PROLOGUE

309 45 156
                                    

DISCLAIMER: Names, characters, businesses, events, and incidents are the products of the author's imagination. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

**********

To God be all the glory!

**********

"Sabi kasi ni mama maganda raw mag-accountancy," saad ni Alasi sabay nguya ng pizza. Habang nakakulubot ang mukha, kinuha niya ang toppings na pinya at saka itinapon iyon. "Kaya ABM nalang daw ang kunin ko sa SHS."

Nakapalibot kaming apat sa isa't isa. Pagkatapos ng moving up namin kanina ay nagdesisyon kaming mag-celebrate sa rooftop ng bahay nina Greg. Siya ang pinakamayan sa aming apat kaya siya rin ang may pinakamalaking ambag sa handaan namin.

"Bakit siya pinapadesisyon mo?" taas-kilay kong tanong.

Naghalukipkip ako at isinandal ang kanang balikat ko kay Winston. Nakaupo lang kasi kami sa sahig, kaya wala akong masandalang iba. At hindi ko naman magawang sumandal sa isa ko pang katabi na si Greg dahil siguradong pagtatabuyan lang ako ng mokong.

"Siya ba ang mag-aaral?" dugtong ko pa sabay irap.

Binatukan ako nang mahina ni Greg, ngunit umakto akong masakit iyon. "Kahit kailan ka talaga!" suway nito. "Wala namang masama kung nagbibigay ng opinyon si tita. 'Di ba, Wins?" Tumango siya sa direksiyon ni Winston.

Ibinaling ko ang tingin ko kay Winston na hindi alam ang sasabihin. Dahil wala siyang reaksiyon, ako nalang ang nagsalita. "Eh ang problema kasi, hindi naman siya nagbibigay lang ng opinyon!" Nilapit ko ang mukha ko kay Greg habang pinandidilatan siya ng mata. "Tinatanggalan niya ng will of freedom ang anak niya!" pakikipaglaban ko.

Imbes na sagutin ang sinabi ko, itinulak niya ako nang malakas palayo sa kaniya. Malakas din tuloy ang pagtama ng likod ko kay Winston. Sinalo naman niya ako: nakapulupot ang braso niya sa aking bewang. Naramdaman ko pa ang pagtama ng hangin mula sa kaniyang bibig sa aking pisngi. Doon ko napagtantong sobrang lapit ng mukha niya sa akin. Bigla akong nanigas. At para hindi halata ang pagkagulat ko, umatras ako palayo sa kaniya at inaway nalang ulit si Greg.

"Oh, wala kang masabi?" pagtataray ko. Muli akong naghalukipkip. "Kung sabagay, hindi mo naman alam ang will of freedom. Palibhasa ang alam mo lang kasi na will ay si Willie Revillame." Umiling pa ako na parang nadidismaya.

Bigla silang tumawa nang malakas, dahilan para matigilan ako. Kunot-noo ko silang pinagmamasdan. May saltik ba sila?

Hinawakan ako ni Alasi sa braso habang seryoso ang tingin. Basa ang mga mata niya dahil sa matinding pagtawa kani-kanina lang.

"Ayana, free will 'yon. Free will," saad niya.

"P-pareho lang 'yon!" nahihiyang pakikipaglaban ko.

Nagsitawanan ulit sila. Naramdaman ko ang pamumula ng pisngi ko dahil sa kahihiyan. Inirapan ko silang tatlo. Tumikhim ako at umayos ng upo.

"Oh, so, ABM ang kukunin mo?" tanong ko, pagbabaik ng topic para matigil na sila sa pang-aasar sa akin.

Pinunasan ni Alasi ang mata niya, natatawa parin. "Oo," sagot niya, kinakapos ng hinginga.

"Eh, ikaw, Mr. Perfect?" sarkastikong tanong ko kay Greg.

Huminga muna siya nang malalim, sinusubukang maibalik ang lahat ng hangin na nawala sa katawan niya dahil sa pagtawa. "STEM," maiksi nitong sagot.

Tumango ako at lumingon kay Winston. Umiinom siya ng tubig, uhaw na uhaw. Hinintay ko muna siyang matapos bago ko siya tinanong. "Eh ikaw?"

Alam naman na namin ang kukunin ni Winston. Gusto niyang maging doctor, kaya sigurado na kaming STEM din ang kukunin niya, tulad ni Greg. Ngunit tinanong ko parin siya upang maalis ang nakakahiyang pagkakamali ko sa mga isip nila.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon