CHAPTER 23

29 7 0
                                    

... Well time has a way of throwing it all in your face
The past, she is haunted, the future is laced
Heartbreak, you know, drives a big black car
I swear I was in the back seat, just minding my own...

Nakalagay ang aking kamao sa tapat ng aking bibig upang pigilang makalabas ang mga hikbi roon. Gusto ko sanang sabihin kay Wren na palitan niya ang kanta dahil naalala ko si Winston. Paboritong mang-aawit niya ang kumanta niyon. Pero alam kong kapag nagsalita ako ay mababasag lamang ang aking boses.

Pagkasabi ko kanina kay Wren na ayaw ko pang umuwi ay niliko niya ang kotse. Hindi siya nagtanong kung bakit o kung ano ang nangyari. Marahil ay alam niyang hindi ko kayang pag-usapan ang tungkol doon. At dahil walang nagsasalita sa amin, binuksan ni Wren ang radyo. Iyon ang bumungad na tugtog.

... Hope was a letter I never could send
Well, love was a country we couldn't defend...

Tuloy-tuloy na tumutugtog ang awit na iyon. Hindi ko na mabilang ang butil ng ulan na naiwan sa salamin ng kotse, dahil hindi na kaya iyon ng aking paningin sa sobrang labo.

Saka lang ako napalingon kay Wren nang huminto kami sa labas ng isang sementeryo – pamilyar na sementeryo. Dali-dali kong pinunasan ang aking mga mata. Ilang segundo ang lumipas, bumalik ang linaw ng aking paningin. Mula sa loob ng sasakyan ay binasa ko ang pangalan ng sementeryo. Pareho ang pangalan. Sunod kong pinagmasdan ang itsura ng labas kung iyon nga ba ang sementeryong nasa isip ko o hindi. Mayroong dawalang maliit na estatwang anghel sa magkabilang gilid ng matangkad na tarangkahan.

Maigi kong tinitigan iyong anghel. Dahil mayroon nang kalakasan ang ulan at madilim ang kalangitan, ilaw lamang ng sasakyan at ng mga poste sa tabi ng dalawang estatwa ang nagpaliliwanag sa paligid. Kaya para makita nang malinaw ang mga estatwa, binuksan ko ang pintuan ng sasakyan. Tumakbo ako hanggang sa narating ko ang mga iyon, hindi pinapansin ang pagtawag sa akin ni Wren.

Wala na akong naririnig nang pinagmasdan ko ang estatwa sa aking harapan. Ang anghel na nasa kaliwa ay mayroong biyak sa kanang pisngi.

Tandang-tanda ko pa kung paano ko iyon malakas na pinukpok ng bato noong araw ng libing ni papa.

Pagkatapos niyang mailibing noon, agad na umuwi si mama dahil kailangan niya raw magpahinga. Gusto niya pa akong isama noon sa bahay, ngunit nagpaiwan ako sa sementeryo. Kasama ko noon sina Ate Rina at Kuya Rohan na pinanonood ang mga lalaking maglalagay ng lapida ni papa. Nagsiuwian na rin kasi ang mga kasama namin noon. Hinayaan nila kaming umasikaso niyon.

Labing-isang taong gulang lamang ako. Si Kuya Rohan ay labinlima. At si Ate Rina ay labing-walo.

Dahil umuulan, nakasilong kaming tatlo sa tolda, nakaupo sa puting monoblocs, umiiyak. Pinanonood ko ang mga lalaki habang tinatabunan ng maraming lupa ang kabaong ni papa. Ang iniisip ng utak ko noon ay pinapatay nila si papa. Alam ko naman sa aking sarili na wala na siya, ngunit sa pagkakataong iyon, ang makitang tinatabunan siya ng lupa ay hindi ko kinaya. Kaya tumayo ako. Lumapit ako. At gamit ang maliliit kong mga kamay, hinatak ko palayo ang mga lalaki.

"Tigilan niyo! Tigilan niyo! Lumayo kayo! Layo! Layo! Layo!" 

Paulit-ulit ko iyong binabanggit. Hindi nila ako pinakikinggan. Tinataboy lang nila ako. Pero kahit na ganoon, hindi ko tinigilan ang paghampas, sipa, sapak, at sigaw sa kanila.

"Bata, huwag kang magulo rito! Ginagawa lang namin trabaho namin." Hindi ko na maalala kung sino sa mga lalaki ang nagsabi niyon.

"Gusto ko pang makita si papa! Iangat niyo siya! Iangat niyo!"

Ngayon ko lamang napagtantong hindi sila nasaktan dahil 'di hamak na mas malaki sila sa akin.

"Ano ba?! Sabing huwag kang magulo, e!" Hinawakan ng lalaki ang braso ko at tinaas iyon.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon