CHAPTER 20

61 8 24
                                    

Lumipas ang ilang buwan at naging busy kaming lahat sa research. Hindi ko kagrupo si Winston. Pero nagagawa pa rin niya akong sunduin sa umaga, at ang ihatid sa bahay kahit na magkaiba na kami ng oras ng pag-uwi.

"Break muna tayo, guys. Parang hindi na kaya ng braincells ko 'tong research," nanghihinang sabi ni Dominic, ang isa sa mga kagrupo namin.

Sabay-sabay kaming sumang-ayon habang nagpapakawala ng mahahaba at mabibigat na paghinga. Si Beatrice na siyang leader namin ay hindi naman nagpapaawat sa pagtitipa sa kaniyang laptop. Mukha itong robot na naka-program para lang magtipa roon.

Kaming dalawa naman ni Dominic ay sumuko na. Nag-inat na kami at sumandal sa upuan na parang mga lantang bulaklak. Nakatulala na lang kami sa kawalan na animo'y mga butiking dilat lang at walang muwang. Mayamaya pa ay narinig namin ang inis na buntong-hininga ni Beatrice, hindi pa rin tinitigilan ang pakikidigma sa research.

"Relax lang, Be," si Dom.

"Mas okay nang maaga natin 'to matapos. Para hindi tayo mangarag."

Malalim akong huminga at muling binuksan ang sarili kong laptop. Hindi ko rin naman masisisi si Beatrice kung bakit ganito siya. Tulad ni Winston, scholar din si Beatrice at running for honors. Silang dalawa ni Winston ang naglalaban sa unang rank sa buong grade 11 ng HUMSS.

Masyado kaming naging pokus sa paggawa na hindi na namin namalayan ang oras. Nasa bahay kami nina Dominic. Wala ang mga magulang niya kaya kaming tatlo lang ang narito. Saka lang namin napag-alamang lagpas na pala ng alas dose nang makita ko ang oras sa screen ng aking cellphone. Tumawag kasi si Winston.

"Sagutin ko lang 'to."

Noong tumango silang dalawa, pumunta ako sa salas. Umupo ako sa sofa roon.

"Hello?"

[Hindi ka pa ba uuwi?] Iyon ang bungad niya sa akin sa mahinahong boses.

"Marami pa kasi kaming inaayos."

[Nakapagpaalam ka naman ba kina tita na late ka makakauwi ngayon?]

"Baka nga hindi kami makauwi ngayon." Humikab ako ngunit hindi ko pinarinig iyon kay Winston. "Ikaw? Kamusta ang paper niyo?"

[Bakit paper namin ang kinakamusta mo at hindi ako?]

"Kamusta naman ang bebe ne 'yen?"

Narinig ko ang pagtawa niya sa kabilang linya. [Okay na okay kasi narinig na ulit ang boses mo.]

"Ang OA mo naman. Parang hindi tayo nagkita kanina kung makaasta ka."

[Pero ilang minutes lang naman 'yon!]

Dahil nauubos ng research ang oras namin, bihira na lang din kaming nagkakasama ni Wins. Ni hindi pa nga namin nararanasang mag-date, e. Paano, palagi naming kasama noon sina Alasi at Greg tuwing lumalabas. Hindi na sumasama sa amin si Wren at hinayaan na lang namin iyon dahil nga baka naiilang siya sa amin. Tatanggapin pa rin naman namin siya kapag gusto niyang bumalik.

[Miss na kita, Ayana ko.]

Otomatiko akong napangiti. "I miss you, too. Date tayo pagkatapos ng defense?"

[Yes, please!]

Saglit pa kaming nag-usap hanggang sa kinailangan na ulit naming magpatuloy sa aming paper. Gumawa na kami hanggang sa mag-alas dos na ng madaling araw. Napagdesisyunan naming matulog na lang sa bahay nina Dominic at umuwi pagkagising namin. Wala naman kasi kaming pasok dahil Sunday na.

Bumungad ang mukha ni Winston sa labas ng bahay nina Dominic. Agad akong tumakbo palapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. Lumaki ang ngiti ko sa aking labi dahil sinuklian niya nang mas mahigpit ang yakap sa akin. Hinalikan niya pa ako sa aking noo, dahilan para mapakalas agad ako sa yakap.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon