Hustisya
Mila,
Hindi ko alam kung saan sisimulan at kung paano ko nga ba gagawin magaan ang lahat para sa'yo. Siguro kung nababasa mo man ito ngayon... marahil ay umiiyak ka, tama ba 'ko? Pero ayaw kong umiyak ka. Kaya tahan na, Mila.
Tahan na... magiging magaan din ang lahat pagkatapos nito. Pinapangako ko iyan. Tutuldukan ko ang sakit na paulit-ulit kong binibigay sa'yo.
Sa lumipas na maraming taon hindi ako tumigil mahalin ka, Mila. Wala akong ibang babaeng minahal at gustong mahalin, kung hindi ikaw at ikaw lang. Marahil ay nagtataka ka kung saan ko nakuha ang sakit na 'to? At siguro may parte sa'yo na pinandidirihan na ako, pero okay lang.
Naiintindihan ko, Mila.
Siguro ay karma ko na rin ito. Dahil anak ako ng lalakeng gumahasa at bumaboy sa'yo. Anak ako ng isang kriminal... anak ako ng lalakeng nagpahirap at nagpasakit sa'yo.
Kaya, tama lang siguro nangyari sakin ang lahat nang 'to.
Pero, alam mo ba, Mila? Mas pipiliin kong ako na lang ang magdusa, kesa makita kang paulit-ulit sinasaktan at pinapahirapan ang sarili mo. Mas gugustuhin ko pa ang bagay na 'yon... mas panatag pa ako sa ganun sitwasyon, kesa ikaw ang nasa kalagayan ko.
Kung pwede ko lang saluhin at akuin lahat ng pagod at sakit na nararamdaman mo, Mila... gagawin ko. Gagawin ko nang walang pag aalinlangan.
Dahil mahal kita... mahal na mahal kita, Mila.
Sa mga taon na malayo tayo sa isa't isa hindi ako tumigil mahalin ka. Nagsumikap ako, Mila. Pero kahit anong gawin ko, ayaw ka niya talagang ibigay sa'kin.
Nang mamatay ang kapatid kong si Isabel, lahat ng klase ng trabaho pinasok ko para makapagtapos ng Sikolohiya. Dahil gusto kong tulungan ka. Gusto kong gumaling ka.
Nakakahiya man sabihin, pero pati ang pagiging macho dancer ay pinasok ko para lang makaahon sa hirap at makapagtapos ng pag aaral. Dumating din ako sa punto, Mila, na pati ang atay ko kailangan kong ibenta.
Pero okay lang sakin. Lahat ng sakit na dinanas ko ay kulang na kulang pa sa mga dinanas mo sa kamay ng aking sariling ama, kaya kahit mahirap, Mila... kahit kailanman hindi ko gustong iwanan at talikuran ka, ginawa ko. Ginawa ko ang bagay na 'yon, para sa'yo, Mila... para sa ikabubuti mo.
Dahil alam kong hanggang nandyan ako sa tabi mo, paulit-ulit mo lang maaalala ang nakaraan pilit mong tinatakbuhan.
Nagsumikap ako, Mila. Walang gabi hindi ako nakiusap sa kanya na ibigay ka na niya sakin... na hayaan na niya akong mahalin ka, pero wala... ayaw niya talaga.
Ayaw ka niya talagang ibigay sa'kin, siguro kasi mas may higit pang nakalaan para sa'yo.
At hindi ako yon.
Mila, salamat... salamat kasi minahal mo ko. Sa'yo ko lang naramdaman ang pag-ibig... na ang saya palang magmahal at mahalin. Sa maraming taon na nabubuhay ako sa mundo, ikaw lang ang yumakap sa akin. Na sa tinagal na puro pang aalipusta ang aking natamo sa mundong 'to, sa wakas nakahanap na rin ako ng babaeng nagmamahal sakin,
At sorry din... dahil hindi ako yung Sylas na akala mo ako. Sorry kasi nagsinungaling ako sa inyong lahat... lalong-lalo na sa'yo.
Mahirap lang ako, Mila. Sa madaling salita nagpapanggap lang akong mayaman kagaya ninyo.
Nakikibagay sa mundo niyo, pero kahit anong gawin ko sadyang malayong-malayo talaga ang mundong kinagisnan ko sa inyo.
Hanggang dito na lang siguro.