Chapter 46

2.7K 141 19
                                    

Buong magdamag ng kasal ay wala akong ibang pinagtuunan ng pansin kundi ang matandang babae na nakasuot ng kulay pulang dress, na sigurado akong siyang kasama ni Manang Lucy sa lumang litrato. Magkapareho sila ng litratong itinatago eh. At kamukha niya rin ang dalaga sa kanang bahagi ng litrato. Bagaman ay matanda na ang itsura, hindi pa rin maikakaila ang kaniyang kaputian, tangos ng ilong, at mapupulang mga labi. Ang kulay puti niyang buhok ay maalon pa rin ngunit maikli na ang gupit—'yong gupit pangmatanda. Mayroon siyang suot na pearl necklace sa leeg.

Nakumpirma kong siya ang lola ng bride. Matapos kasing ipagkatiwala ang bride sa kamay ng groom ay tumabi na ang nanay at tatay nito sa lola. Kita ko rin kaninang mabilis na itinago ng matanda ang litrato sa bulsa ng kaniyang damit nang lapitan siya ng mga ito.

Lihim na pag-ibig.

Mayroon silang lihim na pag-ibig ni Manang Lucy. At hindi ko mapigilan ang kirot sa dibdib ko habang pinagmamasdang pumilit ng ngiti ang matanda dahil kanina lang nang makita ko siyang umiiyak nang palihim. Pinilit niyang maging masaya sa pinakamasayang araw ng pinakamamahal niyang apo.

Mahal pa rin ng dalawa ang isa't isa.

Sa tinagal-tagal ng panahon, mahal pa rin nila ang isa't isa. Hindi pa rin naglalaho ang pag-ibig sa mga puso nila kahit na matagal na silang hindi nagkikita. Pareho nilang niyayakap ang kanilang mga litrato eh.

Paano sila humantong sa ganito?

Bakit hinayaan nilang lumipas ang oras?

Higit sa lahat, bakit hindi nila ipinaglaban ang isa't isa?

Napakadaming katanungan sa isipan ko, na minsan ay nakakalimutan kong umaapaw na pala ang champagne na ibinubuhos ko sa baso ng ibang guests. Humihingi naman ako ng paumanhin. Wala pa namang nagagalit sa akin. Mababait naman pala ang mga guests kahit na mayayaman. Masyado lang malikot ang isipan ko dahil sa mga napanood na soap operas noong bata ako. At ligtas naman ako sa paningin ng boss namin dahil abala ito sa paggabay sa mga kasamahan kong na-assign sa pag-serve ng pagkain.

Humanap ako ng tamang tiyempo. Hindi ko hahayaang manatali ang mga katanungan sa isipan ko nang hindi nasasagot. Hindi ko hahayaang palampasin ang pagkakataon. Sa lahat ng taong naririto, maaaring ako lang ang nakakaalam ng pinagdaraan ng matanda—nila ni Manang Lucy. Kung hindi ko sila pagtatagpuin, maaaring maging huli na ang lahat... para muling buuhin ang kanilang mga pusong nawasak... para sulitin ang mga huling taon ng kanilang buhay... para maging malaya... para maging masaya.

Lahat ng tao ay may karapatan sa pangalawang pagkakataon. Kung bakit ako natanggap sa trabahong ito, kung bakit ako naririto ngayon, kung bakit nakita ko ang litrato, marahil ay ako ang ginawang daan ng tadhana para bigyan sila ng ikalawang pagkakataon. Hindi pa huli ang lahat sa kanila. Oras lang ang kalaban. O pamilya.

Dumating ang tamang tiyempo nang mangailan ng tulong ang matandang babae, at saktong ako ang pinakamalapit na waiter sa kaniya...

"Iho," biglang tawag niya sa akin, kaya nilapitan ko siya, "puwede bang humingi ng pabor?"


"Yes po?" sagot ko nang nakangiti.

Kasalukuyang nagsasaya sa gitna ang bride, groom, bridesmaids, groomsmen, at kasama na rin ang mga magulang. Nagtatawanan ang mga ito habang abala sa panonood at pagkain ang ibang mga bisita.

"Puwede mo ba akong samahan papunta sa CR?" pakiusap ng matanda sa akin. "Medyo hirap na kasi akong maglakad."

Malugod ko itong tinanggap. "Oo naman po."

At sinamahan ko palabas ang matanda.

Habang marahan kaming naglalakad sa hallway papunta sa PWD restroom ay nakahawak ang kaliwang kamay niya sa balikat ko. Ang kanang kamay niya ay may hawak na walking cane. Kanina pa ako inip na inip, hindi dahil mabagal siya maglakad, kundi dahil gustong-gusto ko na siyang tanungin tungkol sa isang bagay, ngunit hindi ko lang magawa dahil baka magkamali ako ng timing.

The Playboy Next Door (Next Door Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon