CHAPTER 04

146 31 169
                                    

"S-so... Bakit ka nag-transfer?"

Hindi ko na kinaya ang awkward na katahimikan sa pagitan namin ni Wren. Wala kasing nagsasalita sa amin magmula noong pumayag akong ihatid niya. Nakasakay na kami sa tricycle ngayon at hindi parin siya nagsasalita.

Mukhang malalim ang iniisip niya. Pero wala naman akong clue kung ano iyon dahil bukod sa pangalan niya, ay hindi ko pa naman kilala ang kaniyang buong pagkatao.

Tumingin muna siya sa akin bago niya pinanatili ang mata niya sa labas.

"Bulakbol kasi ako," panimula niya, "marami akong nagawang hindi maganda sa dati kong school. Na-kick out ako ro'n at dito ako pinasok ng parents ko."

"Ah..."

Para hindi niya mahalatang hindi talaga ako interesado ay tumango pa ako. Wala naman talaga akong pakialam sa kaniya, sadyang gusto ko lang mawala ang awkward na katahimikan sa pagitan namin. Pero parang mas lalo ko lang yata dinagdagan ang awkwardness dahil sa personal kong tanong.

"Iyong exhibit pala," saad niya habang lumilingon sa akin. "Kailan tayo bibili ng materials? Balita ko kasi, nagsisimula na 'yong ibang groups."

Gusto ko siyang palakpakan dahil nakaisip siya ng topic na hindi kasing personal ng naisip ko kanina. Siguro'y gusto niya ring hindi maging awkward ang atmosphere sa aming dalawa.

Saglit akong nag-isip. Hanggang sa Friday lang iyon at Tuesday na ngayon. Kailangan na nga talaga naming mag-umpisa.

"Bukas after school," sagot ko.

Puwede namang bumili ngayon, ngunit gusto kong kasama si Winston. Gusto kong naroon siya habang namimili kami ng gamit.

Tumango siya at saka ngumiti. At napunta na naman ang atensiyon ko sa dimple niyang nasa ilalim ng kaniyang mata. Saka ko lang din natignan nang mabuti ang kabuuan ng kaniyang hitsura. Halata parin ang pagkatangos ng kaniyang ilong kahit nakaharap. At may kanipisan ang labi nitong tila mas mapula pa sa akin. Bumagay rin sa kaniyang mga mala-singkit na mga mata ang tuwid at makapal nitong kilay.

**********

Nagmano ako kay mama nang narating ko ang bahay. Hindi ko na inanyayahang pumasok si Wren. Hindi naman kami close para papasukin ko siya sa bahay, 'no. Dumiretso ako sa kuwarto para makapagpahinga.

Ilang saglit ay bumangon ako at umupo sa study table. Habang ginagawa ang assignments namin, biglang tumunog ang cellphone ko. Agad kong binitawan ang hawak kong ballpen upang mahawakan ang cellphone. Umaliwalas ang mukha ko nang makita ang chat ni Winston.

Winston Arcimedez
naka-uwi ka na?

Malaki ang ngiti ko sa aking labi habang nagtitipa ng reply sa kaniya. Ni hindi ko na nga naalalang may ginagawa pa pala akong assignment! Kaya kahit gusto ko pa siyang makausap ay kinailangan kong magpaalam agad sa kaniya para matapos na iyon kaagad. Pero bago ko tinapos ang pag-uusap namin, sinabihan ko siyang bibili kami ng materials kinabukasan.

Kaya noong natapos ang klase namin kinabukasan, sama-sama kaming tatlo papunta sa National Bookstore. Siksikan ang sinakyan naming jeep kung kaya't dumidikit ang balat ko kay Winston. Siya kasi ang katabi ko, habang nasa tapat naman namin si Wren na may katabing schoolmate namin.

Hinahalungkat ko ang wallet ko sa loob ng bag para makapagbayad. Ngunit bago ko pa mailabas ang bente pesos, ay inabot na ni Wren ang kamay niya.

"National Bookstore. Tatlong estudyante," anunsiyo nito.

Wala kaming nagawa ni Winston kundi ang hayaan siyang magbayad para sa aming lahat. Noong nakababa na kami, pinagitnaan nila akong dalawa. Hinawakan ni Winston ang palapulsuhan ko noong tumawid kami, dahilan ng pamumula ng aking pisngi. Nakita ko namang napatingin si Wren sa kamay namin.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon