CHAPTER 14

100 11 105
                                    

Simula noon, kasabay na naming pumasok ni Winston sina Alasi at Greg. Hindi man bumalik kaagad ang sigla ng pagkakaibigan namin tulad ng dati, pero masasabi kong umuusad naman kami palayo sa mga hindi namin pagkakaintindihan.

Maayos na rin sila ni Johanna. Totoo ngang kailangan lang ni Johanna na makita at makausap si Alasi. Sinabi naman ni Alasi ang totoong dahilan kung bakit niya ginawa iyon. Naintindihan siya ni Johanna at agad na pinatawad. At pagkatapos pa nga ng sinserong pag-uusap nila ay ni-bash nila si Tomas nang wagas.

Nakokonsensiya pa rin ako sa mga nasabi at naisip ko tungkol kay Alasi. Oo, mali ang pagpayag niya sa gusto ni Tomas, pero mali ring pinag-isipan ko siya ng kung ano-ano.

At tulad ng sabi ni Winston, sabay-sabay nga kami kapag gumagawa ng school works, maliban na lang kung may group projects ang isa sa amin. Ngayon, papunta kami sa practice ng banda nina Greg. May sorpresa raw kasi sila at kailangang naroon kami.

"Ikaw 'yong girlfriend ni Greg!" Tinuro ako ng lalaking tumutugtog ng keyboard. Umiinom ito ng tubig noong pumasok kami.

Napalingon naman sa akin ang lahat. Agad akong tumingin kay Winston na tila gulong-gulo sa mga nangyayari. Maski si Greg ay nagulat sa sinabi ng kabanda niya. Napahinto ito sa kalagitnaan ng pagtotono niya ng gitara. Habang si Alasi naman ay gusto nang humalakhak.

"Hindi niya nga ako girlfriend!" inis kong sigaw.

"Oo nga, Kuya Nik! Kaibigan ko lang talaga 'yang si Ayana," sabi rin ni Greg. "Kaibigan ko silang lahat, okay?" dagdag pa nito na para bang nagpapaliwanag.

"Kahit 'yong isa?" Tinuro ng may hawak ng electric guitar si Alasi.

Tumaas ang isang kilay niya. "Mukha bang papatulan ko si Greg? Hello? Mukha bang mababa ang standard ko pagdating sa lalaki?"

Natawa silang lahat dahil sa katarayan ni Alasi. Ngunit napangiti lang ako. Napangiti ako kasi unti-unti nang bumabalik ang Alasi na kilala ko. Ang Alasi na muntik ko nang mapakawalan.

Pagkatapos ng kaunting asaran, umupo kami sa puting monoblocs sa harapan nila. Para kunwari ay audience talaga kami. Pinapagitnaan ako nina Alasi at Winston. At habang naghihintay na magsimula sila, biglang bumukas ang pintuan.

"Sorry, late! Kakatapos lang ng shift ko, e."

Nalaglag ang panga namin nang makita si Wren. Hinihingal siya. Saglit siyang tumingin sa amin at ngumiti. Mukhang alam niyang pupunta kami rito ngayon dahil hindi siya nagulat sa amin.

"Iyan 'yong pinapagandahan mo, 'di ba?" sabi ni Alasi sa tainga ko. Ngunit tinakpan ko agad ang bibig niya dahil may kalakasan pa rin ang kaniyang boses.

Baka marinig ni Winston at kung ano ang isipin!

Hindi ko na siya nasagot dahil biglang nagsalita si Greg. Nakaakbay ito kay Wren. "Siya ang surprise!" proud na wika nito sabay turo kay Wren gamit ang isa niya pang kamay. Parang tanga namang pumalakpak ang dalawa niyang kabanda.

"Bakit siya kasali?" naguguluhang tanong ko.

"Naisip kasi naming mas maganda kung magdagdag kami ng isa pang miyembro para mag-drums. Tapos eksakto namang kumakain kami no'n sa pinagtatrabahuan niya at nakita namin siya."

"Hindi niyo man lang pinag-audition?" hindi makapaniwalang tanong ni Alasi.

Oo nga naman. Kinuha lang nila dahil nakita nila habang nag-uusap tungkol sa pagdagdag ng miyembro? Paano kung hindi pala marunong tumugtog ng drums si Wren? Isang linggo na lang at magaganap na ang contest.

Sa araw iyon ng Valentine's day. May pasok kami dahil Biyernes iyon. Pero dahil gabi naman ang oras ng patimpalak ay makapapanood pa rin kami. Malapit lang din iyon sa school kaya siguradong marami sa mga schoolmates namin ang manonood. Sikat si Greg, e, kaya panonoorin talaga siya ng mga nakakilala sa kaniya.

ONLY THE BRAVEST HEARTS (THE HEARTS 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon