CHAPTER 05

147 32 137
                                    

Winston Arcimedez
punta ako riyan.

Malapit na akong umiyak dahil hindi ko pa tapos ang painting at bukas na ang pasahan. Hindi ko naman kasi alam na magsasabay-sabay pala ito at ang sandamakmak na assignments namin sa ibang subject! Nanggaling na sila ni Wren kanina rito, pero dahil gabi na, pinauwi na sila nina dada dahil baka raw mag-alala ang mga magulang nila.

Sinabihan ko si Winston na baka hindi ko matapos ang painting. Nagprisinta siyang pumunta rito upang tulungan ako kahit alas onse na ng gabi.

Pagkatapos ng pag-uusap namin kanina sa school, kahit papaano ay naging magaan na ang pakikitungo ko sa kaniya. Ngunit hindi pa ako tapos sa pakikipagtalo sa aking sarili tungkol sa kung ano ba talaga ang nararamdaman ko para sa kaniya. Aaminin ko, bago pa man ako asarin nina Johanna at Mae, may ilang pagkakataon nang nakararamdam ako ng kakaiba pagdating kay Winston na hindi ko naman nararamdaman kay Greg.

Nagchat si Winston na nasa labas na siya ng bahay. Tulad ng ginawa ko noon, naglagay ako ng pulbo at pabango. Napansin ko ring namumutla ang bibig ko kaya naglagay ako ng kaunting lip tint. Noong binuksan ko ang gate, nakatayo si Winston sa labas, may bitbit na tupperware.

Para na naman akong matutunaw sa ayos niya. Magulong buhok, kulay brown na maluwag na t-shirt, at shorts na umaabot sa itaas ng kaniyang tuhod.

Kung ako ay titig na titig sa kaniya, siya naman ay agad na umiwas ng tingin noong lumabas ako ng gate para salubungin siya. Kung saan-saan na nga napunta ang mata niya, maliban sa akin. Sobrang pula rin ng mukha na iisipin mong hinalamos niya ang blush-on.

Mukha ba akong kadiri? Bakit ayaw niyang tumingin sa akin? Sayang ang pagpapaganda ko!

"Ano 'yang dala mo?" tanong ko, nakaturo sa tupperware.

"C-cookies. Ni-bake ni mama kaninang hapon," hindi parin makatingin niyang sagot.

"May dumi ba sa mukha ko? Bakit iwas na iwas ka?" nagtatakang tanong ko. Hinawakan ko pa ang mukha ko para kapain kung may dumi ba.

"W-wala kang bra at shorts."

Agad kong tinakpan ang dibdib ko gamit ang aking kamay at ang isa naman ay nasa puri ko nakatakip. Saka ko lang naalalang hinubad ko nga pala ang bra't shorts ko kanina para presko habang nagpe-paint, kaya naka-sando lang ako na medyo fit sa katawan ko at saka panties! Mabilis akong tumalikod sa kaniya at tumakbo papasok ng bahay.

Pagdating ko sa loob ng kuwarto, sinuot ko agad ang bra at shorts ko. Nahagip ko pa ang mukha ko sa salamin. Sobrang pula ng buong mukha ko!

Noong binuksan ko na ang pintuan ng kuwarto, naabutan ko si Winston na para bang hirap gumalaw. Namumula parin siya katulad kanina. Gusto ko man siyang paalisin, pero kailangan ko talaga ng tulong niya ngayon.

"Pasok ka na." Sinubukan kong magtunog kaswal noong binuksan ko nang mas malaki ang pintuan ng aking kuwarto para papasukin siya.

Ilang beses na siyang nakapasok sa kuwarto ko kaya sanay na ako sa presensiya niya rito sa loob. Ngunit dahil sa nangyari kanina, hindi ko mapigilang mailang sa kaniya. Sa lahat ng lalaki, bakit siya pa ang nakakita sa akin nang walang suot na bra at halos makita na ang kuyukot ko?!

Umupo siya sa sahig kung saan naroon ang painting namin. Black and white ang kulay na halos sumasakop sa buong espasyo. Kung unang titignan, mukha itong abstract, ngunit kapag pinagmasdan nang maigi, ang makulay na bagay sa pinakagitna ay hugis libro. Nakakulong ito sa isang hawla. Ang mga imahe sa paligid na kulay itim at puti ay ang mga kamay na tila inaabot ang nakakulong na libro. Hindi pa gaanong maayos ang buong painting dahil nga hindi ko pa ito tapos.

Umupo naman ako sa tapat niya. "Okay lang ba?" nahihiyang tanong ko.

Umangat ang tingin niya mula sa painting papunta sa akin. "Maganda," seryosong saad niya. "Sobra."

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon