Chapter 59

2.7K 127 10
                                    

Masyadong malawak at malalim ang dagat. Lahat ng bagay na lumulubog, hindi na nakikita, liban na lang kung kusang lulutang. Kaya't umasa akong lulutang siya sa tubig at magpapakita. Pero hindi niya ginawa.

Sa kabila ng lahat, ayoko pa rin maniwalang basta-basta na lang siya lilisan nang walang paalam. Masyado pang maaga. Baka ay nagkakamali lang ako ng akala. Kilala ko siya. Hindi niya ako iiwan. Hindi sa ganitong paraan.

Pinunasan ko ang mga mata ko. Hinubad ko ang suot kong mga tsinelas katabi ng kaniya. Sabay hingang malalim. Kahit gaano pa kalawak o kalalim ang dagat, hindi ako titigil hangga't hindi ko siya nahahanap.

Una kong nilusong ang mga paa ko sa unang baitang ng seawall na pahagdan ang disenyo. Kahit tirik ang araw, ramdam ko ang lamig ng tubig sa 'king mga paa. Bumaba pa ako sa ikalawa. Ikatlo. Ikaapat. Pagdating sa ika-anim, tuluyan nang lumubog ang buo kong katawan.

Niyakap ako ng lamig. At kahit mahapdi na ang mga mata ko gawa ng pagluha, mas lalong humapdi ang mga ito nang imulat ko sa ilalim ng dagat. Malabo pa ang paningin ko sa umpisa.

Pio, asan ka ba?

Sandali akong pumikit at dire-diretsong lumangoy, hanggang sa wala nang maapakan ang mga paa ko. Nang maramdamang medyo malayo na ang narating ko, huminto ako at muling nagmulat ng mga mata. Hindi nagtagal, naging malinaw sa 'kin ang lahat.

Ang asul na tubig. Ang liwanag ng araw na bumubuhos sa ilalim. Ang lahat ng buhay sa paligid: mga damong-dagat na sumasayaw sa daloy ng tubig, mga mumunting isda na malayang lumalangoy, at isang lalake sa hindi kalayuan, nakalubog ang katawan sa pinaka-ilalim, nakapikit ang mga mata, ang mga braso ay nakayakap sa mga binti, ang mga bula ay tumatakas mula sa ilong at nakasarang bibig.

Pio!

Muntik ko nang makalimutan kung nasaan ako at tinangka kong sumigaw. Nakalunok tuloy ako ng kaunting tubig. Kahit parang kakapusin na sa hininga, hindi pa rin ako umahon. Papikit-pikit ang mga mata kong nananakit habang lumalangoy ako patungo sa kaniya.

Nang makalapit, nakita ko ang kapayapaan sa mukha niya. Parang natutulog lang siya. Nagpapahinga. Kahit may kaba sa dibdib, pinilit kong maging kalmado. Hindi lang siya gumagalaw, pero humihinga pa siya. Hindi siya tumitigil sa paghinga. Hindi niya ako iniwan. Hindi pa siya lumisan.

Tumigil ako sa paglangoy at hinayaan ang katawan kong lumubog. Nang magpantay ang mga mukha namin, hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi. Marahang bumukas ang mapupungay niyang mga mata. Sa sobrang saya na malamang walang masamang nangyari sa kaniya, pinaglapat ko ang mga labi naming dalawa.

Binigay ko sa kaniya ang natitira kong hininga.

Unti-unti, kusang natatanggal ang mga braso niya sa kaniyang mga binti.

Unti-unti, hinawakan niya rin ako sa magkabilang pisngi.

Unti-unti, gumalaw ang kaniyang mga labi.

Binigay niya rin sa 'kin ang natitira niyang hininga.

Ako. Siya. Ang dagat.

Naging iisa ang lahat.

Nang makaahon kami sa tabi ng seawall, hindi ako matigil sa pagsinghap. Tuyong-tuyo ang lalamunan ko at mahapdi ang mga mata. Nasobrahan din sa pamumutla ang balat ko at naging kulubot na ang mga palad. Habang nakatayo nang harapan, hindi ko maalis ang aking tingin sa mga tsinelas na ngayon ay suot-suot na niya.

"Pio, alam mo ba kung ga'no ako natakot sa ginawa mo?" nanghihina kong sambit habang yakap-yakap ang sarili. Sa pag-ihip ng hangin, mas lalo akong nilamig.

"I'm sorry," tipid niyang sambit.

"Pio, akala ko wala ka na!" Umiling ako papunta sa direksyon ng dagat, hindi mapigilang humikbi. "Akala ko tuluyan mo na 'kong iniwan!"

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon