CHAPTER 27

8 4 0
                                    

Hindi ko inakalang magiging maayos ang lahat.

Ang akala ko noon, ang buhay ko ay naging katulad ng isang sinulid. Sa sobrang dami ng buhol, imposible nang maibalik pa sa dati. Ngunit hindi sinulid ang buhay. Isa itong laro kung saan mahihirapan ka, matatalo ka, at mawawalan ka ng rason upang magpatuloy. Pero kung paulit-ulit ka ring babangon at susubok, siguradong sa huli ay mananalo ka.

At ang takot, nariyan lang parati sa ating mga puso. Imposible iyong mawala, sapagkat kung wala tayong nararamdamang takot, paano tayo magiging matapang?

Pagkatapos kong mabasa ang sulat ni Papa noon, agad kong tinawagan si Winston at kinausap.

"Ayana, mahal kita. Mahal na mahal na mahal. Pero kung gusto mo nang makipaghiwalay, kahit masakit, kahit hindi ko kaya, hahayaan kita." Iyon ang unang linyang ipinakawalan niya nang masilayan niya ako.

Nakipagkita ako sa kaniya sa parke malapit sa condo. Gabi. Pero maliwanag na maliwanag ang buwan at ang mga bituin. Hindi ko mapigilang maalala ang araw na naging kami ni Winston. Maaliwalas ang langit. Hindi kumulog, kumidlat, o umulan. Inisip ko pa nga noon na perpekto ang lagay ng panahon, na para bang inilaan talaga iyon para sa amin ng Diyos.

Maigi kong pinagmasdan ang mukha ni Winston. Hindi maaliwalas ang mga mata niya, sapagkat pinaninirahan iyon ng napakaraming pangamba. Hindi rin kayang ipaliwanag gamit ang mga salita ang lungkot sa bawat sulok ng kaniyang wangis. Nagmamakaawa ang kaniyang mga nunal. Tumatangis ang kaniyang mga kilay. Nagdadalamhati ang kaniyang mga labi.

"Pero kung magiging totoo ako ngayon," pagpapatuloy niya, "sasabihin ko sa 'yong huwag mo akong hiwalayan. Kasi, Ayana, ikaw ang buhay ko. Binibigyan mo ng buhay ang buhay ko. Kapag nawala ka sa akin... paano pa ako magpapatuloy?"

Umiiyak siya. Subalit hindi iyon katulad ng pagtangis niya noong naging kami. Hindi masasayang hikbi ang maririnig. Marahil ay katulad iyon ng hikbing ikinulong niya noong namatay ang kaniyang ama at mga kapatid.

Hindi ko mapigilang mag-isip habang pinanonood ko si Winston tungkol sa mga nagawa ko sa kaniya. Takot na takot akong maiwan, kaya ako ang unang umalis. Takot na takot akong masaktan, kaya ako ang unang nanakit.

Gusto kong protektahan ang aking sarili laban sa mga damdaming hindi ko nais harapin. Sa mga takot at alinlangan na ayaw kong maranasan. Ang hindi ko alam, sa kagustuhan kong protektahan ang aking sarili, ako lang din ang nasasaktan.

"Isa rin akong sinungaling kung sasabihin ko sa 'yong gusto kong tumuloy sa Canada," lintaya niya sa nangangatal na tinig. "Ayaw ko roon. Dahil aanhin ko ang Canada kung wala ka? 

"Noong tumira kami rito sa Pilipinas, araw-araw kong hinihiling na sana ay bumalik kaming US. Kasi roon ako nabuhay, e. Sa US ko nakasama ang mga kapatid at ang papa ko. Pakiramdam ko ay inilayo ako ni Mama sa kanila. Segu-segundo akong nangungulila sa mga alaala nila.

"Pero nagbago iyon noong nakilala kita, Ayana. Noong nalaman ko ang kuwento mo, pakiramdam ko ay mayroon akong karamay at hindi ako nag-iisa. Simula noon, gusto kong mapalapit sa 'yo. Hindi ko alam na ang pagkakaibigang iyon ay magbubunga pala ng iba. Nagkagusto kaagad ako sa 'yo. At hindi na dahil iisa tayo ng pinagdaraanan, kundi dahil sa ikaw mismo.

"Totoo ang sinabi ko noon na binibigyan mo ng buhay ang buhay ko. Kasi noong dumating ka, bigla akong nagkaroon ng ganang gumising tuwing umaga. Nababagot ako sa mga klase natin noon, pero dahil alam kong maririnig ko ang boses mo at makikita ko ang mukha mo, gustong-gusto kong pumasok araw-araw.

"Dumating pa nga sa puntong pinagselosan ko si Greg." Natawa siya. "Palagi ka kasi niyang pinatatawa. Kahit sa simpleng jokes niya, tawang-tawa ka. Kaya minsan, sinusubukan ko ring magpatawa."

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon