CHAPTER 16

82 12 83
                                    

"Crush ka ni Wren."

"Ang issue mo, Greg."

Kaming dalawa ang natalo ngayon sa bato-bato-pik, kaya kami ang kailangang bumili ng meryenda. Tuwing nag-aaral kaming apat, palagi naming nilalaro iyon para mayroong makabibili ng gusto naming meryendahin. Naiwan sina Alasi at Winston sa bahay. Hindi kasi puwede kina Greg ngayon kaya sa amin kami nag-aral.

"Iyon ang napapansin ko sa kaniya, e. Dati pa ako may hinala. Pero noong ibinili ka niya ng apple juice, doon ko nakumpirmang crush ka niya."

Naalala ko ang pag-uusap namin ni Wren sa fire exit noong araw na iyon. Sinabi niyang hindi na raw mahalaga ang dahilan kung bakit niya naitanong ang tungkol sa damdamin ko para kay Winston. Magmula rin noon, napapansin kong parang iba na siya sa akin.

Binuksan ni Greg ang pintuan ng isang convenience store. Katulad ito ng pinagtatrabahuan ni Wren. Pero hindi siya rito nakadestino, sapagkat ibang branch iyon.

Tumambad sa amin ang mga pusong disenyo sa loob. Malapit na kasi ang Valentine's Day. Lumapit si Greg sa pasilyo kung saan naka-puwesto ang mga chichirya. Sumunod naman ako. Nagkaniya-kaniya kami ng kuha. Libre naman daw niya, e.

"At saka sumusulyap siya sa'yo minsan," pagpapatuloy niya sa sinasabi niya kanina. "Alam mo bang tinatanong ka rin niya noon tuwing may practice kami? 'Manonood ba sina Ayana?' 'Anong oras darating sina Ayana?' 'Sigurado bang makapupunta si Ayana sa contest?'" Ginaya niya pa talaga ang boses ni Wren, ngunit naging kaboses niya lang si Patrick ng Spongebob Square Pants. 

"Baka gusto lang akong kaibiganin." Kumuha pa ako ng mga nagugustuhan kong snacks.

Ilalagay ko na sana iyon sa basket na nilapag namin sa sahig, pero binawi ni Greg iyon at ibinalik sa pinagkuhaan ko. 

"Ang dami mong kinukuha. Para kang magpapakain ng isang barangay." 

Pipigilan ko pa sana ang kamay niya, pero iniwas niya ito. Inismiran ko siya ngunit hindi niya iyon pinansin.

"At saka pakikipagkaibigan pa bang matatawag iyon? Ikaw lagi ang laman ng bunganga niya sa praktis. Kahit sina Kuya Dos ay napapansing crush ka niya, e. Kaya lang, nitong mga nakaraan, hindi ka na niya nababanggit."

"Huwag mong bigyan lahat ng meaning."

"Mukha bang binibigyan ko lahat ng meaning? O sadyang iyon lang talaga ang nakikita ko?" Naglakad siya upang maghanap pa ng ibang makakain namin. Nakasunod ako na para bang isa niyang anino.

"Masyado mong sineseryoso ang pag-o-obserba mo, Greg. Hindi mo namamalayang ikaw na pala mismo ang gumagawa ng kuwento sa kokote mo."

Huminto siya sa tapat ng mga tsokolate at kinuha ang isa roon. Gamit iyon ay itinuro niya ako. "Ikaw naman, masyado kang manhid."

"Iba ang manhid sa ayaw mag-assume."

"Edi may napapansin ka na ngang kakaiba sa mga kilos nila? Ayaw mo lang mag-assume?"

Kumuha rin ako ng tsokolate at ibinato iyon sa basket. Babawiin sana ulit iyon ni Greg pero dinampot ko ang basket at naglakad.

"Mahirap basahin ang mga kilos ni Winston. Mabait siya sa lahat, alam mo iyan."

"Totoo naman... Pero ano ang masasabi mo kay Wren? Mabait ba sa lahat iyon?"

"Aba, malay ko. Hindi ko naman siya kilala katulad ng pagkakilala ko kay Winston."

Dumaan ang mga araw, pare-pareho lamang ang mga sinasabi ni Greg. May gusto raw sa akin si Wren.

Ang hindi niya alam, iyon na rin ang napapansin ko.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon