Kinabukasan ay nagising ako nang may maramdaman akong parang tumutuka sa 'king bibig. Pagmulat ko ng aking mga mata ay nadiskubre ko na paulit-ulit palang idinadampi ng kayakap ko sa kama ang kaniyang labi sa 'king labi. Nang mapansin niyang gising na ako ay saka lang siya natigil.
"Good morning, Aaron," may ngiting bati niya sa 'kin.
Ang sarap palang gumising kapag ganitong mukha ang bubungad sa 'yo sa umaga—isang Pio na nakangiti, may band-aid sa kanang pisngi.
"Morning," may pagkaantok kong bati pabalik.
Himala, parang gumaan na ang pakiramdam ko ah. Hindi na nagliliyab ang mga mata ko at hindi na rin parang dinadaganan ang katawan ko. Tumalab ba ang gamot na ininom ko kahapon? O kaya ba ako gumaling dahil sa yakap niya? Alin sa dalawa?
"Musta? Masakit pa rin ba?" usisa niya.
Tumango-tango ako. "Mmm."
Wala na akong lagnat pero 'di pa rin maalis sa 'kin ang pananakit ng aking puwet. Sana naman ay gumaling na ako agad. Buti na lang at Sabado ngayon, walang pasok, kaya hindi ko pa poproblemahin ang paglalakad. At mabuti na lang, hindi pa rin humuhupa ang bagyo. Tulad kahapon ay maririnig pa rin ang malakas na ihip ng hangin sa may pasilyo maging ang malakas na tilamsik ng ulan sa nakasarang bintana sa gilid.
"Signal No. 2 pa rin ba?" tanong ko.
Sagot niya, "Nope, we're now down to 1."
"Ah," tipid kong sambit.
Inilapat niya ang likod ng kanyang kamay sa 'king noo at pinakiramdaman ito. "Hmm, wala ka nang lagnat?"
"Wala na yata," tugon ko.
"Great." Mas lalong lumapad ang ngiti niya. "Unli kiss ka sa 'kin ngayon."
Sa paglapit ng mukha niya sa 'kin ay agad ko namang inatras ang aking ulo. "Hoy, huwag." Tinakpan ko ang bibig ko.
"Why?" taka niya.
"M-Morning breath," may hiya kong sabi.
"I don't care." Hinalik-halikan niya ang likod ng kamay kong natakip sa 'king bibig. "Come on. Isa pa... Isa lang..."
Isa lang daw pero nakakailan na nga yata siya habang tulog ako kanina.
Umiling-iling ako. "Mm-mm..."
"Please?" Ngumuso siya. "Isa lang, boss."
Muli akong umiling-iling. "Mm..."
"Damot." Sumimangot siya na parang bata. "Sige na nga."
Dahil tila natigil na siya ay tinanggal ko na ang takip sa 'king bibig. Sa sobrang kampante ko ay hindi ako nakapaghanda nang mabilisan niya akong ninakawan ng halik. Pag-alis niya ng kaniyang labi sa 'kin ay sinabi niyang "One point."
"H-Hoy." Kay aga-aga, pinapainit niya agad ang pisngi ko. "Ikaw ah. Pang-ilang foul mo na 'yan."
"Sorry, ref. 'Di na mauulit." Ngayon naman ay ngumiti siya. "Gutom ka na?"
Tumango-tango ako.
"Sige, lutuan na kita."
Agad ko siyang pinigilan sa pagtayo. "Ah, ano... ako na... ako na magluluto..." Pilit akong ngumiti.
Tumaas ang kilay niya. "Sigurado ka?"
"Oo." Mas lalo pang naging pilit ang pagngiti ko. Ang totoo niyan, ayoko pang magka-kidney stones dahil sa alat ng luto niya.
"Kaya mo na kumilos?"
"Oo, sinat na lang 'to."
"O-Okay."

BINABASA MO ANG
The Playboy Next Door (Next Door Series #1)
RomanceNagulo ang tahimik na buhay ni Aaron nang isang gabi ay nagkamali ng pinasukang pinto si Pio, ang lalakeng gabi-gabi ay naririnig niyang may pinaiiyak na babae sa kabilang kuwarto. Sa halip kasi na sa apartment nito ito pumasok ay naligaw ito sa apa...