CHAPTER 07

130 26 156
                                    

"Dapat dalawa ang iregalo mo sa akin, ha!" masiglang sabi ko kay Winston pagkababa namin ng tricycle.

As usual, sabay na naman kaming pumasok.

Kanina, habang naglalakad kami papuntang sakayan ng tricycle, pilit kong inaalala ang unang beses na sinundo ako ni Winston. Grade nine kami noon at umuulan. Dahil dala nina ate, kuya, at ni dada ang mga payong, ako ang nawalan. Wala rin akong kapote dahil hindi naman ako nagsusuot ng ganoon.

At dahil alam kong mabait si Winston, at siya rin ang pinakamalapit sa bahay namin, chinat ko siya noon na sunduin ako sa bahay para sabay kaming pumasok dahil nga wala akong payong. Sabay rin kaming umuwi kasi buong araw umulan. Kinabukasan noon ay hindi ko na siya kailangan pang sabihan. Kusa na siyang pumupunta sa bahay kasi alam na niyang makikipayong ulit ako sa kaniya. Nagtuloy-tuloy iyon kahit na hindi na umuulan. At hanggang ngayon, kasama ko parin siya sa pagpasok at pag-uwi, maulan man o maaraw.

"Ang takaw mo na nga sa pagkain, ang takaw mo pa sa regalo," umiiling na saad niya.

"Hindi matakaw 'yon! Dalawa talaga dapat ang iregalo niyo sa akin. Kasi bukod sa Christmas gift, dapat ay may birthday gift din ako!" Itinaas ko pa ang dalawang daliri ko sa kaniyang harapan.

"Hindi ba puwedeng isahan nalang? Hindi naman ako si Santa Claus na may stock ng regalo."

Ngumuso ako at nagmaktol na parang bata. Ganito ang hirap sa mga ipinanganak sa Christmas season, e. Isahang regalo nalang ang pang-Pasko at pang-birthday. Bakit ba kasi ako ipinanganak noong December 27?!

Si papa lang ang nagbibigay sa akin ng regalo sa mismong birthday ko. Ang pinakaborito ko ay 'yong bracelet na strawberry. Kasi iyon lang ang tanging regalo niya na handmade. Madalas kasi niyang iregalo sa akin ay damit, sandals, hair clips, barbie dolls, at kung ano-ano pang nabibili. Siyempre, naapreciate ko naman ang lahat ng iyon, sadyang naantig lang talaga ang puso ko sa bracelet na gawa niya. Kaya sobrang espesiyal ng bracelet na iyon sa akin kahit na kaakibat nito ang alaala ng kamatayan niya. At dahil din doon, nagsimula akong mahilig sa bracelets.

Noong araw ng kaarawan at kamatayan niya, ay nagising ako dahil sa ingay sa sala. Nakatira pa kami sa lumang bahay namin noon. Pumunta akong sala at nakita ko sina mama at ang mga kapatid kong umiiyak. Kusot-kusot ang mata, lumapit ako sa kanila.

"Ma? Bakit ka umiiyak? Birthday ko ngayon," paalala ko dahil dapat masaya kami kasi nga birthday ko.

"Ayana!" suway ni ate. "Alam naming birthday mo. Pero puwede? Manahimik ka muna!" humahagulgol ding dugtong niya.

Kumunot ang noo ko dahil hindi ko alam ang nangyayari. Tumingin ako kay kuya na tahimik lang na nakaupo sa sofa. Nakatingin ito sa sahig na tila ba isang estatwa dahil hindi ito gumagalaw.

"Si papa?" tanong ko sa kanila na lalong nagpalakas ng iyak nina mama at ate. "Nasaan si papa?" tanong ko ulit, nanginginig ang boses dahil sa kakaibang kaba na nararamdaman ko.

"Wala na siya, Ayana," mahinang sagot ni kuya ngunit sapat lamang upang marinig ko.

Para akong napako sa kinatatayuan ko noong oras na iyon. Para akong nanaginip pero nakararamdaman parin ako ng totoong sakit. Hindi ko namalayan na tuloy-tuloy na pala ang pagtulo ng luha ko.

"B-bakit? P-paano?" Nagawa ko paring magtanong sa kabila ng mga tumutusok sa loob ng lalamunan ko.

Kailangan ko ng sagot. Kailangan kong malaman. Kailangan kong sabihin nilang pakulo lang ito ni papa. Na pina-prank niya lang ako. Kasi birthday ko. At kapag birthday ko, palaging nandito si papa. Palagi.

"Naaksidente siya." Si kuya parin ang nagsalita. "Nag-motor siya para bumili ng cake, pero..." Mariin siyang pumikit. "Nabangga siya ng truck. Hindi na siya nakaabot pa sa ospital. Nalaman lang namin nang may tumawag at ibinalita sa amin ang nangyari kani-kanina lang."

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon