Chapter 14

7K 250 32
                                    

Kagabi ay hindi na naman naging maganda ang tulog ko, dahil narinig ko na namang kumanta si Pio sa labas ng kaniyang apartment. Pakiramdam ko talaga ay gusto niya nang makipag-ayos sa 'kin, pero nahihiya lang siya. Gano'n din naman ako. Kaya nag-isip ako ng paraan para maramdaman niya na humihingi ako ng tawad sa lahat ng maling nasabi ko sa kaniya. Pero siyempre, gusto ko pa rin lagyan ng boundaries. Mukhang hindi pa rin kasi siya nakaka-move on kay Mona. At wala naman akong intensyon na pumagitna sa kanilang dalawa. Gusto ko lang talagang mawala ang bigat na nararamdaman ko.

At isa pa sa mga dahilan kung bakit hindi ako nakatulog nang maayos ay dahil sa nangyari sa 'min ni Jonas kahapon, nang muntik na akong masagasaan ng puting van. Kung hindi niya ako sinagip, malamang ay pilay na ako ngayon. O tigok. Ang tulin magpatakbo no'ng driver na 'yon, tapos ang lakas ng loob niyang sigaw-sigawan ako? Sa bagay, may mali rin naman ako dahil lumagpas na ako sa kalsada. Pero buti na lang talaga at niligtas ako ni Jonas.

Nang dumating ang lunchtime sa school ay sa karinderya sa labas na namin naisipang kumain ni Jonas. Naumay na kasi kami sa mga pagkain sa canteen. Malamig na nga ang kanin at ulam, ang mahal pa ng presyo. Tubong lugaw na nga, masungit pa ang bantay kapag naiistorbo ito sa pagbabasa ng pocketbook. Pagkatapos kumain ay naglakad na kami ni Jonas sa kanto pabalik sa J.A.M.A.. Pero sa puntong ito ay siya na 'yong pumuwesto sa tabi ng kalsada habang nakaakbay sa akin. Gusto niya yatang masiguro na hindi ulit mangyayari 'yong nangyari kahapon.

"Sarap ng pagkain do'n ah. Nabusog ako." Hinimas-himas niya pabilog ang kaniyang tiyan. Ngumiti siya sa 'kin. "Nabusog ka rin?"

"Oo, sarap nga." Tipid din akong ngumiti sa kaniya. "Masarap 'yong Bicol Express."

Paminsan-minsan ay hindi rin pala masamang kumain ng ibang pagkain bukod sa siomai rice.

"Parang kailangan ng panulak," sabi niya.

"Itulak kita," biro ko naman.

Ang corny ko. Hindi siya natawa.

"Gusto mo ba?" seryoso niyang tanong.

"Ang alin?" sambit ko. "Itulak ka?"

Mas lalong naging corny.

"Hindi... I mean, gusto mo ba?" Sandali siyang natahimik habang nakatingin sa akin. At maya-maya pa ay nagpatuloy siya. "BJ MOKO?"

"H-Ha?" Natigilan ako.

Hindi ko alam kung nagkamali lang ba ako ng dinig dahil malabong manggaling sa malinis na bibig ni Jonas ang ganito kabulgar na salita. Hindi ito ang Jonas na lagpas isang linggo ko nang kausap. Hindi ako makapaniwala. Baka ay sumapi ang espiritu ng kalibugan ni Pio sa kaniya?

"H-Hindi... I mean..." may balisa niyang sabi. Pagkatapos ay may tinuro ang kaniyang nguso lagpas sa akin. "'Yon oh."

At nang lumingon ako sa 'king kanan ay tumambad sa 'kin kung ano 'yong tinutukoy niya. Saka ako nakahinga nang maluwag. 'Tang ina, 'yong buko juice stand lang pala ang tinutukoy niya. BJ MOKO kasi ang eksaktong pangalan nito. Ewan ko ba kung bakit palaging abnormal ang pangalan ng mga shop na nakikita ko. Natatandaan ko pa ito dahil dito ako bumili ng jumbo buko juice noon na binigay ko kay Pio. Na siyang nagpasakit sa kaniyang tiyan. Na siyang naging dahilan para pag-isipan ko siya nang masama. Para pag-isipan nang masama 'yong matandang bading sa tailoring shop. At para pag-isipan nang masama sina Sweety at ang mga baklang kasamahan nito sa R&R Salon.

Agad na nanumbalik ang magandang imahe ni Jonas sa 'kin. Sabi na eh, hinding-hindi siya magsasabi ng gano'ng klaseng salita. "A-Ah... Akala ko..." Napakamot ako sa sintido.

"Akala mo alin?" Inipit niya ang kaniyang mga labi. Pero kita ko pa rin ang nakakubli niyang ngiti.

"Ah, wala..." Umiwas ako ng tingin papunta sa 'king kanan. Inipit din ang aking mga labi. Saka nagyaya. "Tara, buko juice?"

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon