Mas naging abala si Lookkaew ng mga sumunod na araw, dahil nga sa nalalapit niyang konsyerto. Kaya nawala na sa isip niya ang may sakit niyang Ama. Nag umpisa na din ang kanyang Provincial Tour at dito niya ata nakuha ang kanyang obsess fan. Nang minsan siyang nag mini concert sa isang covered court sa Batangas ay dito nag umpisa ang lahat.
Sa kalagitnaan ng kanyang pagkanta ay may biglang umakyat na lalaki sa stage at dinaluhong siya ng halik sa labi at dahil sa pagkabigla ng lahat ay wala agad nakakilos. Nang sa wakas ay may nakahuma din na myembro ng crowd control ay hinigit nito palayo sa kanya ang lalaki. Ngunit tila napakalakas nito at nagpumiglas, pilit pa rin siyang nilalapitan at dahil siguro sa sobrang takot at pagkabigla ay napako na lamang siya sa kanyang kinatatayuan.
Madami na ang nagtulong upang mailayo nga sa kanya ang lalaki na ngayon ay nagsisisigaw at patuloy pa ding nagwawala. Nakatingin lamang si Lookkaew sa mga umaawat sa lalaking patuloy na nagpupumiglas, kaya kitang-kita niya ng ito ay mahulog sa may kataasan ding entablado. Masama marahil ang bagsak nito dahil ng tingnan niya ito ay bali ang leeg, dilat pa ang mga matang tila nakatingin sa kanya. Kaya naman napasigaw siya ng malakas pagkatapos ay nagdilim na ang lahat sa kanya.
Nang balikan siya ng ulirat ay nasa isang pribadong silid na siya ng ospital.
"Mama Schene, anong nangyari doon sa lalaki kanina?" Iyon ang kaagad na tanong niya sa kanyang Manager. Kahit pa nga may idea naman na siya sa kung anong kinahinatnan ng taong iyon.
"LK, mas makakabuti kung alisin mo na lamang sa isip mo ang lalaking iyon, pati na ang mga nangyari kanina." Anito na hindi tumitingin sa kanya, sa halip ay may kung anong binubutingting ito sa ibabaw ng nagiisang lamesa doon.
"Patay na siya diba."
"Huwag na natin iyong pagusapan! Tatawag na lamang ako ng Doctor upang matingnan ka!" Iyon lamang at lumabas na nga ito ng kanyang silid.
Matapos siyang matingnan ng Doctor ay pinalabas na din kaagad siya ng araw din na iyon. Ngunit ang ipinagtataka niya ay kung bakit nasa ospital pa din siya. Nakatayo siya sa pasilyo na ang dulo ay morgue at parang may sariling isip ang kanyang mga paa na humakbang patungo doon at ng buksan niya ang pinto niyon ay sumigid sa kalamnan niyat buto ang lamig na galing sa silid. Dalawang bangkay lamang ang nandoon na natatakluban ng puting puti na kumot. Kaya hindi niya mawari kung ano ba ang kasarian ng mga iyon o kilala ba niya ang mga ito. Tatalikod na sana siya, ngunit napansin niya na tila unti-unting bumabangon ang mga ito at ang katakataka ay hindi man lang nalalaglag ang kumot ng mga ito, nanatiling nakasaklob iyon sa mga ito. Kahit ngayong nakaupo na ang mga ito ng tuwid sa ibabaw ng kaninang hinihigaan ng mga ito.
Hindi siya makagalaw o makasigaw. Ni hindi man lang nga niya maibuka ang kanyang bibig. Basta lamang nanlalaki ang mga mata niyang nakatingin sa dalawang bangkay na ngayon ay pababa na sa metal na higaan at tila palapit na sa kanya. Dahan dahan ang paglapit sa kanya ng mga ito at tila siguradong sigurado kung saan ang kanyang kinatatayuan, kahit pa nga may saklob pa ding kumot ang mga ito at ng tuluyan na ngang makalapit sa kanya ang mga ito ay sabay siyang sinakal. Kasabay din niyon ang pagkakatanggal ng saklob ng mga ito at nasindak siya ng makita niyang bangkay ng lalaki kanina ang isa sa mga iyon. Ngunit pagkagimbal ang sumakanya ng makilala niya ang isa pang bangkay na ngayon ay sumasakal din sa kanya, ang kanyang Papa.
Hinihingal siyang napabalikwas at naipagpasalamat niyang panaginip lamang iyon, pero napaigtad siya sa gulat ng may kumalampag sa bintana na nasa gilid niya. Nang kanya iyong mamukhaan ay agad niyang binuksan ang pinto at bumaba ng sasakyan.
"Ano na naman ang ginagawa mo dito!? Ubos na ba ang perang binigay ko sa -" Hindi niya natapos ang kanyang sasabihin ng matulig siya sa malakas na sampal na ibinigay sa kanya ng kanyang Mama.