Matapos bumaba ng stage ni Ms. Hen Lin ay may kaunting ingay na maririnig mula sa kumpulan ng mga tao, na habang tumatagal ay unti-unting lumalakas. Hindi mapigilan ang excitement ng karamihan. At hindi ko rin mapigilan ang pagbilis ng tibok ng puso ko tuwing naririnig kong nababanggit ang mga pangalan at mga salita na isang tao lang ang pinatutungkulan—Pio, Piolo, Piolo McMiller, dating Mr. J.A.M.A., Romeo, Papa P, gago, hayop, tarantado, guwapo, daks, pakboy, playboy, ex ni Mona.
Makalipas ang mahigit limang minuto ay natapos na rin ang pagtitiis ng lahat. Natahimik ang madla nang may dalawang emcees na naglakad sa magkabilaang hagdan. Habang naglalakad ay sinundan ang mga ito ng bilog na liwanag na nanggagaling sa stage lights. Nagtagpo ang dalawa sa gitna ng stage at naging iisa ang dalawang pabilog na liwanag. Nagkangitian ang mga ito sa isa't isa. Pagkatapos ay sabay na humarap sa madla.
"Good evening, ladies and gentlemen!" masiglang panimula ng lalakeng emcee sa kaliwa. Nakasuot ito ng makintab na navy blue suit. May hawak na script sa kamay. "Welcome to the 23rd Mr. and Ms. J.A.M.A.. Tonight, we'll witness an impressive group of dazzling contenders showcasing their finest talents and competing for the highly sought-after crowns right here on this stage."
"As the evening brims with anticipation," tuloy ng babaeng emcee na nakasuot ng navy blue na gown, "we will soon discover who will be the worthy title holders."
"I am Hover Montes from BSCA," pakilala ng lalakeng emcee sa sarili.
"And I am Shaina Garcia from BSTM," pakilala naman ng babaeng emcee sa sarili.
"We're set to host..." ani MC Hover.
"... the most spectacular..." ani MC Shaina.
"... the most thrilling..." si MC Hover.
"... the most glamorous..." si MC Shaina.
"... and the most eagerly anticipated..." balik kay MC Hover.
"... Mr. and Ms. J.A.M.A.!" sabay na nilang sabi sa mataas na boses.
Nag-play ng background music ang sound engineer at umalingawngaw ang masigabong palakpan at hiyawan mula sa madla na tumagal ng ilang segundo.
Ngumiti si MC Hover. "Wow!" Humina na ang background music at unti-unti na ring humina ang mga palakpakan. "That was loud, wasn't it, Shaina?"
"Yes, Hover," sagot naman ni MC Shaina. "The night is still young, yet the audience pulses with vibrant energy!"
Tinodo pa ni MC Hover ang ngiti nito. "Yes! I can feel it, too!" Kumunot ang noo nito. "Where is all this electrifying energy coming from? Let's hear it from BSMT!" Itinutok nito ang mikropono sa madla.
Nag-ingay ang mga taga-BSMT na nagkawatak-watak sa madla. Nagtaasan din ang mga banners para sa mga pambato ng course namin. Sa ilang banners ay makikita ang pangalan ni Pio mula sa mga tagahanga nito kahit hindi pa naman sigurado kung kasali nga ito.
Sa gitna ng maingay at magulong madla ay heto akong gulong-gulo ang pag-iisip, puno ng pangamba. Pero nakaramdam ako ng sandaling kapayapaan nang tumama ang likod ng kamay ni Jonas sa likod ng aking kamay. Marahan akong napalingon sa mga mata niyang sa 'kin pala nakatuon—at hindi ako sigurado kung sa 'kin lang ba mula pa kanina. Muli niyang idinampi ang kaniyang balat sa 'kin, at nadama ko ang paglakbay ng kaniyang mga daliri sa pagitan ng aking mga daliri. Hanggang sa nagkaisa ang mga kamay namin.
"BSMT daw, 'tol." Heto siyang nakangiti sa 'kin, mas lalong hinigpitan ang hawak sa 'king kamay.
"Uh..." At heto akong napatulala sa ginawa niya, hindi makuha ang tamang salita.
Mga ilang saglit pa nang itaas niya ang magkahawak naming mga kamay sa ere at saka humiyaw. "BSMT kami! Woooooh!"
Napasabay na rin ako. "W-Woooh!"
BINABASA MO ANG
The Playboy Next Door (Next Door Series #1)
RomanceNagulo ang tahimik na buhay ni Aaron nang isang gabi ay nagkamali ng pinasukang pinto si Pio, ang lalakeng gabi-gabi ay naririnig niyang may pinaiiyak na babae sa kabilang kuwarto. Sa halip kasi na sa apartment nito ito pumasok ay naligaw ito sa apa...