CHAPTER 17

59 7 41
                                    

"Usapan? Anong usapan?"

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa dalawa. Pero tila ba bigla akong naging hangin dahil hindi man lang nila ako nilingon o sinagot. Para bang isa akong multong hindi nila nakikita at naririnig. Nanatili lang silang nakatitig sa mata ng isa't isa.

"Malinaw, Winston. Hindi mo na kailangan pang ulitin."

Ang lahat ng balahibo ko sa katawan ay nagsitayuan sa lamig ng boses ni Wren. Hindi niya alintana ang mga bumabagsak na ulan sa kaniyang katawan. Basang-basa na siya. Natatanaw na rin sa loob ng kaniyang polo ang kulay itim niyang t-shirt.

"Kung ganoon, alam mo na siguro ang dapat mong gawin."

Hindi ako sanay sa naging boses ni Winston. Mababa. Magaspang. Galit. Hindi iyon ang Winston na naririnig ko sa tuwing kinakausap niya ako. Kung ihahalintulad ko ang kaniyang boses ay para itong tono ng mga paborito kong kanta. Iyong mga awiting kahit paulit-ulit kong pinatutugtog sa isang araw ay hindi ako nagsasawa.

"Alam ko. Pero may kailangan lang talaga akong ibigay–"

"Ano ba ang mga pinagsasabi niyo?!" Nilakasan ko ang aking boses kaya napatingin sila sa akin. "May usapan kayo? Nag-usap kayo? Teka–" Bahagya akong napaatras. "Nag-away ba kayong dalawa?! Kailan? Bakit?"

"Hindi kami nag-away, Ayana," mahinahong pahayag ni Winston. Ibang-iba sa paraan ng pakikipag-usap niya kay Wren.

"Tama si Winston. Hindi kami nag-away. Nag-usap lang kami."

"At tungkol naman saan ang pinag-usapan niyo?"

Saglit silang nagpalitan ng tingin at sabay ring bumaling sa magkasalungat na direksyon. Wala na akong pakialam kung nababasa si Wren ng ulan at kung nangangawit si Winston sa paghawak ng payong. May itinatago sila sa akin. At hindi ko alam kung paano ipapaliwanag, ngunit... pakiramdam ko ay ako ang laman ng usapang iyon.

Huminga si Wren nang malalim saka muli akong tinignan. Katulad kanina ay sinubukan niyang ngumiti. Subalit alam kong hindi iyon tunay, dahil hindi nagpakita ang biloy sa ilalim ng kaniyang mata.

"Ingatan mo sana ang ibinigay ko sa'yo, Ayana." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumingin naman siya sa lalaking katabi ko. "Alalahanin mo rin sana ang pinag-usapan natin, Winston. Dahil sinisiguro kong ang lahat ng salitang binitawan ko ay mangyayari sa isang pagkakamali mo lang."

Tahimik namin siyang pinanood ni Winston na umalis. Kasabay ng paglaho niya sa aming mga paningin ang siya namang pagtunog ng malakas na kuliling – hudyat na natatapos na ang lunchtime at kailangan na naming bumalik sa aming mga klase. Yayayain ko na sana si Winston, ngunit hinawakan niya ako sa palapulsuhan.

Kumunot ang noo ko. Hindi niya iyon pinansin. Bagkus, marahan niyang binuksan ang nakakuyom kong kamao hanggang sa iluwal niyon ang ibinigay sa akin ni Wren. Ang pusong gawa sa papel.

Mayamaya ay binitawan niya rin ang aking kamay. Saka ko itinago ang bigay ni Wren sa loob ng aking bulsa. Hindi ko alam ang gagawin pagkatapos. Kung yayayain ko ba ulit siyang pumunta ng room, o kung itatanong ko ang pinag-usapan nila ni Wren.

Sa huli, iba ang lumabas sa aking bibig.

"Kamusta ang pakikipag-usap mo kay Ma'am Nina?" Hindi ko sigurado kung naging normal ba ang tono ng aking boses. Baka kasi nahalata niyang may iba akong ipinaparating doon.

She's not good for you.

She's just going to ruin you and your dreams.

Whatever it is that you have with Ayana, stop it right now.

Naging malinaw ulit ang mga salitang iyon ni Ma'am Nina sa aking isipan. Alam kong wala namang namamgitan sa amin ni Winston, pero masakit marinig iyon. Dahil baka hindi lamang si Ma'am Nina ang nag-iisip ng gano'n: isa lamang akong kulay na hindi nababagay kay Winston.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon