CHAPTER 11

156 17 149
                                    

"Masakit ba?"

Umiling ako habang pinupunasan ang aking basang pisngi. Hindi parin ako tumitigil sa pag-iyak. Hindi ko alam kung dahil pa ba ito sa nakita ko kanina o dahil sa pagkakatapilok ko.

"Bakit ka kasi tumatakbo? May hinahabol ka bang snatcher?" kunot-noong tanong ni Greg.

Umiling lang ulit ako bilang sagot.

Eksakto kasing nagba-bike ito papunta sa rehearsal ng banda nila dahil may sasalihan silang contest na Battle of the Bands sa Pebrero. Siya ang nakakita sa akin kanina noong natapilok ako. Nakakahiya pa kasi ang daming nakakita. Buti nalang din at may malapit na public park kaya rito niya ako idinala. Wala masyadong tao rito, gawa narin siguro na hindi na gaanong uso ang mga parks sa panahon ngayon.

Nakaluhod si Greg sa harapan ko para tignan kung may sprain ba ako o kung ano man. Noong medyo nawala na ang sakit, tumayo na siya saka tumabi sa akin. Binuksan niya ang bag niya at inabutan ako ng tubig.

"Ano ba kasing nangyari sa'yong bata ka? Bakit ka ba umiiyak? Ano ba 'yong ninakaw sa'yo ng snatcher?"

"W-walang snatcher." Uminom ako ng tubig para mapakalma ang aking sarili.

"So bakit ka nga umiiyak? Sinong tinatakbuhan-" Bigla siyang pumalakpak. "Aha! Nag-break kayo nung Wren, ano?"

Kumulubot ang mukha ko habang nakatingin sa kaniya. "Ano na naman 'yang naiisip mo? Bakit mo dinadamay 'yong wala?"

Inilagay niya ang dalawa niyang palad sa kaniyang pisngi, kinikilig na nakangisi. "Nakita ko siyang hinahabol ka. May bitbit pa ngang bulaklak tapos regalo." Tapos ay naghalukipkip siya. "Umalis lang siya noong nakita niya akong inalalayan ka. Sana pala hinayaan nila kitang nakadapa sa kalsada para siya ang tumulong sa'yo." Umiling-iling pa ito.

"Tanga, ang issue mo. Hindi ko boyfriend 'yon. Kaklase ko lang 'yon." Inirapan ko siya at ininom ang tubig sa pangalawang pagkakataon.

"Eh kung hindi mo nga boyfriend, bakit ka umiiyak?" Napapakamot na siya sa kaniyang ulo.

Bumuntong-hininga ako at muling ininuman ang tubig. Napatigil ako nang biglang agawin ni Greg ang tubigan niya.

"Ano ba?! Umiinom pa ako!"

"Magpaawat ka! Wala na akong iinumin mamaya kung uubusin mo 'to!" singhal niya sabay tago ng kaniyang bote na parang batang nagdadamot ng laruan.

Sumimangot ako at tumingin nang diretso. Ipinagkrus ko rin ang dalawa kong braso sa tapat ng aking dibdib. Kunwaring naiinis kay Greg, malakas akong bumubuntong-hininga.

"Papainumin lang kita kung magkukwento ka," walang kwentang hamon niya sa'kin.

Nangangati na ang labi kong magsabi ng mga nasa isip ko. Pero sasabihin ko ba talaga kay Greg? Paano kung mag-iba ang tingin nito sa akin?

"May practice ka, 'di ba? Bakit 'di ka pa umalis?" pag-iiba ko ng usapan.

"Alangan namang pabayaan kita rito."

"Kaya ko naman nang maglakad," kumbinse ko sa kaniya.

Umiling ito, hindi pumapayag. "Mas importante ba ang banda kaysa sa'yo?"

"Pero may contest-"

"Ang tagal pa nun. Marami pang araw para makapag-practice. Eh ikaw, ngayon lang tayo ulit nakapag-usap nang ganito. Alangan namang pakawalan ko pa, 'di ba?"

Inangat niya ang paa niya sa bench at ipinagkrus ito. Nasa likod naman niya ang dalawa niyang kamay upang suportahan ang kaniyang bigat. Humangin bigla kaya umangat ang suot niyang plaid shirt na naka-bukas. May sando naman siyang puti.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon