Chapter 33

3.6K 156 65
                                    

Sigurado akong magkasintahan ang dalawang dalaga sa litrato. Magkatinginan sila sa isa't isa at parehong may ngiti sa labi.

Ang dalaga sa kaliwa ay ibang-iba na sa kasalukuyan nitong itsura. Dati ay sobrang kinis ng mukha nitong morena, ang buhok ay itim na itim at abot hanggang balikat ang haba, ang mata ay puno ng buhay. Kung hindi nga lang dahil sa nunal malapit sa bibig ay hindi ko makikilala na ito si Manang Lucy. Sobrang layo na kasi sa kasalukuyan. Kulubot na ang mukha ni Manang Lucy ngayon, namumuti na ang mga buhok na mahaba at laging nakatali, ang mata ay parang laging puno ng lumbay—na para bang mayroon itong malungkot na nakaraan.

At sino kaya itong dalaga sa kanang bahagi ng litrato? Maputi, matangos ang ilong, ang labi ay mapula, at maalon ang buhok. Mukhang yayamanin dahil may alahas sa leeg at mas magara ang kasuotan kaysa kay Manang Lucy. Ni kahit isang beses ay hindi ko pa nakikitang may dumalaw kay Manang Lucy na may hawig sa babaeng 'to.

Kaya ba tumandang dalaga si Manang Lucy dahil sa kapwa babae ito nahuhumaling?

Anong nagyari sa kaniya at nag-iisa siya ngayon?

Anong nangyari sa kanilang dalawa?

Anong maaaring mangyari sa 'min ni Pio para matulad kami sa kanila?

Kahit sobrang dami ng mga katanungan sa 'king isipan ay sandali ko na munang winaglit ang mga ito. Naglakad ako palapit kay Manang Lucy na nasa tapat na ng Room 105 ngayon. Tumikhim ako bago magsalita. "Um, Manang Lucy..."

Natigil siya sa pagwawalis at napatingin sa 'kin habang nakayuko. "Hmm?"

"S-Sa inyo po ba 'to?" tanong ko kahit halata naman. Itinaas ko ang litrato. "Napulot ko po sa sahig."

Nang ipasok niya ang kaniyang kaliwang kamay sa bulsa ng kaniyang duster ay nanlaki ang mga mata niya. Marahil ay napagtanto niyang nahulog niya ang bagay na lubhang mahalaga sa kaniya. May panginginig-kamay niyang hinawakan ang litratong hawak ko. Nang makita ang nilalaman ng litrato ay tuluyan niya na itong kinuha mula sa 'kin. "S-Sa 'kin nga." May pagkailang siyang ngumiti. Pagkatapos ay agad niyang isinilid sa kaniyang bulsa ang litrato. "S-Salamat, Aaron." Hindi siya makatingin nang diretso sa 'kin.

Tipid lang akong ngumiti at tumango bilang tugon.

"Boss Aaron!" boses ni Pio. Paglingon ko sa kabilang dulo ng pasilyo ay nakita ko itong may hawak na dalawang helmet sa magkabilang kamay. "Tara na!"

Ibinalik ko ang aking tingin kay Manang Lucy at nagpaalam na ako. "Um, papasok na po kami."

"Sige, Aaron. Ingat kayo ah," ani Manang Lucy.

"Salamat po."

Sinundan ako ng tingin ni Manang Lucy habang mabilis akong naglalakad papunta sa direksyon ni Pio. Nang makarating na ako kay Pio ay sumaglit ako ng tingin kay Manang Lucy. Nagkatitigan kami sa isa't isa. Tila nakikita niya ang sarili niya sa 'kin noon. Ako naman ay hindi makita ang sarili sa kaniya.

Kung ano man ang nangyari sa kaniya noon, sisiguraduhin kong hindi mangyayari sa 'kin 'yon sa hinaharap.

Sa tapat ng motor ni Pio ay sandali kaming natigil.

"Helmet mo." Inabot niya sa 'kin ang isa sa mga hawak niyang helmets.

Kinuha ko ito mula sa kamay niya, kumunot ang noo. "O, bago?"

"Yes, boss," sagot niya habang isinusuot ang itim niyang helmet sa kaniyang ulo. "In-order ko 'yan no'ng 'di mo na 'ko pinapansin. Sabi ko, 'pag tayo nagkapansinan ulit, ihahatid-sundo na kita palagi." Ngumiti ang mga mata niya. "Ayos ba, boss?"

"Anong nangyari do'n sa pink—?"

"Tinapon ko na, boss," agad niyang sagot. "Ikaw na nagmamay-ari sa 'kin ngayon."

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon