CHAPTER 22

34 6 0
                                    

"Magandang gabi po, Tita Grace."

Sinubukan kong ngumiti kahit nanginginig ang mga labi ko. Pinapasok niya kami ni Winston sa loob ng kanilang bahay. Ang sabi ni Winston ay hindi raw alam ni Tita Grace ang pakay ng pagpunta ko rito sa kanila. Subalit ramdam kong may kutob na siya.

Iba ang paraan ng pagtingin niya kanina noong recognition. Hindi siya gaanong nagsalita nang sinubukan siyang kausapin ni mama. Si mama kasi ang palaging sumasama sa akin kapag may events sa aming eskwelahan. Palagi raw kasing busy si dada kaya ni isang beses ay hindi siya nagpakita roon.

Dumiretso kami sa kanilang kusina. Inilapag ko roon ang dala kong apple crumble na si mama pa mismo ang gumawa. Ayon kay Winston, mahilig si Tita Grace sa mansanas kaya iyon ang ipinagawa ko.

Walang imik si Tita Grace noong nakaupo na kaming tatlo sa mesa. Maliit ang mesa nilang hugis bilog. Eksakto namang tatlo rin ang upuan nila. At eksakto ring kaharap ko mismo si Tita Grace.

Tahimik akong nilagyan ni Winston ng lumpia. Pagkatapos ay spaghetti. Hindi ko maiwasang mapakagat sa aking labi habang pinakikiramdaman ang paligid. Kahit ang paghinga ni Tita Grace ay tila ayaw niyang iparinig sa amin. Ang tanging tunog na bumabasag lamang sa katahimikan ay ang pagtama ng mga kubyertos sa plato.

Hindi ako mapakali sa kakaibang katahimikan. Para bang nasa giyera ako at hindi ko batid kung kailan magpapasabog ang kalaban.

Ngumiti si Winston bago niya inasikaso ang sarili niyang plato. Mabagal ang aking kilos noong dinampot ko ang kutsara't tinidor, takot na baka kapag nakagawa ako ng kaunting ingay ay maalarma ang kalaban at hagisan ako ng bomba.

Sinubo ko ang lumpia. Sunod ang spaghetti. Uminom ng soda. Lumpia ulit. Tapos spaghetti. At soda. Paulit-ulit ko iyong ginawa hanggang sa biglang nagsalita si Winston.

"Uh... Ma."

Napatalon ako sa aking kinauupan nang binagsak ni Tita Grace ang hawak niyang kubyertos. Umalingawngaw ang ingay nito sa aming paligid. Hindi ko alam kung bakit matalim ang tingin niya kay Winston. Magmula noong pumasok kami rito, hindi niya ako dinapuan ng tingin.

"Ano?" mataray niyang tanong na para bang naistorbo siya ng isang bata mula sa kaniyang ginagawa.

Saka ko lamang napansing nanginginig pala ang aking katawan noong hinawakan ni Winston ang aking binti. Maging siya ay kinakabahan sapagkat naramdaman ko ang panlalamig ng kaniyang palad. Manipis lamang ang tela ng suot kong bestida, kaya walang kahirap-hirap ang paglusot ng lamig doon.

Ilang taon na kaming magkaibigan ni Winston. Ngunit ngayon lamang ako nakakain kasama si Tita Grace. Kapag kasi nandirito siya sa kanilang bahay ay hindi kami pumupunta nina Alasi at Greg. Takot kami sa kaniya.

"May sasabihin po sana ako."

Wala akong narinig na takot o pag-aalangan sa tono ni Winston. Kahit papaano, gumaan ang kabang nararamdaman ko.

"Kami na po ni Ayana."

Tumaas ang isa niyang kilay. Ngunit alam kong hindi pagkagulat o pagkamangha ang dahilan niyon. Kundi galit. Pagkamuhi.

"Kayo na? Bakit? Ano bang alam niyo sa pag-ibig?" Sa unang pagkakataon, tumingin siya sa akin. "Ni hindi pa nga kayo nakapagtapos ng pag-aaral, tapos iyan na ang inaatupag niyo?"

"Ma..." Napatikom ng bibig si Winston kahit hindi naman sumingit si Tita Grace. Marahil ay hindi niya alam ang susunod na sasabihin. O kung mayroon nga ba talaga siyang sasabihin. Baka gusto niya lang itong pigilan dahil ramdam niyang hindi na ako kumportable.

"Hindi ako galit," paglilinaw ni tita. "Ang sa akin lang, masyado pang maaga. Aanhin niyo ang relasyon, ha? Makatutulong ba iyan sa pag-aaral niyo? At saka, Winston, bakit sa kaniya pa? Bakit si Ayana pa?"

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon