Chapter 66

3.2K 139 91
                                    

Trigger Warning: This chapter contains scenes and themes related to anxiety attacks, trauma, and sexual assault. Reader discretion is advised.

────────────

Parang gumuho ang mundo ko sa aking nalaman at nawalan na ako ng gana pa para magpatuloy. Pero sinikap ng mga paa ko na maglakad. Sinikap ng baga ko na huminga. Sinikap ng mga mata kong huwag pumikit.

Hindi ako nahimatay.

Kahit na ito ang gusto kong mangyari para hindi ko na maramdaman ang sakit kahit pansamantala, hindi ako binigo ng katawan ko at hinayaan itong iparamdam sa akin nang buong-buo. Walang tira. At pakiramdam ko, durog na durog na ang puso ko.

Inasahan ko na yata na darating ang araw na 'to. Pero ngayong nandito na ako, parang ang hirap tanggapin. Na nagsinungaling sa 'kin si Pio. Na may nangyari nga sa kanila ni Mona. At ngayon ay nagkaroon pa ito ng bunga.

Nauubusan na ako ng pag-asa.

"Aaron, a-anong nangyari sa 'yo?" usisa ni Manang Lucy nang makitang nakabagsak ang mukha ko habang naglalakad papasok sa apartment building. "Ayos ka lang ba?"

Mula sa paglalakad palabas ng J.A.M.A., hanggang sa loob ng tricycle, nagpipigil lang ako ng iyak. At ngayon ay may nagtatanong kung ayos lang ako.

"Manang Lucy..." nanginginig kong sabi. "Ano nang gagawin ko?"

Napatakip ako sa mga mata gamit ang likod ng kamay. At sa isang iglap, biglang bumuhos ang lahat ng luha ko na kanina ko pa pinipigilan at hindi ako matigil sa pagsinghap.

"B-Bakit?" may pag-aalala niyang tanong. "Aaron, anong problema?"

Hinawakan ng malambot niyang palad ang braso ko at maingat itong ibinaba, hanggang sa mabunyag ang luhaan kong mukha. Mas lalo akong naiyak nang makita ang mga mata niyang tila awang-awa sa akin. Pero sa isang banda, nakadama ako ng kaunting pamilyaridad nang makita ang sarili ko sa kaniya.

"N-N-Nang... Nangyayari na po sa 'kin... 'yong... 'yong nangyari sa inyo noon." Para akong nalulunod at nauubusan ng hangin. "At... At hindi ko na po alam... hindi ko na po alam ang gagawin."

Kinain ko ang lahat ng sinabi ko noon na hindi ako matutulad sa kaniya. Ngayon, alam ko na ang pakiramdam na malagay sa posisyon niya. Napakasakit pala. Paano niya nakayanan ang lahat noon?

"Aaron..." Binuksan niya ang kaniyang mga braso sa akin at nagsimulang mamuo ang luha sa kaniyang mga mata. "Halika rito."

Kusa akong napayakap sa kaniya. "Manang, h-hindi ko na po kaya... hindi ko na po kayang lumaban."

Hinimas-himas niya ang likod ko. Sumabay na rin siya sa paghikbi ko. "Nandito ako... Nandito lang ako, Aaron."

"A-Ano na pong gagawin ko?" paghingi ko ng payo. "Sabihin n'yo po sa 'kin... kung... kung anong gagawin ko."

"Aaron, hindi ko rin alam..." mangiyak-ngiyak niyang sabi. Mukhang batid niya na agad kung anong nangyari sa akin at kung ano pa lang ang mangyayari sa amin ni Pio. "P-Pasensya ka na, hindi ko rin alam..."

Bakit ayaw niyang sabihin sa akin ang isang bagay?

Natatakot ba siya na baka lalo akong masaktan?

May ihihigit pa ba itong sakit?

"Mahal ko po si Pio..."

"Alam ko, Aaron... Alam ko."

Bakit hindi niya na lang ako diretsuhin?

"Kailangan ko na bang magsakripisyo?"

"Aaron, ikaw lang ang makakasagot niyan."

Alam ko...

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon