CHAPTER 18

55 7 32
                                    

"Aray! Putang–"

Habang tumatalon, hawak ni Greg ang paa niyang nabagsakan ng bitbit nilang sirang mesa. Noong tumakbo kasi ako ay hinabol ako ni Winston, kaya binitawan niya ang isang gilid ng mesang gawa sa kahoy. Binagsakan niyon ang paa ni Greg.

Kahit malamig ang hampas ng hangin sa aking mukha, ramdam ko pa rin ang umaalab na apoy sa pisngi ko. Hindi na kasi mawala sa isip ko ang nangyari. Narinig ako ni Winston na umamin kay Alasi. Alam niya na ngayon ang totoong nararamdaman ko sa kaniya.

Tumakbo ako nang tumakbo. Binibilisan ko para hindi ako mahabol ni Winston. Hindi alintana sa akin kahit hinihingal na ako.  

Narating ko ang rooftop. Tumakbo pa rin ako. Saka lang huminto ang mga paa ko noong naabot ko ang pinakadulo. Wala na akong matakbuhan. Hindi na ako makatatakas. Naririnig ko na ang bawat tunog na pag-apak ng mga paa ni Winston sa semento. Palakas ito nang palakas. Palapit siya nang palapit. Hanggang sa nawala ang tunog at napalitan iyon ng kaniyang boses.

"Ayana."

Napahawak ako sa aking dibdib. Malakas ang pintig ng puso ko sa loob, at dama ko iyon maging sa aking sikmura. Hindi ko na rin matukoy kung mainit pa ba ang pisngi ko dahil parang may nagtapon sa akin ng malamig na tubig.

"Ayana, mag-usap tayo... Please?"

Hinawakan niya ako sa balikat. Dahil wala ng lakas ang katawan ko ay madali niya lang akong naiharap sa kaniya. At ayan na naman ang klase ng tingin niyang nagpapatanong sa akin kung ganiyan din ba siya tumingin sa iba?

"P-Prank lang 'yong narinig mo..." Humina ang aking boses nang napagtanto kong kahit bata ay hindi ko makukumbinsi sa tono kong hindi sigurado. Umiwas ako ng tingin dala ng kahihiyan.

"Kung puwede lang... Puwede bang maging totoo muna tayo sa isa't isa? Kahit ngayon lang." 

She's not good for you.

She's just going to ruin you and your dreams.

Bigla ko na namang narinig ang sinabi ni Ma'am Nina. Nitong mga nakaraang araw, sa tuwing kaharap ko si Winston, iyon lamang ang naririnig ko. Mas nagiging malakas iyon kaysa sa kalabog ng aking dibdib. Dumarating na sa puntong hindi ko na naririnig ang ingay sa aking paligid. 

Na hindi ko na marinig nang maayos ang sinasabi ngayon ni Winston.

"Hindi ko na kaya ang pag-iwas – She's not good for you. – Sa tuwing umuulan, kapag hindi ka nakikisilong sa payong ko – She's just going to ruin you and your dreams. – para bang – She's not good for you. – May kulang – She's not good for you. She's just going to ruin you and your dreams – She's not good for you..."

Nagmistulang isang sirang plaka ang boses ni Ma'am Nina sa aking isipan. Wala na akong naiintindihan sa mga salitang lumalabas sa bibig ni Winston. At noong tumingin ako roon, bibig ni Ma'am Nina ang nakikita ko. Boses niya ang kumakawala. At ang isinusuka nito ay ang mga salitang "She's just going to ruin you and your dreams. She's not good for you".

At habang paulit-ulit lamang ang mga sinasabi niya, naramdaman ko ang unti-unting pagbaon ng aking paa sa semento. Para ako nitong nilalamon. Parang naging isa itong malaking bibig na may mga matutulis na ngipin. At boses ni Ma'am Nina ang lumalabas. Ang kalangitan namang hindi masukat ang distansya mula sa akin ay mas lalong naging malayo. Lumaki ang imahe ni Winston – ni Ma'am Nina – hindi ko na alam. Basta ang pigura sa harapan ko ay naging matangkad. Hindi ko na makita ang wangis nito.

Binalot ako ng kadiliman. Boses ni Ma'am Nina lamang ang naiwan. Paulit-ulit. Palakas nang palakas. Nakain na ng semento ang kalahati ng aking katawan. Hanggang paa na lamang ako ng pigura. Huminto rin ang pag-ikot ng hangin. Hindi na ako makahinga. Muli kong naramdaman ang mga sumasakal na kamay. Pahigpit nang pahigpit.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon