CHAPTER 02

177 36 169
                                    

"Ayana Faye Salvador! Gumising ka na!"

Iritable kong itinakip ang unan sa aking tainga noong narinig ko ang sigaw ni mama sa labas ng kuwarto ko. Sinamahan pa iyon ng malalakas na katok para siguradong magising talaga ako. Kanina niya pa ako ginigising, pero ayaw kong bumangon! Ang sakit kaya ng mga braso ko! Buwiset na parusa 'yon!

"Male-late ka na!" sigaw muli nito pagkalipas ng ilang minuto.

Nanatili parin akong nakahiga. Sa totoo lang, wala akong balak na pumasok ngayon. Bukod sa masakit ang katawan ko ay hindi ko rin natapos ang five pages na reflection namin. At wala akong balak tapusin! Ang dami-dami nun! Anong ilalagay ko ro'n? Hindi ba puwedeng "Sorry. I won't do it again." nalang?

Makalipas ang ilang tahimik na minuto ay naramdaman kong nakakatulog na ulit ako. Kaya lang, bigla na namang dumating si mama. Magtatalukbong na sana ako ng kumot ngunit nataranta ako nang narinig ang sinabi niya.

"Nandito na si Winston! Hinihintay ka sa baba!"

Agad akong napabangon. Napahawak pa ako sa sentido ko dahil bigla akong nahilo. Dali-dali kong kinuha ang towel ko at saka pumunta sa CR namin dito sa second floor. Wala pang limang minuto ay tapos na akong maligo. Sinuot ko agad ang uniform namin at naglagay ng maraming pabango. Nilagyan ko rin ng lip tint ang labi ko at pulbo naman sa buo kong mukha.

Sinusuklay ko ang basa kong buhok habang bumababa ng hagdan. Nakaupo si Winston sa sala, nanonood ng balita. Nang nagkatinginan kami ay tinanguan ko lang siya, habang nginitian naman niya ako.

"Ang bilis mong maligo, ah-"

"Anong mabilis?" agad na putol ko kay mama na nakasuot pa ng apron. "Kanina pa kaya ako nasa CR! Habang nagsisisigaw ka sa kuwarto ko, nasa CR na ako nun! Naliligo!"

Tumakbo ako sa kusina kung saan nakikita rin mula roon ang sala. Kumuha ako ng isang pirasong hotdog at nilaklak ang isang basong gatas. Hindi kasi pumapayag si mama na umaalis kami ng bahay nang walang almusal. Dinampot ko narin ang lunchbox ko saka inilagay sa loob ng aking bag.

Sarkastikong tumawa si mama, nakasandal siya sa pintuan, kung saan ang katabi naman nun ay ang sofa na inuupuan ni Winston.

"Kunwari ka pa! Rinig na rinig ko nga 'yong hilik mo sa labas ng kuwarto mo! Saka hindi naman siguro matu-turn-off si Winston sa walang hilod. 'No, 'nak?" Ngumisi pa siya kay Winston.

Nabuga ko ang iniinom kong gatas.

"P-po?" Nagulat naman si Winston at tila nanigas sa kaniyang kinauupuan.

"Naghilod ako!" pagtatanggol ko sa aking sarili.

Nagkibit-balikat lang si mama habang pinipigilang matawa. "Oh, siya, bilisan niyo na't male-late na kayo."

Tinaas-baba pa ni mama ang mga kilay niya noong bumeso ako sa kaniya. Sinamaan ko lang siya ng tingin, umaasang hindi iyon nakita ni Winston. Nagpaalam din si Winston sa kaniya bago kami lumabas ng bahay.

"Hindi ka ba talaga naghilod?"

Nanigas ako sa tabi niya habang tuloy-tuloy namang umaandar ang tricycle sa bako-bakong daan.

"Mukha ba akong walang hilod, ha?!" iritang tanong ko sabay irap.

Bahagya siyang natawa sa defensive na reaksiyon ko. Parang isang araw lang hindi naghilod, e! Mukha na ba akong dugyutin?! Magsasalita pa sana siya, pero inunahan ko na.

"Huwag mo akong aasarin ngayon, Winston Arcimedez, ha! May kasalanan ka pa sa akin kahapon!" Naghalukipkip ako at tumingin nang diretso sa harapan.

Tumawa na siya nang tuluyan. "Galit ka parin kasi pinagtanggol ko si Beatrice?"

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon