Bumagal ang takbo ng oras habang nakatayo ako sa harap ng lalakeng nakaluhod. Numipis ang hangin na aking nalalanghap at lumalim ang aking paghinga. Sa bawat paghinga, ramdam ko ang takbo ng bawat segundo, ang bawat pagkakataon na maaaring mawala.
Noon, palagi kong itinatanong sa 'king sarili, "May darating pa bang tao para sa 'kin?" Ngunit ngayon, sa pagkakataong ito, ang sagot ay nasa harap ko na mismo.
Bumilis nang bumilis ang takbo ng puso ko. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang salitang matagal ko nang inaasam na sabihin kapag dumating ang tamang oras para sa 'kin. Pero ito na 'yon. Ito na ang tamang oras. Siya na ang tamang tao. At ito na ang tamang salita...
"Oo."
Nabuhayan ang mga mata ni Pio sa salitang lumabas mula sa 'king bibig. Tumakas ang ngiti sa labi niya, at nahawa ako nito. Sa pagtayo niya mula sa pagkakaluhod ay nanumbalik ang oras sa normal nitong takbo. Kinuha niya ang isang singsing sa loob ng ring case at may pagkatuwa itong isinuot sa palasingsingan sa kaliwa kong kamay. Sunod niya namang isinuot ang isa pang singsing sa kaniyang palasingsingan sa kaliwang kamay. Nang ibalik niya ang ring case sa bulsa ng kaniyang shorts ay muli niyang hinawakan ang kaliwa kong kamay at hinalikan ito.
Matapos ibaba ang kamay ko ay sinabi niyang "I'm officially yours from now on." Lumapad pa ang kaniyang ngiti; gano'n din ang akin. "You're officially mine." Pagkatapos ay niyakap niya ako nang mahigpit. Naging iisa ang puso naming dalawa.
Walang mapagsidlan ang saya na nadarama ko sa kasalukuyan. Para akong nasa langit. Ang sarap sa pakiramdam na malamang akin na nga talaga siya—na kami na nga talagang dalawa.
Deserve ko ba 'to?
Deserve ko ba talaga siya?
"Pio, salamat,'' maluha-luha kong sambit habang nangingiti. Kinusot ko ang likod ng basa niyang sando habang nakayakap sa kaniya. "Salamat."
Higit pa sa salamat ang gusto kong sabihin sa kaniya. Walang salita ang makatutumbas sa totoo kong nararamdaman. Gusto kong sabihin sa kaniya na siya ang sagot sa mga dasal ko. Pero minsan, higit pa ang katahimikan para iparamdam sa isang tao na mahal mo siya. Alam niya naman siguro ang nilalaman ng puso ko. Dinig niya naman siguro ang isinisigaw nito.
"No, Aaron. I should be the one thanking you," saad niya. "Because of you, I've seen changes in myself. I never believed I could change, and no one else did either. But here I am, fighting not to be swept away by the ocean of my sins. And I won't drift away, 'cause you're my anchor—you keep me steady, you keep me ashore."
Sa mga sinabi niya ay mas lalong humigpit ang pagkakayakap ko sa kaniya. Sa sobrang saya ko ay hindi ko na napigilan pa ang pagtulo ng luha ko. Deserve man o hindi, ang mahalaga ay kami na. At wala akong sasayangin na oras habang kasama ko pa siya.
Matapos kaming kumalas sa pagkakayakap sa isa't isa ay agad kong pinunasan ang maluha-luha kong mata. Kita ko ring bahagyang namula ang mata niya, pero walang luha tulad ko. Masyado yata akong naging emosyonal. Dapat lang. Ito ang unang beses na may dumating sa buhay ko—na dumating ang isang tulad niya.
"Stay here," nangingiting utos niya.
At nanatili ako sa 'king kinatatayuan, habang si Pio ay tila may sunod na binabalak gawin dahil sandali siyang umalis mula sa tabi ko. Inangat ko ang aking kamay at pinagmasdan ang kulay-pilak na singsing na nakakabit sa 'king daliri. Hindi pa rin ako makapaniwalang suot ko ito at suot niya rin ang parehong singsing. Balak ko pa sanang kahumalingan ang ganda at kinang nito, ngunit biglang namatay ang ilaw.
"Pio?" Ibinalik ko sa kaniya ang aking tingin. "Bakit—?"
Kahit bahagyang madilim sa loob ng kaniyang kuwarto ay naaninag ko ang kaniyang katawang nakayuko malapit sa bedside table. Tila may kinakalikot siyang isang bagay sa ibabaw nito, sa tapat ng nakapatong na picture frame rito. Hanggang sa may biglang tumunog.
![](https://img.wattpad.com/cover/367552132-288-k28562.jpg)
BINABASA MO ANG
The Playboy Next Door (Next Door Series #1)
RomanceNagulo ang tahimik na buhay ni Aaron nang isang gabi ay nagkamali ng pinasukang pinto si Pio, ang lalakeng gabi-gabi ay naririnig niyang may pinaiiyak na babae sa kabilang kuwarto. Sa halip kasi na sa apartment nito ito pumasok ay naligaw ito sa apa...