Nagpatuloy si Lookkaew sa kanyang pagsasaya. Habang patuloy din sa pamamayagpag ang kanyang karera. Mas dumami pa ang kanyang mga Panatiko, ngunit kasabay nito ang paglaki ng kanyang ulo. Naging palalo siya, mayabang, sobrang hambog, at ubod ang taas ng tingin sa sarili. Hindi na lamang ang kanyang pamilya ang kanyang initsapwera niya. Maging si Jenny at iba pa niyang mga kaibigan ay tinalikudan na niya rin. Pinagbintangan pa nga nito na naiiggit daw sa kanya si Jenny, kaya madalas siyang pagsabihan at pakialamanan. Maging ang Manager nito na si Mama Schene ay napapagsalitaan na rin nito, na kesyo sa laki ng kita nito sa kanya ay marapat lamang na ituring siya ng espesyal palagi.
Ngunit may hindi alam si Lookkaew. Hindi nito alam na ang Ama ay may malubhang karamdaman. Nang araw kasi na lumayas si Lookkaew ng kanilang tahanan ay inatake sa puso ang ang Patriarko ng pamilya Sangsubsin. Hindi kasi kagaya ng ibang pamilya na kapag nagkakaroon ng suliranin ay ang Ina ang madalas at higit na naaapektuhan, sa mga Sangsubsin ay hindi. Mahina kasi ang puso ni Ginoong Lucio Sangsubsin, at isa pa ay paboritong anak nito si Lookkaew. Prinsesa ang turing niya dito noong iyon nga ay bata pa. Sunod din niyang palagi lahat ng naisin nito. Palagi rin niya itong kinakampahihan at ipinagtatangol kahit pa nga alam naman niyang si Lookkaew ang may kasalanan. Kaya nga hindi na siya nagtaka ng lumaking suwail at walang respeto ang kanyang paboritong anak dahil siya rin naman ang may kasalanan. At dahil nga sa pagkakasakit ng Ginoo ay napabayaan nito ang kanilang negosyo na tanging source of income nila. Hindi na din ito nagawang isalba ng kahit ng iba pa niyang mga anak. Sapat lang din naman kasi ang kinikita ng iba nitong mga anak para sa mga pang gastos sa sarili. Kaya hindi nila mapaghanapan. Pag nag abot, ay salamat. Kung wala ay wala talagang magagawa. Naibenta na din nila ang kanilang dalawang sasakyan, pati ang bahay na minana pa ni Ginoong Lucio sa kanyang mga magulang. Nakikitira na lamang sila sa apartment ng anak nilang panganay na si Charlotte. Kahit paano naman ay naiiraos nila nila ang kanilang pang araw-araw, ngunit lubhang naaawa ang Ginang sa kanyang kabiyak na nasasala sa pag inom ng gamot, dahil sa kadalasan ay hindi kumakasya ang kanilang pera para mabili ang kumpleto nitong gamot na tunay namang may kamahalan. Kaya naman kahit nagdadalang hiya siyang lumapit sa Artistang anak ay kakapalan na niya ang kanyang mukha.
Maaga pa lamang ay nagtungo na siya sa istasyon na may hawak sa kanyang anak. Matiyaga siyang naghintay doon, kahit pa nga hindi naman siya sigurado kung pupunta ba si Kamollak o mas kilala sa pangalang Lookkaew doon ng araw na iyon. Mataas na ang araw ay hindi pa rin niya nakikita ang anak. Kaya naman naisipan na niyang magtanong sa mga Gwardya na nandoon.
"Mga Ginoo, may itatanong lamang sana ako." Agad niyang bungad ng makalapit sa mga ito.
"Ano iyon?" Maaskad na tanong ng Gwardya na nakausli ang tiyan.
"Itatanong ko lamang sana kung may iskedyul ba kaya ng pagpunta ngayon dito sa studio si Lookkaew Kamollak." Napaamang ang Ginang ng magtinginan at saka nagtawanan ang tatlong Gwardya. "May katawa-tawa ba sa aking katanungan mga Ginoo?"
"Misis, Gwardya lang ho kami dito, kaya't anong malay ba namin sa mga iskedyul ng mga Artista! At kung kayo ho ay fan ni Miss LK, ay maghintay na lamang kayo doon sa labas dahil nakakaabala lamang kayo." May kabastusang sabi ng pinakamatanda sa tatlo. "Suarez, ihatid mo nga ang matandang ito doon sa labas. Masasabon na naman tayo ni Boss pag nakita yan e." Baling pa nito sa pinakabata.
"Halina po kayo dito, Nay." Inakay na nga siya ng Gwardya palabas kayat wala na din siyang nagawa pa.
Pasado alasdos na ng hapon ng sipatin niya ang oras sa kanyang may kalumaan ng relo. Kaya naman pala bahagya na siyang nakakaramdam ng hilo. Kape lang naman kasi ang nailaman niya sa kanyang tiyan kaninang umaga at wala naman siyang extrang pera para makakain ng tanghalian. Sapat lamang ang pera niya pamasahe pabalik sa apartment ng anak niyang si Charlotte. Naupo na lamang siya sa lilom at ininom ang kaunting tubig na tira sa kanyang baon. Nang ibaba niya ang bote mula sa kanyang bibig ay tila siya nabuhayan ng loob, dahil natanawan niya ang sasakyan ng kanyang Asawa na siyang dala ni Kamol noong araw na ito ay umalis sa kanilang bahay. Agad siyang tumayo at nag umpisang lumapit dito. Ngunit hindi niya inakala na iyong may karamihang tao na kasabay niyang naghihintay ay tutungo din sa kanyang anak. Rumagasa ang mga ito at siya ay nasagi. Dahil na rin sa edad at gutom ay natumba siyang kaagad at tumama pa ang kanyang noo sa pader at iyon na ang huli niyang natatandaan.