CHAPTER 08

128 26 171
                                    

"Ate! Pahiram na kasi ako!"

Ilang beses na akong kumakatok sa kuwarto niya. 10 PM na ng gabi. Halos tatlong oras na naman akong nagmamakaawa sa kaniya na pahiramin ako ng damit. Noong nakaraang araw pa ako nagmamakaawa sa kaniya.

Bukas na ang Christmas Party at wala parin akong maisusuot. Pero nag-iinarte na naman siya at ayaw akong pansinin. Hindi ko alam kung ano ang nakain niya. O kung may regla ba siya.

"Ate!" sigaw kong muli sabay katok nang malakas.

Kakatok pa sana ulit ako nang biglang bumukas ang pintuan. Muntik ko na tuloy siyang matamaan sa mukha ng kamao ko. Halos mapasigaw pa ako sa gulat dahil sa itsura nito. Akala ko multo! Isabay mo pa ang madilim niyang kuwarto dahil patay ang ilaw.

Sisigaw pa sana ulit ako nang bigla niya akong hinila sa loob. Pagkabukas niya ng ilaw, saka ko lang napansin ang namamaga niyang mata. Napakunot kaagad ang noo ko. Dahil mukhang hindi naman siya problemado kanina noong hapunan, e.

"A-ate, bakit ka umiiyak-" Hindi ko na natuloy ang pagsasalita ko nang bigla niya akong sinampal. Dahil sa matinding pagkabigla at sakit, nanatiling nakagilid ang ulo ko. Hinawakan ko rin ang pisngi kong sinampal niya. Napangiwi ako sa hapdi.

"Kasalanan mo lahat 'to, Ayana," mariing saad niya sa mababang boses.

Unti-unti akong tumingin sa kaniya, nagtataka. "A-ang alin?"

"Hah!" sarkastiko siyang tumawa. "Ikaw ang dahilan kung bakit namatay si papa!" Mahina lang ang kaniyang boses, tila takot na marinig siya sa kabilang kuwarto kung nasaan si kuya. Ngunit puno ang boses niya ng poot. Poot sa akin.

"Kasalanan ko?" Nanginginig ang aking boses. "Ate, kung alam ko lang na mangyayari iyon, hindi ako papayag na lumabas si papa ng bahay!"

"Akala mo ba iyon lang? Akala mo ba kamatayan lang ni papa ang kasalanan mo? Lahat 'to, kasalanan mo! Ninyo!"

Humakbang siya papalapit sa akin habang tinutusok ang dibdib ko gamit ang hintuturo niya. Napapaatras ako. Tumigil lang ako nang naramdaman ang kama niya sa likod ng aking paa.

"Sa tingin mo, Ayana? Bakit sa tingin mo ang aga maka-move on ni mama, ha? Bakit ang bilis mapapayag ni mama na lumipat ng bahay kasama ang stepfather natin, ha?" tanong niya, tinutusok parin ako.

Saka ko lang naamoy ang alak sa hininga niya dahil sa kaniyang lapit.

"Uminom ka ba? Bakit ka uminom?"

Hindi ko siya maintindihan. Ngayon ko lang nakitang ganito si ate. Magmula noong namatay si papa, ibang-iba na ang turing nito sa akin. Dati kahit magka-iba kami ng kuwarto ay madalas kaming natutulog nang magkatabi. Palagi niya rin akong pinapahiram ng mga damit at laruan niya. At noon pa man, kahit hindi nila ipinapakita, alam kong ako ang sinisisi nila kung bakit ito nangyari sa pamilya namin.

Ramdam ko naman kasi, e. Iyong hindi man lang nila ako binabati sa mismong birthday ko, alam ko na. Babatiin lang nila ako sa mismong Pasko. Kapag sumapit ang araw ng kaarawan ko - wala lang. Normal na araw nalang iyon para sa amin.

Ang kamatayan ni papa ang nagpalayo sa amin sa isa't isa, hindi man namin gustuhin. At alam ko rin na darating ang araw na mangyayari ito. Na puputok nalang bigla ang tunay nilang nararamdaman sa akin.

Sa totoo lang, hindi ako magagalit sa kanila kung ako ang sinisisi nila. Dahil ako mismo, sarili ko rin ang itinuturo kong may kasalanan ng pagkamatay ni papa. At kahit gusto kong humingi ng tawad ay hindi ko magawa. Hindi ko alam kung paano babanggitin si papa.

Dahil magmula nang namatay ito, hindi narin siya nabanggit pa ni mama sa amin. At kapag nababanggit namin siya, tila umiiba ang timpla ni mama. Kaya tulad ng araw mismo ng kaarawan ko, parang bulang naglaho rin siya sa pamilyang 'to.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon