nito, lalo pa nang irapan niya. Inaakala ko lang siguro na kung bata ito umakto ay isa siyang mabuting bata at hindi kagaya ngayon na parang demonyita. Umupo ito sa sahig at ngumuso sa telebisyon doon. "Nood ako. Bukas mo 'yan."

Wala na akong nagawa kung hindi ang sundin ang kaniyang utos. Umupo rin ako sa kaniyang tabi, saka ako medyo dumikit sa kaniya. Hinawakan ko ang buhok nitong basa at kinuha ang isa pang tuwalya roon. Pupunasan ko sana siya nang umusog ito palayo sa akin. "Bakit ba, Lorna? Kailangan nating patuyuin iyang buhok mo. Sige ka, magkakaroon ka ng uban. Ang bata-bata mo pa tapos may white hairs ka na. Umm... gusto mo ba na i-pigtails ko ang buhok mo? Sa probinsya namin, iyon ang natutuhan ko. Halika, gawin natin sa iyo."

"Ayaw niyang hinahawakan ang buhok niya." Natakot ako pagkarinig sa tono malapit sa akin. Paglingon ko sa pintuan ay naroon na si Ma'am Danilyn na pinapanood kaming dalawa. Halata namang hindi ito galit sa akin o kung ano dahil alam niyang inasikaso ko si Lorna. "Ayaw niyang pinapanood siya kapag naliligo. Kapag nagbibihis naman, hindi niya kailangan na inaalalayan. Tinotopak iyan kapag nililikot mo. Ilayo mo siya sa gunting dahil ginugupit niya minsan ang mga kubre kama rito at ang mismong buhok niya. Kita mo ngayon ang hitsura niya."

"Opo, Ma'am Dani. Puwede ko po bang ilabas si Lorna?"

"Ilabas? Oo naman, pero huwag sa labas ng gate. Simula noong sixteen siya ay hindi na siya nakalabas ng tahanan. Oo, nag-aaral siya kahit may sakit at tapos na. Pero hindi siya lumabas dahil ang guro ang nagpupunta sa kanya. Bantayan mo lang siya kapag nasa pool. Lorette?" Umupo ito sa aming tapat saka hinawakan ang balikat ni Lorna. Tumingin ito sa kaniya panandalian bago tingnan ang telebisyon. Naging tutok na ito sa cartoons. "Hindi mo pa rin ako pinapansin. Sige, alagaan mo na muna iyan. Ako na lang ang magluluto ng pagkain nating lahat. Parehas tayo ng kakainin dahil gusto ni Pristina. Pagswimming-in mo iyan nang lumamig ang ulo."

Nang makaalis siya ay sumunod ako rito para pagbihisin si Lorna. Nadatnan ko na siyang nagsisimula sa pagluluto, saka ako nag-asikaso sa paghuhugas ng mga nagamit nang pinggan at baso kanina ni Ma'am Tina. Lagi pala itong wala sa bahay at abala sa trabaho. Pero hindi naman siya nawawalan ng oras para kay Lorna. Habang naglilinis ako ay pasimple akong umikot pa sa tahanan, saka napadpad sa receiving area. Nakakita ako roon ng malaking portrait ng isang bata, ni Ma'am Pristina, saka ni Sir Leonard. Ngayon ko lamang nakita ang kaniyang mukha nang malapitan pati na ang mga detalye roon.

Brusko talaga itong lalaki at mas nakaka-pogi sa kaniya ang kaniyang bigote. Malaki ang kaniyang muscles at halatang artista talaga ito. Wala akong ibang komento kay Ma'am Pristina dahil magaling itong magdala ng damit at halata na mayaman siya dahil puno ito ng alahas sa katawan. Si Lorna naman ay nakakapit sa kaniyang ama at hawak nito ang maliit na teddy bear doon.

Maidservant's ConcealmentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon