CHAPTER 24

38 8 0
                                    

"Winston! Tama na!"

Nais kong lumapit sa kanilang dalawa ni Wren, ngunit dahil sa takot ay hindi ko magawa. Unang sinuntok ni Winston si Wren at bumawi naman ang isa. Nagpapalitan sila ng kamao, mga kamay na para bang nagkaroon ng sariling buhay at hindi nila magawang kontrolin.

Tinulak ni Wren si Winston nang malakas, dahilan para maghiwalay silang dalawa. At doon ko nakita nang malinaw ang dugo sa kaniya-kaniya nilang mga wangis. Mayroon si Wren sa gilid ng kaniyang bibig, si Winston sa ilong, at mga kalmot sa iba't ibang bahagi ng kanilang mukha.

"Putang ina mo rin! Gago ka!" sigaw ni Wren.

Noong sinugod ni Wren si Winston ng suntok, gusto ko nang ibaling sa iba ang aking mga mata dahil hindi ko masikmurang panoorin silang dalawang nagpapatayan. Pero kahit na nasasaktan ako sa bawat suntok na kanilang pinakakawalan, nanatili akong naonood sa kanila. Nanatili akong walang magawa kundi ang itatak sa utak ko kung paano hindi tinigilan ni Wren ang mukha ni Winston.

Kung paanong nagpupumilit si Winston na alisin si Wren sa kaniyang itaas. Inabot ni Winston ang kuwelyo ni Wren, hinila iyon pababa, at inuntog nang malakas ang kaniyang noo sa lalaki. Nanghina ang katawan ni Wren kaya napatukod ang kaniyang kamay sa kalsada, ang isa sa kaniyang noo.

Nahanap ni Winston ang pagkakataong iyon upang itulak palayo si Wren mula sa kaniya. Umupo si Winston. Kasabay ng pag-ubo ay ang paghahabol niya sa kaniyang hininga. Ganoon din si Wren. Ngunit natigilan lamang siya noong napagtanto niyang nagkaroon siya ng panibagong sugat sa mukha.

Akmang tatayo na sana si Winston, pero inunahan siya ni Wren at muli itong sinuntok.

"Wren! Tama na, please?! Tama na!" Nilakasan at inulit-ulit ko ang sigaw na iyon. Hindi na para patigilin lamang sila, kundi para rin marinig kami ng mga tao upang mayroong sumaklolo sa amin.

Pero katulad ng mga gagambang pinag-aaway, walang isa sa kanila ang nagpatalo. Bukod sa mga suntok, mayroon na ring murang lumalabas sa kanilang bibig. Kasabay pa ng malalakas na sigawan ang tahol ng mga aso ng kapitbahay na para bang maging sila'y apektado ng away.

"Sinabi kong layuan mo si Ayana, gago ka!"

"Mas gago ka! Pinaiyak mo si Ayana! Nangako kang hindi mo siya paiiyakin, 'di ba?! Sinungaling ka pala, e! Sinungaling ka, Winston!"

"Putang ina mo! Wala kang alam sa nangyari kaya manahimik ka!"

"Ikaw ang walang alam! Akala mo ba ikaw ang unang nagmahal kay Ayana?! Hindi mo pa siya kilala, gusto ko na siya!"

Napahawak ako sa aking bibig. Ano ang ibig niyang sabihin?

Maging si Winston na kanina ay ayaw tigilan si Wren, saglit na napahinto nang narinig niya ang sinabi ng lalaki. Eksaheradang gumagalaw ang kanilang dibdib dala ng hingal at galit. Saglit silang nagtapon ng mga tingin sa isa't isa. Ang mga tingin ni Wren na mayroong panghihinayang, poot, pagsisisi, at pagmamahal. Habang ang kay Winston naman ay puno ng kalituhan – katulad ng akin.

Sumingkit ang mga mata ni Winston. Dahan-dahan siyang lumapit kay Wren. Muli niyang hinawakan ang kuwelyo ng lalaki at hinila palapit sa kaniya.

"Anong sabi mo?" giit niya kay Wren.

"Nauna ako kay Ayana." Ngumisi ito nang nangungutya.

"Paano ka nauna, ha?! Delusyonado!"

Tinaas ni Winston ang kaniyang kamay. Pumikit na si Wren upang ihanda ang kaniyang sarili sa panibagong suntok. Ngunit hindi pa dumadapo ang kamay ni Winston ay mayroon nang humawak niyon.

"Itigil niyo 'yan!" pigil ng isa sa aming mga kapitbahay.

Narito rin si mama, na siyang unang lumapit sa kin. At marami na ang mga taong tumatakbo ngayon palapit sa aming tatlo. Ngunit kahit mga kapitbahay ko sila ay hindi ko masyadong nakikilala ang kanilang mga wangis. Masyadong magulo ang aking utak upang iproseso ang mga itsura ng nasa aking paligid.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon