Chapter 37

3K 139 36
                                    

Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Sa sobrang bilis, nakalimutan ko na kung paano huminga at kung paano magsalita. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin.

"Um," ito lang ang tanging salita na lumabas mula sa 'king bibig.

Hindi ko alam kung anong sunod na mangyayari. Parang tumigil ang oras sa pagitan naming tatlo. Sa dinami-rami kasi ng taong makakahuli sa 'min ay si Jonas pa talaga. At sa dinami-rami ng taong makikita niyang kahalikan ko ay si Pio pa. Parang kailan lang nang umiyak ako sa balikat niya dahil lubha akong nasaktan ng taong may hawak sa 'kin ngayon.

"S-Sorry," salitang hindi ko inaasahang lalabas mula sa bibig ni Jonas.

Yumuko siya. Unti-unti ring nabura ang ngiti sa kaniyang labi. Marahan siyang naglakad palapit sa 'min nang nakababa ang mukha at saka ibinigay ang wallet ko sa 'kin. Pagkatapos ng lahat ay wala na siyang iba pang sinabi. May pagkabalisa siyang lumabas ng restroom.

***

Sa canteen ay sabay pa rin naman kaming kumain ni Jonas. Pero hindi siya kumikibo. Walang kumikibo sa 'ming dalawa. Parang bumalik kami sa dati kung kailan nagkakailangan kami sa isa't isa. At wala akong ibang magawa.

Gano'n pa rin kami hanggang sa mga sumunod na subjects. Batid niya na siguro kung bakit may suot ako na singsing sa kamay. Sa kabila ng lahat ng nakita niya ay pinili niya pa ring manahimik. Hanggang sa mag-uwian.

Sabay kaming naglalakad sa corridor tulad ng nakasanayan. Nakakapanibago lang kasi hindi niya na ako inakbayan.

Sinubukan kong basagin ang katahimikan nang makarating kami sa gitnang corridor. Huminto ako sa paglalakad. "Ah, Jonas, 'yong... 'yong tungkol kanina—"

Huminto rin siya. "Kayo na?" tanong niya sa malumanay na boses. Malamlam ang mga mata niyang nakatingin sa 'kin.

Ibinaba ko ang aking mukha at huminga nang malalim. Wala na yatang saysay pa kung magsisinungaling ako dahil nakita niya na kami—alam niya nang may namamagitan sa 'min ni Pio. Nang muli kong iangat ang aking mukha ay maingat akong tumango-tango bilang sagot.

Kita ko ang paggalaw ng kaniyang labi, na parang sinisikap niyang huwag sumimangot. Sandali siyang yumuko at palipat-lipat ng tingin sa sahig sa pagitan namin at sa 'king sapatos. Umatras siya ng isang beses palayo sa 'kin. Nang iangat niya ang kaniyang mukha ay tumingin siya sa mga mata ko. Ang paraan kung paano siya tumingin sa 'kin ay hindi pa rin nagbabago. Sa huli ay nagawa niyang puwersahin ang kaniyang labi para magkaroon ng isang tipid na ngiti.

"Congrats," sambit niya. Hindi na siya makatingin nang diretso sa 'kin ngayon.

Tama bang sabihin ko ang salitang salamat? Bakit pakiramdam ko parang mas makakasakit ako kung ito ang sasabihin ko? At bakit kahit wala pa nga akong sinasabi ay parang nasasaktan na siya?

Paulit-ulit na tumataas-baba ang aking dibdib. "Um—"

"Wala akong pagsasabihan," sabi niya sa kawalan, "tungkol sa nangyari kanina."

Napalunok ako.

Tuloy niya, "Masaya ako para sa 'yo."

Ramdam ko ang bigat sa dibdib ng mga binitiwan niyang salita. Mas lalo tuloy akong hindi makaisip ng dapat kong isagot sa kaniya.

"S-Salamat," nasabi ko na ang salitang iniiwasan kong sabihin. Umiwas ako ng tingin at kumuha ng lakas ng loob para ipaalam sa kaniya ang isa pang bagay na alam kong mas masakit pakinggan, pero kailangan kong sabihin. "Nga pala"—hindi matigil sa paggalaw ang aking mga daliri—"hindi na ako sasabay sa 'yo pag-uwi."

Kita kong mas lalong nagiging mabilis ang pagkisap ng kaniyang mga mata. Paulit-ulit niyang pinagkikiskis ang kaniyang mga labi, at lumalalim din ang mga pinapakawalan niyang hininga. Hindi niya na yata kayang panghawakan pa ang kaniyang ngiti dahil unti-unti nang nagiging pantay ang kaniyang bibig. "Mm."

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon