CHAPTER 09

126 24 116
                                    

Greg Matambokangpuso
AYANA FAYE SALVADOR NASAAN KA NA????
WAG MO KAMING INJANIN HA SINASABI KO SA'YO
PAPALUIN KITA SA PWET BATA KA!

Kanina pa ako nasa loob ng cubicle, nanginginig habang hawak ang cellphone kong patuloy sa pagtunog dahil sa sunod-sunod na chats ni Greg sa GC naming apat. Hinahanap na nila ako dahil may lakad kami ngayon. Tradisyon na sa aming apat na tuwing pagkatapos ng Christmas Party ay gagala kami na kaming apat lang.

Pero hindi sapat ang mga banta ni Greg upang mapalabas ako ng CR. Hindi iyon sapat para mawala sa isip ko ang nakita ko kanina. Si Alasi. Si Tomas. Naghahalikan.

At hindi rin ako mapakali dahil hinihintay ko rin ang reply ni Johanna sa chat ko. Tinanong ko siya kung puwede kong makita ang picture na sinend sa kaniya kaya niya nalamang nagloloko si Tomas. Mabuti nalang at hindi nagtanong ng kung ano-ano si Johanna at pumayag agad ito.

Johanna Kim Rosales sent a photo.

Nabitawan ko ang cellphone ko nang makita ang picture. Malabo nga at madilim. Pero siguradong-sigurado akong si Alasi iyon. Hindi ako puwedeng magkamali. Kilala ko na nga kahit anino niya lang, e.

Saka ko lang pinulot ang cellphone nang nag-ring ito. Tumatawag si Winston sa mismong number ko. Alam kong magkakasama na sila at ako nalang ang hinihintay. Pero paano ko sila haharapin? Paano ko mahaharap si Alasi?

Hinayaan kong matapos ang ring ng cellphone. Nanatili pa ako sa loob nang ilang minuto bago ako tuluyang lumabas. Hindi ako tumingin sa salamin. Diretso akong naglakad sa pintuan. Hindi ko alam kung saan ako papunta. Namalayan ko nalang na narating ko na pala ang main garden ng school.

Alas quatro na ng hapon. Wala na masyadong estudyante dahil umalis na ang karamihan. Paniguradong gagala rin ang mga ito kasama ng kani-kanilang mga kaibigan. Umupo ako sa bench. Tinanggal ko ang salamin ko upang mapagmasdang maigi ang mga bulaklak.

Hindi na tumutunog ang cellphone ko dahil pinatay ko iyon. Gusto ko munang mapag-isa. Makapag-isip. Makalayo. Makatakas.

Bakit ang dami-daming nangyayari ngayon - simula pa kagabi? Bakit nagkakagulo kung kailan magbi-birthday ako? Bakit sa birthday ko mismo? Ang dami-daming araw. Bakit doon pa namatay si papa?

At bakit ngayon ko 'to kailangang malaman? Si Alasi? Kabit? May kaibigan akong kabit?

Si ate, hinihiling na sana hindi nalang ako nabuhay. Na kasalanan ko ang lahat. Kasalanan ko kung bakit umiiyak siya gabi-gabi, kung bakit siya naglalasing, kung bakit kailangan naming lumipat ng bahay dahil nakita ulit ni mama ang first love niya.

Bakit, sa dinami-rami ng araw... bakit ngayon lahat ng 'to nangyayari?

"Ayana?"

Tumuwid ang likod ko sa pagkakarinig ng boses ni Wren. Lumingon ako sa kaniya at wala siyang kasamang kahit na sino. Kumunot ang noo niya nang makita ako. Nagmamadali siyang lumapit.

"Are you okay?" Umupo siya sa tabi ko at pinunasan ang luha ko.

Doon ko lang napansin na kanina pa pala ako umiiyak. Akala ko naiyak ko na ang lahat kagabi sa kuwarto ko. Akala ko ubos na ang tubig sa katawan ko at wala na itong maipo-produce pang luha. Pero heto ako, basa na naman ang mukha.

"S-sorry," tumatawang saad ko habang pinupunasan ang mukha gamit ang sleeves ng cardigan.

"Bakit ka nagso-sorry? Hindi naman kasalanan ang umiyak."

Tumango nalang ako, kagat-kagat ang ibabang labi ko dahil nanginginig.

"Si Winston? Bakit hindi mo kasama?"

"U-uuwi na ako." Tumayo ako at kinuha ang mga gamit ko. Pati na ang regalo sa akin ni Wren.

"Hatid na kita," alok niya habang tumatayo rin.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon