Chapter 67

2.9K 166 78
                                    

Trigger Warning: Injustice, Gender Inequality, Explicit Descriptions, Mentions of Rape

This chapter contains explicit descriptions and themes of injustice and gender inequality that may be distressing or upsetting to readers. It references Republic Act No. 8353 (the Anti-Rape Law) to provide context and a legal framework. Reader discretion is advised.

────────────

Sinubukan naming ipaglaban si Pio hanggang dulo—ako kasama ang mga magulang niya. Sa huli, kami pa ang dehado.

Hindi patas ang batas.

Walang hustisya sa Pilipinas pagdating sa mga lalakeng biktima ng panggagahasa ng mga babae.

Para makasampa ng kasong Rape through Sexual Assault, kailangan ay mayroong ari ng isang lalake na ipinasok sa bibig o bagay na ipinasok sa puwet ng biktima sa kahit anong kasarian—maaaring ari ng isang lalake o kahit anong klase ng instrumento—nang walang pahintulot nito. Pero malinaw naman na hindi ito magagamit ni Pio laban kay Mona. Hindi naman tumatanggap si Pio. Maging sa relasyon namin, ganoon ang posisyon niya.

Tanging mga babae lamang ang maaaring makasampa ng kasong Rape through Sexual Intercourse laban sa mga lalake. At ang mas masalimuot na katotohanan, hindi pantay ang parusa pagdating sa dalawa. Kapag lalake ang nagawan ng kasalanan, maaari lamang mabilanggo ang nagkasala ng anim hanggang labindalawang taon. Kapag babae naman ang nagawan ng kasalanan, maaaring mabilanggo ang nagkasala ng dalawampu hanggang apatnapung taon.

Ang batas din mismo ang ginamit ng pamilya Ramirez laban sa pamilya McMiller.

Pinanindigan ni Mona na lasing din siya noong gabing iyon. At sa sobrang kagustuhan na magkabalikan sila ni Pio, pumunta siya sa apartment nito para humingi ng kapatawaran. Hanggang sa nangyari daw ang hindi inaasahan.

Isang malaking kasinungalingan.

Bilang nag-iisang anak na babae, handang gawin nina Captain Ramirez at ng misis nito ang lahat para mapanagutan ang nangyari kay Mona. Kung hindi, si Pio pa ang makakasuhan ng rape. Nakahanda na ang mga ebidensya laban kay Pio. Maraming ebidensya. Mula sa records ng pagiging delingkuwente niya hanggang sa pagiging babaero. At higit sa lahat, sa pagpupumilit niya na may mangyari sa kanila ni Mona nang sila pang dalawa.

May kopya pa si Mona ng text messages ni Pio noon bilang patunay. At sa pagkakatanda ko, naikuwento rin sa akin ni Mona noon kung paano laging tinatawag ng laman si Pio. Nakahanda ring magbigay ng testimonya ang mga babae sa campus na minsang pumunta sa apartment ni Pio, kung paanong agresibo siya noon kapag nakikipagtalik. At bilang kapitbahay ni Pio, ako pa ang itinuturong saksi ng mga ito.

Ako pa mismo ang ginagamit nila laban kay Pio, at ito ang hindi ko matanggap. 'Tang ina, alam ko kung ano si Pio noon! Pero sobrang layo niya na ngayon sa dati niyang pagkatao! Alam ba nila ang mga karanasan ni Pio? Kung bakit siya naging ganoon? Hindi! Kaya sino ba sila para husgahan si Pio? Wala silang alam!

Sinisisi ni Pio ang sarili niya sa nangyari.

Ang sabi niya, marahil ay ito na raw ang parusa sa lahat ng mga nagawa niyang kasalanan noon. Sa tangka niyang gawan ako ng masama noong unang gabing naligaw siya sa apartment ko. Sa paggamit niya ng puwersa sa lahat ng mga babaeng pinaglaruan niya. At sa pamimilit niya na may mangyari sa kanila ni Mona noon.

Ang sabi ko, kung ano siya noon, hindi iyon dahilan para sapitin niya ang nangyari sa kaniya ngayon. Na wala siyang kasalanan. Na hindi niya dapat sisihin ang sarili niya sa nangyari. At walang sinuman ang dapat magkaroon ng ganoong klase ng karanasan dahil hindi iyon tama at hindi makatao.

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon