CHAPTER 12

126 16 138
                                    

"OMG?!"

Napahimalos sa aking mukha nang makita si Winston sa labas ng gate. May narinig kasi akong maingay na pusa kaya sinilip ko ito. Hindi ko naman inaasahang pati si Winston ay naroon.

Pinanonood ko siya mula sa bintana ng aking kuwarto. Naroon na naman ang pusang lagi niyang nilalaro. Minsan, kapag hinihintay ako, nasa labas lang siya ng bahay para makita at malaro iyong pusa.

Hindi na ako makaiiwas sa kaniya, dahil nandiyan na siya sa labas ng bahay kahit 5:30 palang ng umaga. Dahil ba ang aga kong pumasok kahapon, kaya inagahan niya rin ang pagsundo sa akin ngayon?

7:40 pa ang simula ng Homeroom namin. 20 minutes iyon at ang sunod na subject ay nagsisimula tuwing alas otso ng umaga. Umaalis kami ni Winston noon pagsapit ng 7:15. Alas sais ko sanang balak umalis ngayon, tulad ng oras ng alis ko kahapon.

Huminga ako nang malalim at sinuklay ang aking buhok. Humihikab pa ako habang ginagawa iyon. Ang aga ko kasing nagising tapos late na ako nakatulog kagabi. Hindi ko kasi maalis sa isip ko ang usapan namin ni Greg.

Kumain lang ako ng agahan at nag-toothbrush. Pagkatapos ay nilabas ko na si Winston sa gate. Alangan namang pabayaan ko siyang maghintay? Oo na, marupok ako. Marupok ako pagdating kay Winston.

Hindi ko talaga siya natitiis. Inaamin ko rin na madalas kong chinecheck ang messenger ko para tignan kung may chats siya kahit na naka-restrict parin sila sa akin, maliban na kay Greg. Kaya noong binuksan ko ang gate at bumungad sa akin si Winston na halos isubsob na ang mukh sa lupa para lang mapantayan ang pusa, pakiramdam ko'y tumigil ang puso ko sa pagtibok.

Pagkatayo niya, ngumiti kaagad siya sa akin. Iyong ngiting hindi ko nakita nang ilang araw. Na kahit kasama ko siya kahapon, iniiwasan kong makita iyon dahil sa mga bumabagabag sa akin. Pero ngayong nakita ko na ulit siya, para akong ice cream na natunaw dahil sa sikat ng araw. Bigla akong nanlambot. Na-miss ko siya.

"Ganitong oras ka na ba papasok araw-araw?" tanong niya, hindi parin inaalis ang ngiti.

Sa totoo lang, ako lang din naman ang nahihirapan sa ginagawa kong pag-iwas. Hindi ko talaga kayang pumasok lagi nang maaga. Hindi ako early bird. Kaya umiling ako.

"Bye, Yannie!" kumaway ito sa pusa na umalis. Kumakaway parin siya kahit hindi naman siya nito pinapansin.

Natawa ako nang kaunti. "Yannie? Pinangalanan mo?"

"Oo. Pangit ba?" nag-aalala niyang tanong.

"Hindi naman."

"Halika na?" kaswal na yaya niya at saka ngumiti muli nang mas malaki.

Habang naglalakad, sumisikip ang dibdib ko. Nasasaktan at nakokosensiya ako dahil kahit na iniwas-iwasan ko siya kahapon at sa messenger, kinakausap niya parin ako na para bang walang nangyari. Na para bang hindi niya iniinda ang mga ginagawa ko.

Sigurado akong kahit hindi niya alam ang dahilan kung bakit ganito ako umakto, ay iniintindi niya parin ako. Ganoon naman siya. Mas pinipiling umintindi kaysa manghusga.

"W-Winston," tawag ko sa kaniya nang narating na namin ang labas ng classroom.

Huminto siya sa labas ng pintuan. Lumingon siya sa akin. Hindi ko nakita ang reaksiyon niya sapagkat nakayuko lang ako.

"Sorry," mahinang usal ko. Namalayan ko nalang na humigpit na pala ang hawak ko sa palda ko.

"Puwede ba akong magtanong?"

Napaangat ako ng ulo. "Oo naman! Ano?"

"Bakit ka umiiwas? Bakit mo ako - kami iniiwasan?"

Pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko. Lumalakas din ito at hindi na malinaw sa akin ang ingay ng paligid. Gusto ko mang basahin ang mukha at tono ni Winston kung galit ba siya, ngunit mahirap iyong malaman. Hindi gumagalaw ang mata nito. Tila pinipigilan nitong magpakita ng emosyon habang nakatingin sa akin.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon