Chapter 56

3K 144 26
                                    

Sa probinsya ang sunod naming punta.

Alam kong masyado pang maaga para umuwi ako sa amin. Pero wala na akong ibang maisip pa na puwede naming puntahan ni Pio. Iyon lang naman ang alam kong pinakamalayong lugar kung saan ko siya puwedeng dalhin.

Dahil hindi kami nakaabot sa huling schedule ng bus (4:00 PM) ay nagpalipas na lang muna kami ng gabi sa pinakamalapit na hotel. Kinabukasan na kami bumiyahe. Wala kaming ibang dalang gamit. Naiwan kasi sa apartment 'yong bagahe ko. Ang tanging dala ko lang ay ang cellphone at wallet kong wala na halos laman. Mabuti at marami pang pera sa wallet ni Pio. Ipinaubaya niya na muna ito sa akin.

"Pio, gising." Maingat kong niyugyog ang mukha niya habang nakasandal ang kaniyang ulo sa 'king balikat. "Kain na muna tayo," sabi ko sa kaniya sa kalagitnaan ng gabi nang mahinto ang bus na sinasakyan namin sa isang terminal.

Pagmulat niya ay mamula-mula pa ang mga mata niya. "H-Ha?" nanghihina niyang sabi habang palinga-linga sa paligid.

Tipid akong ngumiti. "Kakain na tayo."

Huminto ang tingin niya sa 'kin. Mahina siyang tumango. "Oh, o-okay."

Kasabay ng ilang mga pasahero ay bumaba kami sandali ng bus. Sa isang kainan, nag-order ako ng lugaw para sa kaniya at para sa 'kin, para naman mainitan ang mga sikmura namin. Habang magkaharap kaming nakaupo sa iisang mesa, napagtanto kong wala pa rin siya sa sarili dahil panay lang ang pagpapa-ikot-ikot niya sa kutsara sa mangkok at hindi pa rin siya sumusubo ni kahit isang beses.

"Pio, kain na," sambit ko sa namamalat na boses.

Tila wala siyang naririnig. Habang nakapangalumbaba, nakatitig lang siya pababa sa lugaw na para bang nalulunod ang mga mata niya rito.

Natigil lang siya sa ginagawa nang hawakan ko ang kamay niya at kunin ang kutsara mula sa kaniya. "Ako na."

Nang magising sa pagkatulala ay umangat ang mukha niya at humarap sa 'kin. "S-Sorry."

"Okay lang," pabatid ko. Sumandok ako ng lugaw sa kutsara.

"Sorry," ulit niya. 'Yong mukha niya ay parang naubusan na ng pag-asa.

"Huwag ka nang mag-sorry." Sinubuan ko na siya ng lugaw. "Wala kang kasalanan."

Habang nakatikom ang bibig ay kumurap ang mugto niyang mga mata, na para bang kinakausap ako. Batid ko naman kung ano ang sinasabi ng mga ito. Nasabi niya na ang lahat ng mga pangamba niya kagabi.

Kahit parang gustong-gusto ko nang magpatangay sa agos ng damdamin ko, pinipilit ko pa ring kolektahin ang aking sarili. Pinipilit kong magpakatatag para sa kaniya.

Ako na lang ang meron siya.

Pagkatapos kumain ay naglakad na kami pabalik sa nakahintong bus. Bago umakyat sa bus ay sandaling natigil si Pio nang tila may mapansin. Nang sumilip ako kung saan siya nakatingin ay nakita ko ang driver ng bus sa hindi kalayuan. Ngayon, alam ko na kung bakit niya ito tinitingnan. Humihithit pala ito ng sigarilyo.

"Pio," tawag ko sa kaniya. Tulad kanina ay parang wala na naman siyang naririnig. Kasabay ng usok ng sigarilyo ay parang nililipad ang isip niya ng hangin.

Nang ibaba ko ang aking tingin papunta sa kamay niya ay kita kong nanginginig ito. 'Yong mga daliri niya ay parang may hinahanap-hanap—bagay na matagal niya nang hindi nahahawakan. Sigarilyo.

"Pio, huwag."

Agad kong hinawakan ang kamay niya at pinagyakap ang aming mga daliri. Natigil na ito sa panginginig dahil sa higpit ng pagkakahawak ko. Dahil dito ay nabaling na ang atensyon niya sa 'kin.

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon