Disowned
''Mila, okay ka na ba dyan sa counter?'' tanong ng manager sa akin.
''Okay na po ko rito, Sir. John. Salamat po.'' banayad kong sagot.
Maya-maya lang ay pumasok ang isang grupo ng kalalakihan. Kahit medyo marami ang tao ngayon at nasa entrance pa lang ang grupo nila ay naririnig mo na agad ang tawanan at asaran nila. Bumalik ang tingin ko sa ale sa harap ko. Matamis akong ngumiti rito bago ako tuluyang nagsalita.
''Jolly evening po! Ano pong order nila?'' hindi agad nakasagot sa akin ang ale. Siguro ay namimili pa siya kung ano ang kanyang oorderin. Bumalik ulit ang mga mata ko sa entrance nang marinig ang familiar na boses.
''Uy! Libre raw ni captain!''
''Ulul! Pakyu!''
''Sabi ko naman kasi sa'yo, Milo. Sa ibang fast food na lang tayo at masyadong mara—'' naputol kung ano man ang sasabihin nito nang magtagpo ang tingin naming dalawa.
Bigla itong umakbay sa lalaking kausap niya. ''Sabi ko naman sa'yo, Milo! Talagang masarap dito sa Jollibee! Dapat talaga natin tangkilikin ang sariling atin! Mukhang mapapadami ang order ko dahil paborito ko talaga itong Jollibee!''
''Wala yan sa akin kahit abutin pa hanggang labas ang pila! Talagang pipila ako!''
''Kasi maganda ang nasa counter?'' putol sa kaniya ng kausap niya.
Ngayon ko lang napagtantong mga basketball player ng unibersidad namin sila. Puwesto ang kanilang grupo sa hindi kalayuan sa counter... tanging ang lalaki lang kanina ang tumayo para pumila. Marahil siya na lang ang oorder para sa kanilang lahat at kung tama ang narinig ko kanina ay team captain siya ng kanilang team. Bumalik ang tingin ko sa harap nang magsalita ang ale sa harap ko.
''Ah, ineng. Isang burger steak nga... tapos samahan mo na rin ng spaghetti at fries, pati na rin ng dalawang sundae. Paborito kasi yon ng mga apo ko.''
Tinipa ko sa machine ang kanyang order. ''Ala carte po o may kasama pong drinks?''
''Sprite na lang, ineng.''
''318 po lahat.''
Nilabas nito ang kaniyang pitaka. ''Ang mahal-mahal na talaga ng bilihin ngayon, ano?''
''Oo nga po, kawawa po ang mga kapuspalad... dahil sila po ang siguradong unang maapektuhan sa pagtaas ng mga bilihin natn... kung sa atin po ay marahil wala lang itong inflation, pero para po sa kanila grabe po ang epekto non. Biruin niyo po ang iba sa atin ay kumakayod ng halos labing-dalawang oras para lang po sa kakapiranggot na kita... lalong-lalo na po ang ating mga magsasaka na halos magkanda-kuba na po sa pag aararo ng mga palay, pero kahit kailan hindi naman po nabigyan ng mataas na sahod.''
''Tama ka dyan, ineng... kaya ikaw pagbutihin mo ang pag aaral mo nang sa ganun ay maging maayos ang buhay mo.''
Tumango na lamang ako... pero sa isip-isip ko ay kahit siguro magsumikap ako sa pag aaral at pagtatrabaho hindi pa rin ako giginhawa kung gahaman at sakim ang mga nakaupo sa gobyerno.
Inabot niya sa akin ang limang daang piso... na agad ko rin naman sinuklian. Muli akong ngumiti sa kaniya at agad kinuha ang kanyang order. Nang makumpleto ko ang kanyang order ay inabot ko ang resibo sa kaniya.
''Thank you po, enjoy your dinner po!''
Matamis ulit akong ngumiti sa kasunod. ''Jolly evening po! Ano pong order nila?''
Agad ko rin naman natutunan ang trabaho rito sa counter. Hindi rin naman kasi mahirap... siguro nakakapagod lang dahil iba't ibang klase ng tao ang palagi mong masasamuha sa araw-araw at idagdag mo pang palagi kang nakatayo. Palagi ka rin dapat nakangiti at approachable ka rin dapat sa lahat... hindi ka pwedeng mag sungit... kahit na pagod ka man o ngalay na... dapat palagi ka pa rin nakangiti.