CHAPTER 15

86 11 95
                                    

"Hindi ka pumasok?"

Iniba ko agad ang usapan para hindi na magtanong pa si Winston. At saka kung ipagpapatuloy namin ang usaping iyon, ay baka sumabog na ang dibdib ko sa kaba.

"Oo."

"Bakit?"

Alam kong iniligaw ko ang usapan, pero gusto kong marinig kay Winston ang mga salitang "nag-aalala ako sa'yo dahil gusto kita nang higit pa sa kaibigan" at hindi ang "kasi kaibigan kita kaya ako narito".

"Wala kasing mag-aalaga sa'yo."

Napaiwas ako ng tingin at tahimik na tumango. Muling naghari ang nakasasakal na katahimikan. At dahil doon ay malinaw kong naririnig ang bawat pintig ng puso ko. Sa takot na marating niyon ang tainga ni Winston, agad akong nakapag-isip ng bagong sasabihin.

"Paano 'yong long quiz kay Ma'am Nina?"

Hindi kasi nagbibigay ng special quiz si ma'am sa mga absent, maliban na lang kung may excuse letter. E, wala naman akong excuse letter. At siguradong hindi rin nakapagpadala si Winston ng kaniya.

"Ayos lang 'yon. Isang quiz lang naman," hindi makatingin niyang sagot.

Alam kong nagsisinungaling si Winston. Isa ako sa mga taong saksi sa kung gaano kahalaga sa kaniya ang pag-aaral niya, at ang ma-maintain ang grades niya para hindi siya malaglag sa scholarship. Kaya alam kong hindi ito ayos para sa kaniya.

Ang totoo, nag-aalala siya dahil siguradong maaapektuhan ang mga marka niya. Hindi siya puwedeng magpabaya lalo pa't kaka-umpisa pa lang ng second semester.

Pero sa kabila nito, hindi ko maikakailang natutuwa ako dahil narito siya ngayon. Pakiramdam ko ay ako ang pinakamahalagang tao para kay Winston. Gusto kong ngumiti at ipagmalaki sa lahat na mayroon akong isang taong katulad niya.

Ngunit... ano ang karapatan kong maging masaya? Niloloko ko siya. Sa tuwing magkaharap kami, hindi na kaibigan ang tingin ko sa kaniya. Subalit higit pa roon. Ang bawat salita niya ay nabibigyan ko na ng kahulugan – maging ang simpleng palitan namin ng mga tingin.

Ilang beses na akong nakapanood ng mga palabas tungkol dito – nahulog ang isang babae sa kaibigan niyang lalaki o magkabaliktad. Lahat ng iyon ay mayroong wakas na masaya. Pero paano ako nakasisigurong ganoon din ang kahahantungan ng nararamdaman ko para kay Winston? Paano ako makasisigurong kami sa huli?

"Sorry," sabi ko sa mahinang boses, nakatingin lang sa paanan ko.

Hindi ko alam kung alin sa mga nasa isip ko ang inihingi ko ng tawad. Dahil ba hindi siya nakapasok ngayon? O dahil may gusto ako sa kaniya? Marahil ay pareho.

"Ako ang nagdesisyon na manatili rito. Hindi ikaw. Kaya hindi mo kasalanan, okay?" Mahinahon ang kaniyang boses.

Tumango ako at ngumiti. Mabuti na lang at hindi niya napansin ang kakaiba sa boses ko.

Umuwi lang si Winston noong dumating si mama. Humupa na rin kahit papaano ang lagnat ko pero hindi pa rin nila ako hinayaang umalis sa kama.

Pakiramdam ko tuloy noong nagising ako kinabukasan ay para akong bagong panganak. Bago ako lumabas ng kuwarto, tinignan ko muna ang loob ng drawer na bubuksan dapat ni Winston kahapon. Maluwag akong nakahinga nang nakitang hindi naman iyon nagalaw.

Ang ipinagtataka ko lang ay kung ano ang pumasok sa isip niya para buksan ang drawer ko? Sa aming lahat, si Winston ang hindi pakialamero sa gamit ng iba.

"Okay ka na ba, Ayana?" si Alasi noong sinundo namin siya.

"Paano mo nalaman?" Sa pagkakaalam ko kasi ay hindi ko naman sila sinabihan.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon